Kasaysayan ng kababaihang Pinay sa Tandang Sora Women’s Museum
Binuksang nitong Enero, ang Tandang Sora Women’s Museum sa Quezon City ang kauna-unahang museong alay sa kababaihang Pinay.

Pamilyar ba kayo kay Melchora Aquino? Kung hindi, baka mas kilala niyo siya sa palayaw na Tandang Sora na palagi nating nababasa sa mga libro ng kasaysayan. Kung ikaw nama’y nakatira o napapadaan sa Quezon City, maaaring pamilyar din ang pangalang ito bilang kalye at barangay.
Pero sino nga ba si Tandang Sora? At bakit siya inaalala bilang mahalagang personalidad sa kasaysayan ng Pilipinas?
Si Tandang Sora ay ang binansagang “Ina ng Katipunan” dahil sa kanyang makabuluhang kontribusyon noong Rebolusyong 1896 para sa kalayaan laban sa mga Espanyol.
Walumpu’t apat na taong gulang na si Tandang Sora nang nagsimula ang rebolusyon, ngunit hindi ito naging hadlang upang makapagbigay tulong para sa mga Katipunero sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain, gamot at bahay na matutuluyan.
Sa kabila ng kanyang edad, hindi niya ipinagkanulo ang Katipunan sa mga kolonyalistang Espanyol na naging dahilan para ipatapon siya sa Guam.
Pagkatapos ng rebolusyon, nagbalik siya sa kanyang tahanan at namuhay hanggang edad na 107. Hanggang ngayon, nagsisilbing inspirasyon ang kanyang tapang at paninindigan sa mga kababaihang Pinay.

Bilang pagkilala ng kanyang mga nagawa para sa bayan, ipinanukala noong 2023 ni Sandra Torrijos, isang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga kababaihan, ang pagpapatayo ng Tandang Sora Women’s Museum, ang kauna-unahang museo na inaalay para sa kababaihan sa Pilipinas.
Opisyal na binuksan ang museo noong Ene. 6, 2025 matapos ang pagpapatayo nito sa nakaraang taon na inaprubahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Matatagpuan ang museo sa tabi ng Tandang Sora National Shrine sa Banlat Road sa Quezon City na may disenyong hango sa bahay na bato. Hindi lang ito pagbibigay-pugay kay Tandang Sora, kundi para na rin ipagdiwang ang tagumpay at pakikibaka ng kababaihan sa kasaysayan ng Pilipinas.
Isa sa mga kahanga-hanga sa Tandang Sora Women’s Museum ang pagiging bukas nito para sa lahat. Maliban kay Tandang Sora, itinatampok din ang sari-saring kuwento ng kababaihan mula sa iba’t ibang panahon.
Sa kabila ng magkaibang pinagmulan, iisa ang naging pagsubok na kinaharap nila—ang mababang pagtingin at pananamantala sa kababaihan sa isang lipunang patriyarkal. Patunay ang museo na ang boses ng kababaihan ay narito at patuloy na huhubog sa ating kasaysayan.

Makikita sa museo ang iba’t ibang obra ng kababaihan, mula sa mga mixed media, painting at textile. Itinatampok din ang mga larawan ng mga babaeng nag-alay ng sarili sa bayan, nagpapatunay na ang mga babae ay kayang tapatan o ‘di kaya’y higitan pa ang kalalakihan.
Ang Tandang Sora Women’s Museum ay bukas ng Martes hanggang Linggo mula 9:00 a.m. hanggang 4:00 p.m. Libre itong mapupuntahan ngayong buwan ng Marso para sa National Women’s Month. Mananatiling libre ang entrance para sa mga residente ng Quezon City, may kapansanan at senior citizen.
Sa pagbisita at pagsuporta ng museong ito, hindi lang natin inaalala ang mga nagawa ni Tandang Sora, kinikilala rin natin ang patuloy na paglaban para sa pagkakapantay-pantay. /Janine Louise Icamen