Si ‘Sampaguita Girl’ at pagdududa sa mahihirap
Mahalagang pag-usapan ang pangyayari hindi para idiin ang isa o pagsabungin ang dalawa. Parehong anakpawis ang pinagsasabong para pagtakpan ang tunay na kalagayang nagpapahirap sa mahihirap.
Kamakailan, nag-viral ang bidyo ng pagpapaalis ng security guard ng SM sa isang batang babae na nakauniporme at nagtitinda ng sampaguita. Nakilala siya bilang “Sampaguita Girl.”
Ayon sa report ng GMA Integrated News, “Marie” ang pangalan ni Sampaguita Girl, edad 22, medical technology student at iskolar sa isang pribadong paaralan sa Quezon City.
Matapos kumalat ang bidyo, naglabas ng pahayag ang management SM kaugnay ng insidente—sinesante na nila ang naturang guwardiya. Lalong uminit ang debate online ngunit nakulong ang pagtatalo sa usaping Manong Guard vs. Sampaguita Girl.
Ayon sa mga pumapanig kay Marie, tama lang ang nangyari sa guwardiya at magsisilbing leksiyon ito sa mga security guard. Sa bidyo, makikitang hinila hanggang masira ng guwardiya ang bungkos ng sampaguitang paninda ni Marie. Sinipa pa ng guwardiya si Marie
Kaya naman nang bumulusok ang kritisimo sa social media at nanawagan ang mga tao sa SM, sinabi ng mga opisyal ng mall na taliwas sa kanilang paninindigan para sa “culture of inclusivity” ang ginawa ng sinibak na guard.
Habang karaniwan at sa ilang antas lohikal (dahil naghahanap ng pananagutan sa pang-aabuso ng awtoridad) ang reaksiyon laban sa guwardiya, sa kabilang banda, malupit, marumi at puno ng pambabaluktot ang ibinato ng mga tao kay Marie.
Unang pinuntirya ng mga online users ang suot ni Marie—hayskul o estudyante ba talaga siya? Kung oo, bakit walang patch ng school ang uniporme? Matigas din daw kasi talaga ang ulo ni Marie at nagmumura pa, ayon sa ilang post sa Facebook.
Isinisi rin kay Marie ng mga netizen ang pagkasibak sa trabaho ni Manong Guard at ang malamang na pagkagutom ng pamilya niya.
Mahalagang pag-usapan ang pangyayari hindi para idiin ang isa o pagsabungin ang dalawa. Mahalaga dahil paulit-ulit na isyu ito sa lipunang Pilipino. Parehong anakpawis ang pinagsasabong para pagtakpan ang tunay na kalagayang nagpapahirap sa mahihirap.
Maraming nagalit kay Marie dahil isinisisi sa kanya ang sinapit ni Manong Guard. Pero sa ilang oras kong pagsasaliksik sa internet, wala pa akong nabasang naningil sa SM—dahil unang-una, sila naman ang nag-terminate kay Manong Guard, hindi si Marie. Kailangan ba talagang tanggalin sa serbisyo si Manong Guard? Bakit hindi uubra ang suspension at retraining sa kanya pati na sa lahat ng guwardiya ng SM?
Mahirap ang kalagayan ng guwardiya. Inaasahan silang bulag na sumunod sa management. Pero sa oras ng aberya, mag-isa siyang sasalo sa pananagutan. Wala siyang habol dahil agency-hired lang ang mga security guard ng SM.
Ayon nga kay Danilo Araña Arao, propesor ng peryodismo sa University of the Philippines (UP) Diliman, walang employee-employer relationship ang mga security guard at ang SM, kaya ganun na lang kadali magsisante ng empleyado. Dahil kontraktuwal at agency-hired, wala rin siyang unyon na maaasahan niyang ipaglaban siya.
Walang dudang mali ang ginawa nya, pero sapat na ba iyon para tanggalan siya ng kabuhayan? Kung pinagsisikapan ng SM makamit ang “culture of inclusivity,” bakit nananatiling kontraktuwal ang mga manggagawa sa kabila ng yamang nilikha nila para sa pamilya Sy?
Uniform
Kaugnay naman kay Marie, ilegal ba ang pagbebenta ng sampaguita nang naka-school uniform? Mahalaga ba talagang usapin kung estudyante o hindi ba siya? Hindi, pero tila dito umikot ang pagbabalita.
Ayon nga sa nanay ni Marie, nag-uuniporme talaga ang anak (na uniporme ni Marie noong hayskul) para mas madaling makabenta ng sampaguita. Mautak na bata, marunong sa sales.
Sa isang interbyu ng ABS-CBN News sa ina ni Marie, nagtitinda umano ang anak bilang pandagdag-gastos sa eskuwela lalo’t na-demolish ang tirahan nila sa Quezon City. Sa kalagayang nawalan sila ng tirahan, kauna-unawa ang galit niya kay Manong Guard na sumira sa kanyang paninda.
