Paalala iwas heat stroke
Mapanganib sa ating kalusugan ang mataas na temperatura dulot ng tag-init. Alamin paano maiwasan ang heat stroke.

Simula noong pumasok ang buwan ng Marso, mula umaga hanggang hatinggabi, ramdam ang singaw ng mainit na hangin. Sa opisyal na abiso sa pagsisimula ng tag-init, ramdam na ramdam na sa kalakhan ng bansa ang pagtaas ng temperatura.
Dahil sa nakapapasong tirik ng araw, isa itong panganib sa kalusugan ng mga tao. Ang patuloy na pagtaas ng heat index ay senyales upang seryosohin ng bawat isa ang peligrong dulot nito. Kung hindi, maaari silang makaranas ng heat exhaustion o mas malala, heat stroke.
Upang maiwasan ang pagkakasakit ngayong tag-init, tandaan ang mga sumusunod na paalala:
- Uminom ng maraming tubig. Kapag mainit ang panahon, mabilis maubos ang tubig sa katawan dahil sa pagpapawis. Kung hindi ito mapapalitan, maaaring magdulot ito ng dehydration na nagiging sanhi ng heat stroke.
- Iwasang magbabad sa ilalim ng araw. Kung kinakailangang lumabas, subukang gawin ito sa mga oras kung saan hindi na masyadong mainit, gaya ng umaga o dapithapon. Kung hindi talaga maiiwasan, magdala ng proteksiyon sa init tulad ng payong o sombrero.
- Magsuot ng komportableng damit. Magsuot ng damit na magaan, maluwag at mapusyaw ang kulay tulay ng puti at dilaw upang ma-maximize ang pagpapalabas ng init sa katawan.
- Unahing alagaan ang sarili. Ang pag-aalaga sa iyong pisikal na kalusugan sa matinding tag-init ay mahalaga upang mas maging handa ka sa pagtulong sa iba. Bukod dito, para hindi ka rin maging isa sa tutulungan ng iba sa ganitong init.
- Alamin ng emergency numbers. Mahalagang malaman ang mga numero ng mga malalapit na emergency responder tulad ng Barangay Health Emergency Response Team at ng pinakamalapit na fire station kung sakaling kakailanganin.
Kabilang sa mga sintomas ng heat exhaustion ang pagkahilo, matinding pagpapawis at panghihina. Kung makakaranas ng mga ito, magpahinga sa malilim at malamig na lugar at uminom ng maraming tubig upang maibalik ang nawawala sa katawan.
Kung makatagpo naman ng taong dumaranas ng heat stroke, dapat agad itong maagapan at tumawag ng mga emergency responder.
Sa kabila ng matinding init, mahalaga ang pagiging handa at responsable sa pag-aalaga sa ating sarili at pamilya.
Sa pamamagitan ng mga simpleng hakbang ng pag-iingat at pagiging maalam, mas mapapangalagaan natin ang ating kalusugan at makakaiwas sa mga panganib ng heat stroke ngayong tag-init.