Ang totoo at mito ngayong tag-init
Bago ka pa malunod sa pawis at maling paniniwala, alamin natin kung alin ang totoo at alin lang ang mito tungkol sa tag-init.

Ngayong tag-init, ibang klaseng ginhawa ang ibinibigay ng paglagok ng malamig na tubig habang tirik ang araw. Pero totoo nga ba na bawal uminom nito kapag galing sa labas? Bago ka pa malunod sa pawis at maling paniniwala, alamin natin kung alin ang totoo at alin lang ang mito tungkol sa tag-init.
Totoo o Mito: Bawal uminom ng malamig na tubig kapag galing sa matinding init dahil baka ma-temperature shock o kaya pumutok ang mga ugat sa ulo
Ito ay mito. Ayon sa Department of Health (DOH), ligtas ang uminom ng malamig na tubig kahit pa mula ang isang tao sa katirikan ng araw sa labas. Ito rin ay para mag-cool down ang katawan mula sa matinding init. Ang temperature shock at pagputok ng ugat ay hindi dulot ng pag-inom ng malamig na tubig, kundi ng matinding pagbabago sa temperatura ng katawan at mataas na presyon ng dugo.
Totoo o Mito: Dapat magsuot ng mga light-colored na damit ngayong tag-init para mapreskuhan
Ito ay totoo. Ang light colors, tulad ng puti, dilaw, light blue, light gray at pastel colors, ay hindi madaling mag-absorb ng init mula sa araw kumpara sa dark colors.
Totoo o Mito: Masamang maligo kapag galing sa initan
Ito ay mito. Ang pagligo ngayong tag-init ay paraan para mag-cool down ang temperatura ng ating mga katawan at mapreskuhan.
Totoo o Mito: Ang araw ay natural na source ng vitamin D
Ito ay totoo. Ang araw ay nagbibigay ng vitamin D na nagpapatibay sa buto, ngipin, at nagpapalakas ng resistensiya ng katawan. Inaabisuhan na magpaaraw kahit limang minuto. Ngunit ang sobrang pagkabilad sa araw ay nagdudulot ng sunburn.
Totoo o Mito: Babalisawsawin ka kapag naupo ka sa mainit
Ito ay mito. Ang balisawsaw ay madalas na mahapding pag-ihi na dulot ng urinary tract infection, kakulangan ng tubig sa katawan at pagpipigil ng ihi.
Ngayong tag-init, maraming naglipanang health tips at paniniwala. Ang pinakamainam na tandaan para manatiling presko sa matinding init ay uminom ng maraming tubig, huwag magbabad sa arawan at magsuot ng komportableng damit.