Ang trabaho ng simbahan
Ang lahat ng ginagawa ng mga simbahan at mga taong simbahan ay politikal, gaano man kalaki o kaliit ang impluwensiya, dahil lahat ng kanilang ginagawa ay may epekto sa kanilang mga mananampalataya sa mas malaking lipunang hindi nila maihihiwalay sa kanilang mga sarili.

“Hindi nila pansin ang kahirapan ng aking bayan; ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan.”
Jeremias 6:14
Halatang yamot ang hitsura nina Pangulong Donald Trump at Ikalawang Pangulong JD Vance ng Estados Unidos at marami ang nauga buhat sa sermon ni Obispo Mariann Edgar Budde ng Simbahang Episkopal sa Washington, na sumasamo ng habag para sa mga komunidad ng mga LGBTQ+ at ng mga migrante doon.
Tinawag ni Trump ang obispo na “radical left hardline Trump hater” at kalauna’y nagdemanda ng tawad. Sinuhayan siya ng mga konserbatibong taong simbahan sa Estados Unidos na humantong ang kritisismo sa kung dapat bang inoordina at humahawak ng posisyon ang kababaihan sa simbahan. Kinuwestiyon din nila ang mga naging salita ng obispo dahil ang tema ng sermon ay pagkakaisa matapos ng napakamapanghating eleksiyon.
Samantala, sa Pilipinas, nagsagawa ng isang “peace rally” ang Iglesia ni Cristo (INC) upang “ipanalangin” ang kapayapaan sa Pilipinas at hindi na magkaroon ng alitan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Ikalawang Pangulong Sara Duterte sa kabila ng magkakasunod na impeachment complaint laban sa huli.
Kinondena ni Trump si Budde na nagdala ng masahol na politika sa pagsamba; samantala, itinanggi ng INC na hindi politikal, kundi moral ang isinagawa nitong “peace rally.”
Ngunit, bilang nagtapos ng agham pampolitika, isa sa pinakabatayang itinuturo’y lahat ng bagay ay politikal. Kapag sinabing politikal, hindi lang ito nangangahulugang mga usapin sa gobyerno. Ang politika, sa esensiya, ay relasyon ng kapangyarihan.
Sa ganito, hindi maikakaila na ang sermon ni Budde at ang rally ng INC ay parehong politikal, may ninanais na makapag-impluwensiya lalo na sa harap ng mga makapangyarihang pigurang politikal ng kani-kanilang mga bansa.
Sa pinakamasaklaw, ang lahat ng ginagawa ng mga simbahan at mga taong simbahan ay politikal, gaano man kalaki o kaliit ang impluwensiya, dahil lahat ng kanilang ginagawa ay may epekto sa kanilang mga mananampalataya sa mas malaking lipunang hindi nila maihihiwalay sa kanilang mga sarili.
Nagkataon ding katatapos lang ng isang linggong pagdiriwang ng Week of Prayer of Christian Unity nakaraang Ene. 24 sa Katedral ng Maynila sa pakikipagtulungan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at National Council of Churches in the Philippines.
Ayon kay Obispo Mel Rey Uy ng Romano Katolikong Diyosesis ng Lucena, higit sa doktrina na mula sa isipan na maaaring ayaw magpatalo, ang higit na dapat manaig ay ang pag-ibig na handang magsakripisyo at magbigay alang-alang sa kapwa na halimbawa mismo mula kay Kristo.
Sa panahong naghahangad ang lahat ng isang tipo ng pagkakaisa, nais ko sanang bitbitin natin ang esensiya ng pagkakaisa mula sa binanggit ni Uy—na ito dapat ay naghahasik ng pagkakaisa batay batay sa pag-ibig, batay sa habag at awa.
Kinakailangan nating maging mga Budde, mga makabagong propeta na pinunto ang kasalanan ng makapangyarihan at ipinagbubuklod ang pagkakaisa ng mamamayang naninindigan para sa “buhay na ganap at kasiya-siya” (Juan 10:10).
Hindi dapat siya humingi ng tawad kay Trump na numero-unong misohinista at tagahasik ng giyera bilang ang modernong Cesar ng modernong imperyo.
Trabaho ng simbahan ang buhaghag at mababaw na pagkakaisa hindi sa mga sistemikong makasalang mga Cesar kundi sa malawakang pagkakaisa ng mga anawim o ng mga pinayuyuko ng lipunan, na mismong kumakatawan kay Kristong mismong biktima ng Cesar at ng Imperyo.
Bilang mga mananampalataya naman, kailangan nating kuwestiyunin ang mga sarili natin at mga relihiyong kinabibilangan natin. Sundin natin ang Ebanghelyo ni Kristo na naglalatag ng landas ng habag at pagkakaisa ng mga inaapi, hindi ang doktrina ng mga bulaang propetang nanlilinlang ng mga tupa habang kasabwat ng mga makapangyarihang nagpapakasasa sa pagnanakaw ng buhay alang-alang sa pekeng kapayapaan.
Ibigay sa mga Cesar ang pagkabagabag ng makatarungang galit laban sa tiraniya at pagsasamantala! Ibigay sa Diyos ang kapayapaang bunga ng pagkakaisa ng mayoryang inaaping taumbayang nakikibaka para sa hustisya!