Sining para sa kalusugan, sining para sa iyo
Sa dami ng kinakaharap nating alalahanin, mainam na paraan ang art therapy para maipahiwatig natin ang ating mga nararamdaman.

Dahil sa iba’t ibang isyung panlipunan, madalas tayong nahaharap sa stress na nagbubunga ng anxiety at iba’t ibang krisis sa kalusugang pangkaisipan. Minsan, hindi natin alam kung paano ipaliwanag ang mga ‘to at madalas nahihirapan tayong iproseso at ipahayag ang tunay na nararamdaman.
Posibleng makatulong ang art therapy, isang uri ng psychotherapy kung saan hinihikayat ang mga tao na lumikha ng sining—mula sa pagguhit, pagpinta, paglikha ng eskultura, o kahit collage—upang maging gabay sa pagpapahiwatig o pagkilala sa nararamdaman.
Sa “Expressive Art as Therapy,” isang talakayang isinagawa ng I Can Serve Foundation, isang organisasyong tumutulong sa mga may breast cancer, ipinaliwanag ni Amos Manlangit na hindi lang basta paggawa ng sining ang art therapy. Aniya, isa itong pagkakataon para ipahayag ang ating mga damdamin, saloobin at karanasan.

Una, lumilikha tayo ng sining na halaw sa ating mga ideya at nararamdaman mula sa ating isip, puso at kaluluwa. Pangalawa, ang nagiging salamin ng ating sarili ang sining na ginagawa natin. At pangatlo, ang paglikha ay isang makapangyarihang gawain para mas makilala natin ang ating sarili, makapagmuni-mun at mabigyan natin ng espasyo ang ating emosyon.
“Ang sining ay isang magandang paraan, pamamaraan upang makilala lalo ang ating sarili. To examine ourselves. Sino po ba ako? Kamusta na po ba ako sa panahong ito ng buhay ko?” ani Manlangit.
Isa sa mga halimbawa ng expressive art na itinatampok ng grupo ni Manlangit ang paggawa ng diagram ng mandala, isang sining na may mga ugat sa iba’t ibang kultura at relihiyon, at may kasamang therapy upang matulungan ang isang tao na mas mapagtanto ang kanyang pagkatao.
Ayon sa World Health Organization, nakatutulong ang sining sa pagpapalabas ng mga saloobin na hindi kayang ilabas sa pamamagitan ng salita. Nagbibigay ang art therapy ng daan upang mailabas sa isang malusog at produktibong paraan ang mga personal na karanasan, trauma at negatibong emosyon ng isang tao.
Bilang isang indibidwal na mahilig sa sining, hindi ko noon akalain na matututuhan kong maglakbay sa simpleng pagbisita sa mga museo—hindi lang sa pisikal na mundo, kundi pati na rin sa aking sariling kaisipan at damdamin.
Isang itong paalala na patuloy umaagos at nagbabago ang buhay. Minsan, may mga pagkakataon na kailangan mo lang magpatawad, magpatuloy at yakapin ang mga pagbabago.
Hindi ko rin makakalimutan ang aking pagbisita sa The Metropolitan Museum of Manila. Doon ko napagtanto kung paano nakakatulong ang sining sa pagpapahayag ng mga damdamin na mahirap ilabas sa mga salita. Ang mga abstract art at modernong eksibit ang nagbigay sa akin ng espasyo na makipag-usap sa aking sarili.
Naging isang uri ng santuwaryo ang mga museo, isang ligtas na lugar kung saan maaari kong iproseso ang aking mga nararamdaman. Hindi ko na kailangan magsalita nang malakas para ilabas ang aking nararamdaman. Ang mga obra ng sining ang nagsasalita para sa akin. Ang mga piraso ng sining ang nagiging kasangga ko sa pagpapahayag ng aking mga takot, pangarap, at ang mga bagay na minsan mahirap ipaliwanag.

Kailangan rin alalahanin na apektado ang personal nating mga damdamin ng mga usaping panlipunan. Ayon sa Department of Health, tumaas ang kaso ng anxiety, depression at stress, lalo na sa mga kabataan at manggagawa, dulot ng matinding pressure sa trabaho, kalusugan at personal na isyu.
Sa ganitong sitwasyon, maaaring maging isang alternatibong paraan ang art therapy upang matulungan ang mga tao na maproseso ang kanilang nararamdaman. Nagbibigay ito ng daan para sa mga tao na maipakita ang kanilang takot, galit o lungkot sa isang ligtas at malikhain na paraan. (Bukod pa, siyempre, sa pagkilos sa mga inhustisya sa lipunan.)
Gamit ang sining, posibleng mapalago natin ang pag-unawa sa isa’t isa, na mahalaga sa isang lipunang puno ng pagkakaiba.
Ang mga art exhibition at community art project na nagpapakita ng kolektibong sining ay nagsisilbi ring pagkakataon para maikuwento ng mga tao ang kanilang mga pananaw at mapag-usapan ang mga isyung panlipunan na kinakaharap nila.