Pambansang Minorya

Kuryente ng micro-hydro, alternatibo sa katutubo

Sa sama-samang pagsisikap at kaunting tulong ng mga non-government organization, nakakamit ng mga nasa laylayan ang electrification sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga micro-hydro generator.

Napatalon sa tuwa si Juliana Balweg-Baawa, 52, noong unang beses niyang binuksan ang ilaw sa kanyang bahay. “Puwede nang mag-aral ang mga anak ko sa gabi!”

Bago iyon, umasa ang laking Barangay Mataragan sa Malibcong, Abra sa munting mga baga ng gasera na hindi naman nagtatagal. Nang magkailaw, bumili siya ng telebisyon para manood ng balita. Para sa kanya, marahil hindi makakapagtapos ng hayskul ang dalawa niyang anak kung ‘di sila makakapagbasa tuwing gabi.

Daluyan ng tubig sa Malibcong, Abra. Bahagi ng 13 na malalaking river system sa rehiyon ng Kordilyera. Geela Garcia/Mongabay

“May [refrigerator] na rin ako. Nakakapagtinda ng karne at inumin mula sa kapitolyo,” kuwento niya. “Mahirap ang buhay dito. Malayo. Pero at least ngayon, ‘di na kailangan magbayo ng palay. Puwede nang igiling.”

Ayon sa Department of Energy, nasa 2.6 milyong kabahayan sa Pilipinas ang walang koneksiyon sa mainstream grid ng kuryente. Kadalasang sila’y nasa mga liblib na komunidad sa kanayunan.

Pero sa sama-samang pagsisikap at kaunting tulong mula sa mga non-government organization (NGO), nakakamit ng mga nasa laylayan ang electrification sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga micro-hydro generator.

Sa buong rehiyon ng Kordilyera, kung saan talamak ang tunggalian sa pagitan ng mga katutubo at mga higanteng proyekto ng mga dam, sa alternatibo, mas ligtas at sustenableng enerhiya ang inuuna ng maraming katutubong baryo.

Mahigit dalawang dekada makalipas, sumama ang binatang si Bubot Bagwan sa dose-dosena pang taga-Barangay Pangued upang kunin at ihatid sa kanilang lugar ang mga piyesa ng micro-hydro generator.

Tumagal ng isang linggo ang kanilang pagkakarga ng mga sako ng semento, bakal at iba pang kagamitan sa mga likod nila at sa likod ng kanilang mga kabayo habang akyat-baba sa matarik na kabundukan.

Nang sa wakas ay makauwi sila, tumagal naman ng ilang buwan bago pa matapos ang pagpapatayo ng kanilang micro-hydro generator. Sa unang pagkakataon, dumaloy ang kuryente sa Barangay Pangued.

“Nauna pang makarating dito ang micro-hydro [generator] kaysa sa mga sasakyan o kalsada,” ani Bagwan, na ngayo’y 41 na. Sa ngayon, wala pa ring sementadong kalsada papunta sa Pangued at mga kalapit na lugar.

Noon, nakita ni Bagwan na naunang magkaroon ng kaparehong teknolohiya ang dalawa pang baryo noong 2002. Nilakad at nilakbay rin nila ang parehong mga pasikot-sikot ng bundok para lang magkaroon ng kaunting diklap, kaunting ilaw sa kanilang buhay.

Ipinaliliwanag ni Bubot Bagwan kung paano gamitin ang generator sa gilingan ng palay. Geela Garcia/Mongabay

“Akala nga namin imposible ito sa amin. Pero nagawa namin dahil sa bayanihan,” ani Bagwan. Sa gabi, may tipak ng ilaw sa gilid ng bundok ang mga poste sa barangay, nagmumukhang mga namamahingang alitaptap sa palumpong.

Target ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr. ang 100% electrification pagdating ng 2028. Pero ayon sa alituntunin ng gobyerno, responsibilidad ng mga komunidad ang pagpapakabit ng kuryente sa kanilang baryo. Hinahanapan pa sila ng gobyerno ng mga papeles na magpapatunay sa kanilang populasyon, sakop na teritoryo at detalyadong ulat hinggil kapaligiran. 

