Altermidya, kinondena ang pang-aabuso kina Cumpio, mga PDL
Nagsampa ng reklamo ang Altermidya Network ang mga abuso sa mga bilanggo sa Tacloban City Jail Female Dormitory kung saan nakapiit ang community journalist na si Frenchie Mae Cumpio.
Naghain ng pormal na reklamo ang Altermidya Network sa Bureau of Jail and Penology (BJMP) National Headquarters at Commission on Human Rights (CHR) nitong Hul. 16 dahil sa mga abuso ng opisina ni Tacloban City Jail Female Dormitory Warden Jail Inspector Eva Naputo.
Kabilang ang mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio at kasamang si Marielle Domequil sa mga person deprive of liberty (PDL) na inulat na nakakaranas ng pagmamaltrato sa nasabing kulungan.
Ibinahagi nina Cumpio at Domequil sa kanilang mga pamilya at tagasuporta ang mabagal na tugon sa mga isyung pangkalusugan, mahigpit na patakaran sa pagdalaw, at paglabag sa karapatang makipag-usap nang pribado sa kanilang mga abogado.
“Ito ay ating tinututulan at nananawagan tayo ng agaran at propesyonal na imbestigasyon laban sa mga polisiya at mga patakaran na lumalabag sa karapatan ng mga PDL partikular kina Frenchie at Marielle,” ani Raymund Villanueva, tagapangulo ng Altermidya Network.
Inaresto at sinampahan sina Cumpio at Domequil noong 2020 ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives at dinagdagan ng “terrorism financing.”
Nanawagan kaugnay nito ang grupong Kapatid kay BJMP chief Jail Director Ruel Rivera para sa kagyat na diyalogo sa mga pamilya ng mga bilanggong politikal at imbestigahan ang patuloy na ulat ng pang-aabuso, diskriminasyon at pagpapabaya sa kalusugan ng mga PDL.
Sa ulat ng Kapatid, tanging Tacloban City Jail ang kulungan sa rehiyon na walang regular na family day at humaharang pa sa pagbisita ng mga diplomat at midya.
Sa gitna nito, inihain muli ng Kabataan Partylist at ACT Teachers Partylist ang House Bill 2066 o Antonio Molino Bill na may layong payagan ang pagkakaloob ng release on recognizance sa mga matatanda at may sakit sa PDL.
Ipinangalan ito kay Antonio Molina, isang nakatatandang bilanggong politikal na namatay sa kulungan matapos sampahan ng gawa-gawang kaso.
“Sobra na ang double standards ng batas. Dapat lamang na mabigyan ng humanitarian consideration ang mga nakakulong na may-edad o may-sakit, lalo na ‘yung mga ilegal na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso. Kaya kailangan nang maisabatas ang Molina Bill,” ani Kabataan Partylist Rep. Renee Co.