Eleksiyon

Tunay na makabuluhang alternatibo | Nars, aktibista at guro sa Senado

Huwag bigyang puwang ang mga ginagawang negosyo ang politika. Bigyan tiyansa at ikonsidera ang mga katulad nila na gagap ang hirap at pagsusumikap ng masa at alay ay tunay na serbisyo sa masang api.

Sa kaliwa’t kanang mga artista at mga kaanak at kaibigan ng mga politikong bunga ng dinastiya, nepotismo at pamamadrino, ano nga ba ang basehan para masabi nating mabuti ang isang kandidato?  May maasahan ba sa kanila, at magdadala ba sila ng tunay na pagbabago para sa sambayanang Pilipino

Ang kawalan ng tunay na representasyon ng marhinadong sektor sa Senado ang nagtulak sa  Makabayan Coalition na magpatakbo ng mga kuwalipikadong kandidato. Batid ng Makabayan na matagal ng bulok ang pamamalakad at napapako lang ang mga pangako ng mga trapo. 

Kaya’t mula sa malawak na hanay ng taumbayan, inihahain ng Makabayan ang nars na si Jocelyn “Alyn” Andamo, ang manunulat at aktibistang si Teddy Casino at gurong tapat at progresibong mambabatas na si France Castro.

“Nagkaroon ako ng pagkakataong makipamuhay sa komunidad ng mga magsasaka at katutubo doon sa norte. Nakita ko doon ang kalagayan nila at ang kasalatan sa serbisyong pangkalusugan. Sila mismo ang nagmulat sa ‘kin,” ani Andamo.

Mula sa mga ospital hanggang sa masisikip at malalayong komunidad sa lungsod at kanayunan, dinala ni Andamo at inilapit ang kalinga at serbisyong medikal sa masa.

Nagtapos ng kursong nursing sa Far Eastern University noong 1983, imbis na umalis at magtrabaho sa ibang bansa, naging isang nars sa day care ng Philippine Nurses Association (PNA) si Andamo at kinalaunan naging executive director ng Philippine Youth Health Program.

Noong 2014 hanggang 2015, naging aktibo si Andamo sa pag-oorganisa ng mga nars katulong ang PNA at nagsilbi rin bilang lead nurse organizer ng Alliance of Health Workers (AHW).

Sa mahigit apat na dekadang paglilingkod bilang nars at sa pakikibaka ng mga manggagawang pangkalusugan, alam na alam niya kung ano ang tunay na kalagayan ng sektor ng kalusugan sa bansa.

“Kailangan ng akses sa murang bilihin ng mga Pilipino dahil kapag hindi sila nakakakain ng masustansiyang pagkain, hindi rin sila magiging malusog,” diin ni Andamo.

Kasama ni Andamo ang buong Makabayan upang isulong ang mababang presyo ng pagkain dahil kakabit nito ang maayos na kalusugan ng mga Pilipino.

Kung palaring makakuha ng puwesto sa Senado, sisiguraduhin ni Andamo na tataas ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan. Kasabay din nito ang pagtaas ng sahod ng mga nars at lahat ng manggagawang pangkalusugan.

Hindi lang sa politika ang laban ni Andamo sa pagkasenador, kundi  laban ito para sa karapatan ng mga manggagawang pangkalusugan. Gayundin, para sa sambayanang Pilipinong pinagkaitan ng dekalidad at abot-kamay na serbisyong pangkalusugan.

Sa patuloy na paglala ng estado ng sektor ng kulusugan sa ating bansa, isang nars ang kailangan sa Senado upang gamutin ang nabubulok nitong sistema.

“Ang prayoridad ko ay ang reporma sa sistema ng politika dahil hangga’t ‘di natin napapalitan ang mga namumuno partikular na sa Senado na mula sa mga political dynasty, wala ring batas na papabor sa mga karaniwang mamamayan,” saad ni Casiño.

Bata pa lang, aktibo na sa mga usaping pambayan si Casiño, Kasama siya sa National Movement for Free Elections (Namfrel) para sa snap election noong 1986 at kalahok sa Pag-aalsang EDSA kasama ang milyong-milyong Pilipino

Kaya naman, patunay na matagal nang inialay ni Casiño ang kanyang buhay sa paglilingkod sa bayan.

Sa pagpasok sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), mas lalong pinaigting ni Casiño ang paninindigan na ipaglaban ang karapatan ng mga ordinaryong Pilipino. Naging punong patnugot siya ng UPLB Perspective at naging pambansang pangulo ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP).

Nang makatapos siya sa pag-aaral, agad din siyang lumahok sa pakikibaka ng mga manggagawa bilang direktor ng pampublikong impormasyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU) noong 1993.

Dahil sa kamulatan sa tunay na kalagayan ng ating lipunan, mula sa pagiging lider-estudyante, peryodista at kilusang paggawa, pinasok ni Casiño ang politika upang mas lalo pang isulong ang interes ng mamamayang Pilipino.

Mula 2004 hanggang 2013, nagsilbi bilang representante ng Bayan Muna Partylist si Casiño sa Kamara. Sinubukan ding pasukin sa unang pagkakataon ang Senado ngunit hindi nagtagumpay.