Pero ayon kay Ernesto Silvano Jr., Deputy Administrator for Technical Services ng National Electrification Administration (NEA), “masyadong isolated” ang maraming baryo. Sigurado siya na sa Kordilyera, “maraming logistical concerns. Unviable na i-extend ang lines ng ganoon kalayo.”

Sa ganitong kalagayan, inaalok ng NEA ang Solar Home System (SHS), renewable energy na alternatibo sa mga lugar na hirap maglagay ng linya ng kuryente dahil kulang sa imprastruktura.

Aminado rin si Silvano na dahil sa kakulangan sa pondo, duda siya kung kakayanin ng bansa ang ambisyon ng administrasyon para sa 2028.

Para abutin ang target, nagbalangkas ang NEA noong 2023 ng target na pondo na P69 bilyon sa loob ng limang taon. Sa kasamaang palad, kulang-kulang P2 bilyon lang ang natatanggap nila kada taon mula sa pambansang gobyerno.

“Pinagtiyatiyagaan namin,” ayon kay Silvano. Paliwanag din niya na pabago-bago rin ang target sa pagpapakabit ng kuryente taon-taon dahil lumalaki ang populasyon.

“Mabilis na lumalaki ang demand. Mahirap makasabay,” dagdag niya.

Lumalabas na epektibo at murang alternatibo para sa mga liblib na komunidad ang micro-hydro, lalo para sa mga Igorot ng Kordilyera. 

Ang 125 na bahay sa Malibcong tuwing gabi. Nagsusuplay din ng kuryente ang micro-hydro generator sa eskuwelahan at klinika. Geela Garcia/Mongabay

Pinangunahan ng Sibol ng Agham at Teknolohiya (Sibat), isang NGO, ang pagpapadaloy at pagkuha ng rekurso para sa maraming proyektong micro-hydro sa bansa.

“Mahalaga ang Kordilyera dahil sa kanyang yamang-tubig, sa mga ilog at watershed. Marami ding off-grid na lugar, ideal para sa micro-hydro,” ani Estrella Catarata, executive director ng Sibat.

Sagot man ng Sibat ang pondo, ang mga residente ng baryo ang bahala sa konstruksiyon, pagpapatakbo at maintenance ng mga generator.

Sa loob ng dalawang dekada, nanguna ang Sibat sa pagpapatayo ng 22 micro-hydro generator, kabilang ang 13 sa Abra. Naghahatid ng kuryente ang bawat generator sa mahigit-kumulang 100 bahay.

Forebay ng micro-hydro. Kasing laki ng isang swimming pool para mag-desilt ng tubig sa powerhouse. Kumpara sa malalaking dam, kaunti lang ang tubig na kailangan sa mga turbine ng generator. Geela Garcia/Mongabay

Tatlo lang sa 12 barangay ng Malibcong ang konektado sa grid. Ang iba, umaasa sa micro-hydro. May dalawang generator sa Mataragan, isa para sa mga bahay at isa para sa irigasyon ng mga bukid ng palay. 

Bente-kuwatro oras ang kuryente sa Mataragan, liban sa ilang araw tuwing tag-init kapag mahina ang daloy ng tubig sa turbine. 

Dahil sa maramihang ilog, may halos isang daang big-ticket hydro-power project sa Kordilyera. Pero ayon kay Johnson Dalingay, presidente ng kooperatiba sa Mataragan, hindi sila interesado sa malalaking dam. 

“Malulubog ang mga palay namin sa dam. Mapapalayas pa kami,” ani Dalingay.

Sa gabi, nakakapaglaro ang mga bata sa mga mobile phone. Geela Garcia/Mongabay 

Magkakaproblema rin daw sa grid. Pangkaraniwan lang ang appliances ng mga residente at nasa P5 hanggang P7 lang singil kada kilowatt hour. Pero sa Abra Electric Cooperative (Abreco), pumapalo sa P17.6 kada kilowatt hour ang singil. 

Maraming bentahe sa micro-hydro ayon sa inhinyerong si Jey Mart Erasquin. Mas maliit ang kontribusyon sa polusyon dahil sa low-carbon footprint at minimal ang pagbabago sa kapaligiran dahil isang metro lang ang taas ng dam na kailangan. 

“Hindi ko marerekomenda ang kumonekta sa grid. Maraming gastos na hindi naman kailangan,” giit ni Erasquin.

