Namumukadkad na saribuhay ng Pilipinas


Mayaman ang biodiversity o saribuhay ng Pilipinas. Patunay dito ang mga bagong tuklas na species ng bulaklak na dito lang sa atin matatagpuan.

Alam n’yo ba na maraming mga bagong tuklas na species ng bulaklak sa Pilipinas? 

Ilan sa mga ito’y tinukoy bilang endemic o dito lang matatagpuan sa bansa. Mayroon din na tinutukoy ng mga siyentipiko bilang endangered or nanganganib na maubos.

Una sa ating listahan ang Begonia dorisiae na unang natagpuan sa gilid ng mabatong bangin malapit sa baybayin ng Davao Oriental. Napapalibutan ng balahibo ang puting talulot ng Begonia dorisiae at mayroon itong dilaw na stamen.

Specimen photo ng Begonia dorisiae. Larawan nina Mark Angelo C. Bucay, Danilo N. Tandang at Kuo-Fang Chung

Nirerekomenda ng mga siyentipiko na ilista ang species na ito bilang endangered dahil sa kakaunti nitong populasyon at sa posibleng banta ng bagyo na lalong magdudulot ng pagkaubos nito.

Halaw ang pangalan ng Begonia dorisiae mula sa beteranong brodkaster na si Doris Bigornia. Ayon sa mga mananaliksik, pagpupugay nila ito kay Bigornia na naging palayaw nila sa Begonia species. 

Higit pa dito, mas madali rin na ipakilala ang halamang Pilipino kapag iniuugnay ito sa pangalan ng isang tao.

Isang species ng Begonia rin ang natuklasan noong nakaraang taon sa Lanuza, Surigao del Sur. Ito ang Begonia abhak na halaw sa salitang Cebuano na “abhak” na ang ibig sabihin ay “hiwa” dahil sa mga dahon nito na mistulang hiniwa dahil sa patusok-tusok na dulo. May mga puting talulot naman ang bulaklak at may makinis, makintab at maikli na tangkay.

Mga kuha ng mga mananaliksik sa Begonia abhak. Larawan nina Freddie A. Blasco, Grecebio Jonathan D. Alejandro, Danilo N. Tandang at Rosario R. Rubite

Lumalago ang halamanng ito sa malilim, mabato at mahalumigmig na sapa sa Bujon, Lanuza, Surigao del Sur. Namumukadkad naman ang bulaklak tuwing Abril hanggang Hunyo.

Sa dakong hilagang Luzon, natagpuan sa Upper Agno River Basin Resource Reserve (UARBRR) ang panibagong orchid species na Bulbophyllum bokodense sa bayan ng Bokod, Benguet. 

Kahawig ng bulaklak nito ang Bulbophyllum rinkei na endemic sa New Guinea. May mga bakas ng linya sa talulot nito at kumpara sa Bulbophyllum rinkei ng New Guinea, mas maikli din ang sukat nito. Sumisibol naman ang halaman sa malumot na kagubatan ng bundok Purgatory-Mangisi Traverse sa UARBRR. 

Non-parasitic din ito o ibig sabihin ay tumutubo ito sa isa pang halaman bilang suporta pero hindi nito kinukuha ang sustansiya mula sa halaman kundi sa kapaligiran nito. Namumukadkad ang bulaklak tuwing Hulyo.

Pagsibol ng Bulbophyllum bokodense sa malilim na sapa sa Lanuza, Surigao del Sur. Larawan ni Liezel M. Magtoto

Bunga naman ito ang pag-aaral ng mga siyentipiko galing University of the Philippines Baguio, Texas Christian University at Philippine Taxonomic Initiative.

Marami pa na mga species ng bulaklak ang hindi pa natutuklasan. Kaya panahon din ito upang suportahan ang mga Pilipinong mananaliksik at botanist sa kanilang paggalugad sa mga sulok ng bansa.

Mainam ang kanilang mga pag-aaral sa mga bagong tuklas na species dahil ambag ito sa pagpapaunlad ng kaalaman sa saribuhay ng bansa. 

Hindi lang nito pinapaunlad ang kaalaman natin, nalalaman din natin kung paano mapapanatili ang biyolohikal na yaman ng bansa sa kabila ng mga unos at banta ng deforestation at pagbabago ng klima.