Matagal nang problema ng mga vendor ang pagpapalayas sa kanilang puwesto at ang pagkukumpiska sa kanilang paninda. Insignipikante man ang paninda nila sa mata ng mga sumisita, karugtong ng buhay nila ang mga ito.
Sa mga nakaraang taon, marami akong nakausap na mga homeless sa pamamagitan ng pagsasagawa ko at ng aking asawa ng community pantry. Isa sa nakausap ko si Ate Rose na nakatira noon sa bangketa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Matatagpuan sa kanyang maliit na sidecar ang buong buhay niya—ilang damit, water container, mga panindang sigarilyo, tubig at ilang tsitsirya. Pinahihintulutan daw siya doon ng pamahalaang lokal kapalit ng pagwawalis niya sa paligid.
Ngunit isang araw, kinumpiska ng mga tauhan ng city hall ang kanyang sidecar at paninda. Hindi na niya ito nabawi. Matapos noon, nanlilimos at nangangalakal siya para mabuhay.
Ganoon din ang sinapit ni Ate Erlinda, dating nagtitinda ng mga kakanin at tuwalya sa Taft Avenue. Kasambahay talaga siya pero pinagbabakasyon siya ng kanyang employer sa Nueva Ecija ng isa hanggang dalawang buwan kada taon.
Sa Taft Avenue na siya nakatira nang abutan ko. Nang kinumpiska ng mga tauhan ng city hall ang kanyang paninda, nawalan na siya ng kakayahang makaipon ng pera pabalik sa probinsiya.
Dahil hindi nakunan ng bidyo gaya ng nangyari kay Marie, walang ahensiyang sumaklolo o politikong nag-alok ng tulong kina Rose at Erlinda. Gaya ni Marie, kakarampot man ang paninda, nakalakip doon ang pangarap nila sa buhay.
Sindikato?
Ang pinakamabigat na paratang na hinarap ni Marie ay ang bintang na miyembro raw siya ng sindikato. Naratibo na ito na kasingtanda ng Anti-Mendicacy Law of 1978 na nagkikriminalisa sa pamamalimos at panlilimos. Napakakontra-mahirap ng batas na ito na akala mo’y may sinserong poverty alleviation program ang gobyerno.
Totoong may sindikatong nananamantala sa sagad-sa-lupang kahirapan ng napakaraming Pilipino, pero iilan lang ang kasong ito kumpara sa napakaraming pulubi sa bansa. Hindi marahil sumagi sa isip ng mga nagpaparatang na ang mga mismong kinakasangkapang mahihirap ay kumakalam din ang sikmura.
Ang tagal na ng akusasyong ito pero wala pa ring nagagawa ang pamahalaan para hulihin ang mga ring leader at handler ng mga binusabos nating kababayan.

Bakit walang nahuhuli ang mga pulis na lider ng mga sindikatong nabanggit? Hindi kaya tulad din ng sa kaso ng droga na madalas pulis, militar at mga politiko rin ang nasa likod ng sindikato. Sa kanila dapat magalit ang haters ni Marie.
Ayon sa propesor ng community development sa UP Diliman at dating Department of Social Welfare and Development Assistant Secretary na si Aleli Bawagan, mahalaga ang social safety nets para hindi mahulog sa bingit ng homelessness at pamamalimos ang mahihirap nating kababayan.
Kung kaya mahalaga magkaroon ng libreng pabahay sa mahihirap, nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho, lupa sa magsasaka, libreng serbisyong medikal at iba pang serbisyong panlipunan.
Dapat gumagana ang mga center at higit na paramihin. Mahalaga rin ang mga halfway homes para makatulong sa transisyon mula sa pagiging homeless patungong mamamayang may disenteng trabaho.
Kanino papanig?
Matapobre ang lipunang kinabibilangan ni Sampaguita Girl. Itinuturing na Kristiyanong bansa ang Pilipinas, pero imbis na tingnan bilang pagkakataon makagawa ng mabuti ang paglapit ng mahihirap ayon na rin sa turong Kristiyano, pinagdududahan at pinag-iisipan pa sila ng masama.
At ang ilang nakaaangat nang kaunti sa iba’y tila mas naisapuso ang ugali ng naghahari imbis na paunlarin ang pakikiisa at pagkakaisa sa kapwa mahihirap at pinagsasamantalahan.
Mahirap itanggi dahil kita natin ‘yan araw-araw sa mga opinyon nila sa social media, sa pagtrato sa pulubi at pagbatikos sa mga makamasang organisasyon gaya ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay.
Kaya nagtatrabaho man o namamalimos si Marie nang panahong nabidyohan siya, galit pa rin ang lipunan sa kanya dahil ang SM ay para lang daw sa may pera.