Moratorium sa taas-matrikula’t bayarin, hiniling sa CHED
Tumungo ang mga lider-estudyante sa tanggapan ng Commission on Higher Education sa Quezon City upang humingi ng moratorium sa pagtataas ng matriukula at iba pang bayarin sa mga pribadong paaralan nitong Mar. 10.

Dumulog ang National Union of Students of the Philippines (NUSP), Kabataan Partylist at mga konseho ng mga mag-aaral sa Commission on Higher Education (CHED) sa Quezon City nitong Mar. 10 upang humingi ng moratorium sa napipintong pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad.
Nagsagawa rin sa parehong araw ng isang press conference ang mga grupo ng kabataan, kabilang ang mga mag-aaral ng University of the East (UE), University of Santo Tomas, St. Louis University at National Teachers College, magpahayag ng pagtutol sa taas-bayarin.
“Papaano na po ang kinabukasan namin kung pinagkakaitan kami [at] hindi kami pinapakinggan,” saad ni Angelique Lopez, pangulo ng UE Manila University Student Council.

Nagpasa rin ng pormal na position paper ang mga mag-aaral sa CHED upang bigyang-mukha ang sitwasyon ng mga estudyante sa napipintong pagtaas ng matrikula.
Laman ng position paper ang iba’t ibang hinaing at suhestiyon ng mga estudyante kaugnay sa matrikula at iba pang bayarin mula sa mga konsultasyon at pagbisita ng NUSP sa iba’t ibang pribadong paaralan sa bansa.
Nagkaroon din ng diyalogo si NUSP national president Iya Trinidad kay CHED Chairperson Prospero de Vera III kung saan pinag-usapan ang mga isyung nakapaloob sa position paper at ilan pang hinaing ng mga estudyante.
Ani Trinidad, nasa estado ng pangamba pa rin ang mga estudyante dahil “kada taon nalang nagtataas ang matrikula at ibang bayarin sa mga unibersidad at eskuwelahan, pero wala nang kahit anong improvements ang nararamdaman.”
Natapos na ang palugit ng CHED sa mga pribadong paaralan para magsumite ng petisyon para magtaas ng matrikula at iba pang bayarin noong Peb. 28 alinsunod sa CHED Memorandum Order No. 3, Series of 2012.
Kabilang dito ang halos 3% hanggang 6% tuition increase sa UE, Adamson University, Ateneo de Manila University, De La Salle University at marami pang ibang unibersidad at kolehiyo. Pumapalo naman sa halos 7% hanggang 10% ang tuition increase sa Colegio de San Juan de Letran at University of the Cordilleras.