Debosyon at kultura ng Santacruzan
Para kay Nyle, masayang maging reyna for a day. Hiling lang niyang maging mas abot-kaya sana ang pagsali sa Santacruzan.
Tuwing tag-init, isa ang Santacruzan sa mga inaabangang pagdiriwang. Bawat probinsiya, bayan, baryo, o minsan pa nga kahit sa mga subdivision, may kanya-kanyang bersiyon ng Santacruzan. Sa dami ba naman ng mga dalagang puwedeng isama, hindi talaga kakasya ang lahat sa iisang prusisyon lang.
Madalas, inaabangan kung sino-sino ang mga naggagandahang dalaga na sasagala. Madalas kagiliwan ang magagarbong kasuotan, makukulay na bulaklak at maningning na mga arko. Hindi nakapagtataka kung bakit may angking kagarbohan ang prusisyong ito, dahil pagsasabuhay ito sa alaala ni Reyna Elena, ina ni Emperador Constantino ng Imperyong Romano at kinikilala ring santa ng Simbahang Katolika.
“[Ang Santacruzan], parang Senakulo, ito naman prusisyon, pero ang inaalala dito ay ang paghahanap ng [pinagpakuang] krus [ni Hesus] ni Reyna Elena at Constantino,” sabi ni Fr. Eric Arada, kura paroko ng Parokya ni Sta. Clara ng Assisi sa Sto. Tomas City, Batangas.
Liban sa magagandang damit at makukulay na arko, paalala ni Arada, ang Santacruzan ay higit sa lahat pag-alala sa magagandang katangian at ehemplo ng Birheng Maria. “Hindi lang fashion show, ito ay isang religious event na sana ma-imbibe ang magagandang qualities ni Maria.”
Sa mga nagdaang taon, ang Santacruzan ay ginaganap na rin kasabay ng buwan ni Maria o ang Flores de Mayo. Madalas nagsisimula ang selebrasyon sa pag-aalay ng mga bulaklak kay Maria tuwing Mayo 1, susundan ng tradisyonal na Kapistahan ng Pagkahanap sa Krus ni Hesus sa Mayo 7, at magtatapos sa Kapistahan ng Pagbisita ng Mahal na Birhen sa Mayo 31.
Ayon kay Arada, ito ang dahilan sa pagdagdag sa pagsasabuhay sa iba’t ibang tauhan sa Bibliya at simbolismo kay Maria sa prusisyon, bukod pa sa pagsasadula ng paghahanap ni Reyna Elena sa krus.
Sa kabila ng ugat nito sa impluwensiya ng kolonyalismong Espanyol, ang Santacruzan ay naging simbolo na ng ating makulay na kultura at malalim na debosyon bilang isang mayoryang Katolikong bansa.
“Ang Santacruzan ay isang natatanging paghahalo ng Katolisismo at kulturang Pilipino. Ito ay isang visual at interactive na paraan upang maibahagi ang mga kuwentong ito sa mga kabataan, na magiging bahagi ng kanilang kaalaman sa relihiyon at kasaysayan,” dagdag ni Arada.
Reyna for a Day
Simula pa lang ng Mayo, naabisuhan na si Nyle Lumitao, isang guro at taong-simbahan, na sasagala siya bilang Reyna Emperatriz. Hindi ito ang unang pagsali ni Nyle sa Santacruzan, pero ito aniya ang unang beses niyang gaganap bilang isa sa mayor na karakter.
Napa-research pa daw si Nyle tungkol sa kanyang magiging papel sa Santacruzan, at doon lang din nalaman kung sino si Reyna Emperatriz sa kasaysayan ng Simbahang Katolika.
“Naririnig ko na ‘yong Reyna Emperatriz dati pa. Ang [akala] ko nga kay Reyna Emperatriz ay siya ‘yong mas matandang reyna sa likod ni Reyna Elena. Nalaman ko na siya ay si Reyna Elena rin mismo,” ani Nyle.
Ayon kay Arada, ang pagsali sa titulong Reyna Emperatriz sa Santacruzan ay “pagpapatingkad ng kanyang kahalagahan at kadakilaan bilang isang royal na pigurang may malalim na debosyon sa pananampalataya.”
Dahil unang beses para kay Nyle ang karanasang ito, pinagpasyahan niyang paghandaan at pagkagastusan din ang pagsali sa Santacruzan. Dumayo pa siya ng Caloocan City para magrenta ng susuoting gown, pinalagyan ng dagdag na gulong ang arkong gagamitin at nagpaayos pa sa salon sa araw ng prosisyon.
Sa kabila ng dagdag gastos, sulit para kay Nyle ang naging karanasan. Wika nga niya, “Ang gastos, pero okay lang kasi nagreyna-reynahan for a day!”
Tingin niya, kahit masaya ang pakiramdam maging reyna for a day, dapat maging mas abot-kaya ang pagsali sa mga ganitong selebrasyon, lalo at may kamahalan ang paghahanda para dito.
Dagdag pa niya, mahalagang maging daan ang Santacruzan para ituro sa susunod na henerasyon na ang pagiging reyna ay hindi lang one-size-fits-all.
“Deserve mong magkakorona at malaya kang maging sarili mo bilang isang reyna,” ani Nyle.