Ka Trining Herrera, ina ng maralita, 83


Nitong Abril 19, kinumpirma ng pamilya ang pagpanaw ni Trinidad “Ka Trining” Herrera-Repuno, kilalang lider at tinaguriang “ina ng maralita.” Sa edad na 83, iniwan niya ang pamana ng tapang, pagmamahal at walang kapantay na serbisyo sa masa. 

“Matapang at mapagmahal sa inaapi,” ganito ilarawan ng grupong Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensiyon at Aresto (Selda) si Trinidad “Ka Trining” Herrera-Repuno.

Nitong Abril 19, kinumpirma ng pamilya ang pagpanaw ni Ka Trining, kilalang lider at tinaguriang “ina ng maralita.” Sa edad na 83, iniwan niya ang pamana ng tapang, pagmamahal at walang kapantay na serbisyo sa masa. 

Nakilala siya bilang isa sa mga biktimang nakaligtas sa marahas na tortyur ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr. dahil sa kanyang pagiging aktibo sa pakikibaka para sa mga karapatan ng maralitang lungsod ng Tondo, Maynila.

Ayon kay Nancy Kimuell-Gabriel sa “Prosopograpiya sa Kilusang Maralita ng Tundo,” si Ka Trining ang unang babaeng lider ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) noong dekada ‘70 at kilala sa pakikibaka para sa karapatan sa panirahan.

Halos anim na dekada ang ginugol ni Ka Trining bilang isang lider-maralita at aktibista sa masang kanyang pinaglilingkuran. 

Hindi matatawaran ang kanyang paglilingkod sa bayan, lalo na noong panahon ng diktadurang Marcos Sr. Noong 1975, nakaranas siya ng matinding pang-aabuso sa kamay ng militar.

Ayon sa Caloocan Historical and Cultural Studies Association, 10 beses dinakip si Ka Trining noong panahon ng batas militar dahil sa pagiging aktibo at husay sa pag-oorganisa ng mga maralitang lungsod.

Iba’t ibang pagpapahirap ang pinagdaanan ni Ka Trining. Sa isang panayam sa Rappler noong 2016, ikinuwento niya tortyur na dinanas sa kamay ng militar. Hinubaran siya at kinuryente ang kanyang katawan hanggang sa hindi na niya ito makayanan.

“Tinortyur ang mga detenidong politikal. Hindi lang simpleng pambababoy kundi ginagahasa ang mga kababaihang detenido,” kuwento ni Ka Trining sa isang panayam sa Review of Women’s Studies noong 2012.

Nang makalaya, hindi siya tumigil sa pakikibaka. Sa halip, mas lalo pa siyang naging aktibo sa pagtatanggol ng mga karapatan ng mga inaapi. Naging simbolo siya ng katapangan ng kababaihan at isa sa mga nagsilbing testigo sa mga krimen ng diktadura.