Paghahadlang at pakikialam ng mga sundalo ang banggit ni Catarata ang mayor na suliranin sa kanilang gawain. Sa panahon ng pandemya, sunud-sunod ang mga military checkpoint papuntang Mataragan at pagdating sa mismong barangay “ma-red-tag ka pa.”

Ayon kay Jazmin Jerusalem ng Defend NGOs Alliance, sinusubukang supilin ng gobyerno ang mga kritikal na boses at “hadlangan ang civil society sa kanilang development work.”

Natala ngayong Pebrero 2025, umabot na sa 69 na NGO workers mula sa 21 na organisasyon ang kumakaharap sa kasong may kinalaman sa terorismo.

Kailangan din ng mga micro-hydro ng pana-panahong pagsipat mula sa mga eksperto. Pero noong pandemya, sa utos ng pamahalaang panlalawigan, pinagbawalan ng mga sundalo ang Sibat na makatapak sa mga komunidad. Kesyo labag daw sa quarantine. Pero paniwala ng Sibat, dahil itinuturing sila ng estado bilang terorista. 

Apat na oras sa rough road ang biyahe mula sa Bangued, kapitolyo ng Abra, para maabot ang Malibcong. Nadaanan ang tatlong checkpoint ng mga sundalo. Geela Garcia/Mongabay

“Tinakot ang aming engineers, nag-confiscate ng kanilang mga gamit at inakusahan nilang gawa ng mga rebelde ang aming mga [project],” ani Catarata.

Dalawa sa kanilang partner na inhinyero ang nag-resign sa proyekto.

“Na-freeze ang project,” ani Romando Bacuyag, alkalde ng Malibcong noong panahong iyon. Dahil wala naman silang ibang paraan para makakuha ng kuryente, tumulong si Bacuyag na kumbinsihin ang pamahalaang panlalawigan na hayaang makapasok ang Sibat. 

“Akala kasi ng mga sundalo, ilegal. Kaya kinausap ko pa si governor,” ani Bacuyag. 

Kahit pa nakakapasok na ang Sibat, mainit pa rin ang mata ng mga sundalo sa mga checkpoint na nagkalat sa buong Kordilyera. Ang pagpasok lang sa Malibcong ay nangangailangan na ng permiso ng governor. 

Masahol pa, noong 2024, si Catarata at 23 pang ibang NGO worker ang sinampahan ng kasong terrorism financing. Hindi pa man nasasara ang kaso, nararamdaman na ng Sibat na malisyoso ang pagpuntirya sa kanila.

Nanonood ng balita sa gabi ang isang senior citizen sa Malibcong. Geela Garcia/Mongabay

Gayunpaman, suportadao ni Silvano ang mga micro-hydro sapagkat napapadali nito ang trabaho ng NEA. Darating ang araw, aniya, na kailangang magpakabit ng mga residente sa grid para daw sa ikabubuti ng ekonomiya. 

“Magbabago ang presyo kapag nangyari iyon. May gastusin para sa grid at transmission lines. Pero may dala ding increase sa consumption na makakatulong sa economy,” ani Silvano.

Karamihan sa mga generator sa bansa, nakaasa pa rin sa fossil fuel. At ayon kay SIlvano, matagal-tagal pa bago kakayanin ng bansa na magpalit sa renewable energy. 

“Nasa 20 years pa ang kontrata ng ibang mga kooperatiba,” ani Silvano.

Paniwala naman ni Erasquin na nasa komunidad ang mga solusyon. Kasama ang iba pang inhinyero at residente, nabuo nila ang Electric Load Controller para kontrolin ang distribusyon ng kuryente sa mga bahay.

“Tinitignan [din] namin kung kayaning makagawa ng mag hydro-solar hybrid na makatulong sa anumang panahon,” aniya.

Tuwing Linggo, namumuno si Bagwan sa apat na team na may 16 katao, halos kalahati ng buong baryo, para linisin ang dumi at bara sa filter ng generator.

Nitong huli, kuwento niya, “Natututo na rin kaming mag-repair ng turbine.” 

Paniwala ni Bagwan, halos hindi rin naiiba sa trabaho nila bilang mga magsasaka. Pareho raw na para sa kapwa at resulta ng bayanihan.