Serbisyo ng PrimeWater sa SJDM, palpak
Pitong taon nang nagdurusa ang mamamayan ng San Jose del Monte City, Bulacan sa palpak na serbisyo at mataas na singil sa tubig ng PrimeWater na pagmamay-ari ng pamilyang Villar matapos isapribado ang operasyon ng lokal na water district ng lungsod.

Pinuna ng mga residente ng San Jose del Monte City sa Bulacan ang hindi maayos na serbisyo ng tubig dahil sa joint venture agreement (JVA) ng PrimeWater ng pamilya Villar sa San Jose del Monte Water District nitong Abril 25.
Pitong taon nang nagdurusa ang mga San Joseño sa palpak na PrimeWater sa lungsod.
Ayon kay Even Calajate, isang engineer at naging chairman ng water district, kasalungat nito ang dating pagiging outstanding ng lungsod sa Luzon at pangatlo sa buong Pilipinas.
Sa simula pa lang ng JVA, dinanas na ng mga residente ang limitadong suplay ng tubig araw-araw. Walang iskedyul ang pagkakaroon ng tubig kaya napupuyat o gumigising sila ng alas dos ng madaling araw para lang makaipon ng tubig para sa buong araw. Reklamo rin ang mahinang tulo sa gripo ngunit lumalaking bayarin sa bill.
“The extension of human rights to human lives. Ganiyan po kahalaga ang tubig sa buhay ng tao. Ito po ay karapatang pantao, na hindi lang dapat mayayaman kundi dapat—lalo’t higit ang mahihirap ay nakaka-access sa malinis, mura at sapat na tubig araw-araw sa loob ng kanilang tahanan,” ani Irene del Rosario, kumakandidatong bise alkalde ng lungsod.
Dagdag niya, maayos ang performance ng San Jose del Monte Water District sa loob ng 35 taon na serbisyo kaya’t walang nagreklamong palpak, mahal at marumi ito.
Diin ni del Rosario, ang Tawid-Uhaw na isang proyekto para pansamantalang punan ang suplay tubig ang malalayong lugar sa lungsod at mga tubong tumatagas ang tubig na dalawang taong hindi naaayos ang ebidensiya na hindi kaya ng PrimeWater na pangasiwaan ang serbisyong patubig.
Nag-noise barrage din ang mga San Joseño bilang pagtutol sa pribatisasyon ng serbisyo ng tubig, pagbasura sa JVA at panawagang huwag nang magpapaupo ng isa pang Villar sa Senado.
Magpapatuloy ang pagkilos mula Abril 25 hanggang Mayo 4.