Bilang kongresista, ilan lang sa pangunahin niyang isinulong  na mga batas na labis na nakatulong sa mga Pilipino ang Tax Relief Act of 2009, Rent Control Act of 2009 at Public Attorneys Act of 2007.

Kapag makapasok sa Senado, isusulong ni Casiño ang pagpapatupad sa Anti-Political Dynasty Act at ang pag-amiyenda sa Partylist Law dahil para sa kanya, na-hostage na ito ng mga malalaking negosyo at dinastiya imbis na mabigyang boses ang mga inaaping sektor.

Kung paninindigan at karanasan lang ang kailangan upang manalo sa Senado, siguradong si Casiño ang mangunguna sa karera ng mga trapong politiko.

Bago lumabas sa kanyang oryentasyon at tumungo sa lansangan, sa apat na sulok ng silid-aralan muna natutong maging mulat at progresibo si Castro.

Batid ni Castro ang bulok na sistema sa edukasyon mula pa lang sa pagiging kasapi ng League of Filipino Students (LFS), isang anti-imperyalismong organisasyon ng mga mag-aaral noong kolehiyo hanggang grumadweyt sa Philippine Normal University bilang guro sa Matematika.

Noong isapraktika ang pagiging guro sa Quirino High School sa Quezon City, naging aktibo sa kilusang paggawa at pagiging miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) mula pa noong 1989 si Castro. Hindi nagtagal, naging tagapangulo ng Quezon City Public School Teachers Association (QCPSTA) mula 2001 hanggang 2012. 

Si Castro rin ang nagsilbing tagapangulo noong 2011 ng ACT-National Capital Region Union, ang pinakalamalaking unyon ng mga guro sa Pilipinas.

Matapos ang mahigit 25 taong pagiging guro at pagiging organisador, napagdesisyunan ni Castro na lumiban sa akademiya at isulong ang boses ng mga guro at estudyante sa Kamara bilang isa sa nominado ng ACT Teachers Partylist noong 2016. Nanatiling representante si Castro hanggang 2022.

Sa Kongreso, isa si Castro sa nagpanalo ng sa libreng edukasyon sa kolehiyo at pagdoble ng teaching supplies allowance sa P10,000. Maliban dito, ipinaglaban din niya ang pinahabang maternity leave sa 105 na araw, hindi lang para sa mga guro kung hindi bawat babaeng manggagawa.

Sa kabila ng malinis at puspusang panglilingkod sa taumbayan sa Kongreso, hindi nakalimot si Castro na tumugon sa pangangailangan ng mga estudyante at guro sa kanayunan.

Noong kasagsagan ng pagpapasara’t pang-aabuso ng militar sa mga eskuwelahang Lumad sa Mindanao, isa si Castro sa hindi nagdalawang-isip na tumungo at makiisa sa rescue mission sa isa sa mga paaralan ng Salugpongan Ta Tano Igkanugon Community Learning Center sa Talaingod, Davao del Norte na biktima ng pangha-harass ng Alamara, isang grupo ng paramilitar na binuo ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Dahil sa  matinding tensiyong dulot ng militar, nagpasya si Castro at kanyang mga kasama na lisanin ang lugar at maglakad ng mahigit tatlong oras para isalba ang 14 na estudyanteng Lumad mula sa panggigipit ng militar. Matapos nito, sinampahan ng gawa-gawang kaso ng child endangerment sina Castro at iba pang kasama sa tinaguriang “Talaingod 13” sa Tagum Regional Trial Court.

“Hindi krimen ang mag-rescue ng mga kabataan at teachers na nasa bingit ng kamatayan,” diin ni Castro.

Sa kasalukuyan, patuloy ang laban at pag-apela ni Castro at kanyang mga kasama sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanila. 

Sa pagtakbo ngayon ni Castro sa pagkasenador, hindi natitinag ang guro ng bayan sa patuloy na pagbitbit at pagsulong ng makabayan, progresibo at siyentipikong edukasyon. 

Kasama pa rin sa plataporma ni Castro ang pagpapataas ng sahod ng mga guro sa P50,000 para sa Teacher I, pagdagdag sa mga tinatanggap na mga guro sa mga pampublikong paaralan, at paglilimita sa bilang na 35 ng mga estudyante sa isang klase.

“Kailangan nating gawing number one ang badyet sa edukasyon,” saad ni Castro.

Sa bawat halalan, nasa taumbayan ang huling desisyon sa pagbabago. Utang ng bawat mamamayan sa kanilang mga sarili na bumoto nang tama, bumoto sa tunay na maglilingkod at hindi sa ibayong naglulubog sa kondisyon ng masa para sa ikakaunlad ng sambayanan, mula ngayon at para sa mga susunod pang henerasyon.

Kung mamarapatin, huwag bigyang puwang ang mga taong ginagawang negosyo ang politika. Bigyan tiyansa at ikonsidera ang mga katulad nina Andamo, Casiño at Castro na gagap ang hirap at pagsusumikap ng masa at alay ay tunay na serbisyo sa masang api.