Dagdag-benepisyo para sa UP employees, aprubado na 


Tagumpay ang mga unyon ng University of the Philippines para sa dagdag-benepisyo ng mga guro at kawani. Samantala, tinuligsa ng mga guro ng pamantasan ang mga alituntunin sa merit promotion na hindi dumaan sa konsultasyon.

Nagtipon-tipon ang mga sektor ng UP noong Hun. 26 para ipanawagan ang iba't ibang kahilingan ng mga kaguruan tulad ng dagdag sahod at benepisyo pati na rin ang makatarungang promosyon para sa kanila. Office of the Faculty Regent/Facebook

Matatanggap na ng mga guro at kawani ng University of the Philippines (UP) ang ipinaglaban nilang dagdag na P10,000 sa kanilang benepisyo na inaprubahan ng Board of Regents (BOR) noong Hun. 26. 

Bahagi ito ng panukala ng All UP Academic Employees Union (AUPAEU) at All UP Workers Union (AUPWU) na taasan ang kanilang collective negotiation agreement (CNA) fringe benefits. 

Matatanggap ng mga empleyado ang karagdagang benepisyo sa loob ng tatlong taon: P6,000 para sa 2025; P2,000 sa 2026; at P2,000 sa 2027. 

Aabot na sa P43,000 ang kabuuang CNA fringe benefits ng mga empleyado sa UP pagkatapos ng tatlong taon.

Sa pahayag na inilabas ng AUPWU, pinasalamatan nila ang lahat ng mga kawani ng pamantasan na nakiisa sa paglaban para sa dagdag-benepisyo. 

Nauna nang inaprubahan ng BOR noong Disyembre 2024 ang panukala ng mga unyon na itaas ang kanilang professional development mula P15,000 tungo P25,000.

Samantala, hindi naman pinag-usapan ng BOR sa kanilang pagpupulong nitong Hunyo ang mga alituntunin sa faculty merit promotion dahil sa kakulangan ng impormasyon at dokumento. 

Binatikos ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (Contend) ang hindi pagkonsulta ng BOR sa mga apektadong sektor nang buuin ang naturang alituntunin. 

“Ang dokumentong ito ay binuo at inilabas nang hindi man lang nagsagawa ng maayos at bukas na konsultasyon kasama ang mga miyembro ng faculty sa buong unit ng UP,” pahayag nila. 

Bukod pa rito, tinawag din ng Contend na “represibo” ang mga alituntunin dahil malilimitahan nito ang opurtunidad ng mga guro na ma-promote. 

“Parang mas pinagtutuunan ng pansin ngayon ang dami ng publikasyon kaysa sa ibang salik. Pinapakita nito ang paghahabol ng UP na pataasin ang puwesto nito sa global university rankings,” pahayag ng Contend. 

Sa ilalim ng bagong patakaran, tanging ang mga publikasyong nailathala ng guro sa nakaraang tatlong taon lang ang bibilngin sa halip na ang kabuuan ng kanilang karera.

Para kay UP Faculty Regent Early Sol Gadong, ang usapin ng promosyon ay para sa pag-angat ng kalidad ng buhay ng guro. 

“Lagi kong sinasabi na halos pangtapat lang ito sa inflation na nangyayari pero kahit sa ganoong aspekto ay parang hindi pa napagbibigyan ang faculty members natin,” sabi ni Gadong. 

Sa inilabas na pahayag ng administrasyon ng UP noong Hun. 28, kinilala nila ang matagal at masusing deliberasyon sa promotion guidelines. 

“Nakatuon kami sa isang inklusibo at konsultatibong proseso na may pagkakaunawaan, respeto at sama-samang pamumuno,” pahayag nila. 

Magkakaroon naman ng special board meeting ang BOR sa Hul. 16 para talakayin ang mga alituntunin.