Unyon ng guro sa UST, LPU, nakakasang magwelga
Magkasunod na naghain ng Notice of Strike ang mga unyon ng mga guro ng University of Santo Tomas at Lyceum of the Philippines University dahil sa hindi pagkakasundo sa dagdag-suweldo at iba pang usapin ng mga guro sa mga naturang pamantasan.

Matapos ang mga deadlock sa kani-kanilang collective bargaining agreement (CBA), nagsumite ng mga notice of strike (NOS) ang dalawang unyon ng mga guro mula sa dalawang malalaking pamantasan sa Maynila.
Nagsumite ng NOS ang University of Santo Tomas Faculty Union (USTFU) sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) noong Mar. 25 dahil sa hindi pagkakasundo sa distribusyon ng 70% ng mga taas-matrikula na nakolekta ng unibersidad mula 2020 hanggang 2023.
Alinsunod sa mga umiiral na batas at patakaran sa matrikula at mga bayarin sa mga pribadong paaralan, mapupunta ang 70% ng dagdag-matrikula sa dagdag-suweldo, at dagdag-benepisyo ng mga guro’t kawani, 20% sa pagpapabuti at modernisasyon ng mga pasilidad at kagamitan ng paaralan at 10% sa administrasyon ng paaralan bilang return of investment.
Sa mga nagdaang negosasyon, nasa P220 milyon na ang maayos na naitalang maipapamahagi upang maiangat ang suweldo ng mga guro sa UST ng 8.4%.
Ngunit may negosasyon pa para sa P26 milyon para naman sa salary restructuring at rank upgrade ng mga guro, ngunit kukunin ito ng UST mula rin sa 70% ng taas-matrikula na para sa mga guro.
Dagdag pa ng administrasyon ng UST na pinamamahalaan ng mga paring Dominikano, hindi nila maipapamahagi ang dagdag hanggang wala pang maipipinal na CBA.
Giit ng USTFU na dapat nagmumula sa mismong UST ang pondo para sa salary restructuring at pagpapataas ng ranggo ng mga guro at hindi sa nakolektang matrikula dahil nakadepende ang pareho sa promosyon sa pribilehiyong igagawad mismo ng unibersidad.
Ayon kay USTFU president Emerito Gonzales, “Patuloy kaming umaasa na kikilalanin ng [UST ang aming] mga kahilingan at ang ganitong matagal na arbitrasyon ay hindi nakakatulong sa ating pinagsasaluhang kasunduan at kapayapaan sa trabaho.”
Nakaangkla rin ang CBA deadlock sa hindi pagkakasundo sa hospitalization benefits, kung saan nais ng USTFU ng 100% na coverage kagaya ng mga empleyado ng UST Hospital kumpara sa kasalukuyang nasa dating CBA na limitado lang hanggang P100,000.
Naghain din sa NCMB ng NOS nitong Mar. 26 hinggil sa sahod at seguridad sa trabaho ang Lyceum Faculty Association (LFA) ng Lyceum of the Philippines University (LPU) na pagmamay-ari ng pamilya ni dating Pangulong Jose Laurel.
Ayon kay LFA president Jovy Cuadra, nakipagdiyalogo na sila sa administrasyon ng unibersidad mula pa Oktubre ng nakaraang taon.
Nagkakaroon ng panibagong CBA ang LFA at administrasyon ng LPU kada tatlong taon, kung saan 2021 ang huling napagkasunduan. Noong napinal ito, P100 kada oras ang idinagdag sa sahod ng mga guro sa LPU na hinati pa sa dalawang tranche.
Hiling ng LFA, iangat ang sahod ng P150 para sa paparating na bagong CBA alinsunod na rin sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya at buwagin ang sapilitang pagpaparetiro sa mga guro matapos ang 20 taong serbisyo sa unibersidad, pero binabarat sila ng LPU na gawing P65 lang ang umento.
Sa pinakahuling negosasyon, itinaas ng administrasyon ng LPU ang alok na umento patungong P90, pero hindi nagpatinag ang administrasyon ukol sa dalawang dekadang limitasyon sa pagtuturo ng mga guro.
“Pagbibigyan na sana namin ‘yong [P90 na dagdag-sahod] pero ‘yong inilalaban namin na pag-aalis sa mandatory retirement after 20 years, ayaw nilang galawin,” ani Cuadra.
“Isipin mo, papasok ka rito [bilang guro] ng 22 [taong gulang], tapos dapat retired ka na ng 42. It’s really too young for us to retire and too old naman to start a new one,” dagdag ni Cuadra.
Nagkaroon ng paglilinaw sa mga kahilingan ng LFA nitong Mar. 28 kasama ang pamunuan ng LPU at diskusyon hinggil sa 20 taong limitasyon sa serbisyo. Nakatakdang mag-usap muli ang dalawang panig kasama ang NCMB sa Abril 7.