Maralitang Lungsod

Bawal nang magtinda sa Quiapo


Sa Lungsod ng Maynila, unang ipapatupad ang “zero vendor policy” sa mga tinukoy na Mabuhay Lane na alternatibong daan para sa mga emergency vehicle at pribadong motorista.

Araw-araw, dumaraan ang daan-daang tao sa Quiapo, Maynila para mamili, magdasal at kumain. Isa sa mga laging inaabangan ng mga suki ay ang Ediwaw Lugaw at Ediwaw Baga na halos 10 taon nang nagbebenta sa tapat ng SM Store Quiapo ng murang pagkain na luto ng pamilya Dizon.

“Ediwaw Lugaw po ang nauna, tapos sumunod ‘yong Baga,” ani Alexa Dizon, 17, habang nakatayo sa tabi ng kariton. “Dito na po kami nagtitinda ng mga magulang ko. Mahigit sampung taon na.” Anak siya ni Melai Dizon, 42, ang may-ari ng dalawang puwestong iyon.

Nitong Hun. 29, 2025, tuluyan nang nawala ang manininda tulad ng pamilya Dizon sa harapan ng nasabing department store sa Padre Gomez Street. Hindi ito dahil sa pagkalugi kundi dahil sa utos ng pamahalaang lokal na naglalayong gawing “malinis” ang lungsod.

Bago pa ang Hun. 29, inabisuhan na silang magligpit ng kanilang punong barangay na si Johnny dela Cruz. “Zero vendor na po. Wala na puwedeng magtinda,” dagdag ni Alexa.

Unang ipapatupad ang “zero vendor policy” sa mga tinukoy na Mabuhay Lane na alternatibong daan para sa mga emergency vehicle at pribadong motorista. Una nang nilinis ang kahabaan Carriedo Street at Palanca Street, ngunit ngayon, kahit ang Padre Gomez, na hindi naman sakop ng Mabuhay Lane, ay isasailalim din sa clearing.

“Lahat, lahat ‘yan. Maki-clearing. Kahit hindi Mabuhay Lane, kasama na rin,” ani Melai. “Pero sana maintindihan nila na dito po may linya kami. Hindi po kami sagabal. Hindi naman kasingdaanan ito ng Carriedo.”

Sa kabila ng kaunting pag-asa na makakabalik sila balang araw, walang malinaw na kasiguraduhan.

“Basta ang sabi, wala munang tindahan. Titigil kami. Kung may makakausap si mister, baka makabalik,” sabi pa ni Melai.

Katabi ng lugawan ni Melai, nakatayo ang isang Milo shake stand na bumabati sa mga dumaraan. Si Mang Fernando, 49, ang may-ari nito. Ayon sa kanya, ang kinikita niya araw-araw ay hindi lang para sa sarili kundi para sa kanyang apat na anak na sabay-sabay na nag-aaral.

“Isang kinder, isang high school, isang Grade 11 at isang college. Lahat sila sabay-sabay,” sabi niya habang naghahalo ng yelo at tsokolate sa malaking plastik na lalagyan.

“Kung aalisin kami, paano na sila? ‘Yong college, graduating na sana. E ‘di mahihinto,” aniya habang bakas sa mukha ang pag-aalala.

Dalawampung taon na siyang nagtitinda sa Quiapo. Hindi na bago sa kanya ang panghuhuli at panggigipit ng mga awtoridad.

“Hinuli na rin ako dati. Kinumpiska ‘yong tinda ko. Gabi ko pa nakuha. Pero laban lang. Kasi kung hindi ka lalaban, gutom ang pamilya mo,” ani Mang Fernando.

Ang kabalintunaan, ayon sa mga vendor, sila pa ang may tiyagang maglinis. Sa kabila ng paratang sa kanila bilang “nakakagulo” at “nakakadumi” sa lansangan, sila mismo ang nag-iingat para huwag makasira sa imahen ng mga establisimiyentong malapit sa kanila.

“Kami mismo ang sumasaway sa mga nagkakalat. ‘Wag kayong magtapon,’ sabi namin,” giit ni Mang Fernando.

Nang tanungin kung may alternatibong lugar ba silang puwedeng lipatan o programa mula sa pamahalaang lokal, sabay-sabay silang umiling.

“Wala pong gano’n. Dito laban lang,” sagot ni Melai. “Wala kang mapupuntahan. Hindi ka ire-relocate. Basta aalisin ka.”

Hindi lang kita o produkto ang mawawala sa mga vendor kapag pinatigil ang kanilang hanapbuhay, kundi pagkakakilanlan.

Dagdag ni Melai, “Hindi naman bawal kumain, ‘di ba? Pero parang bawal na rin mabuhay kapag vendor ka.”

Malinaw ang tanong ng mga vendor: Para kanino ang “kaayusan” na ito? Para ba sa mga motorista? Para sa mga mall? O para sa imahen ng lungsod na nais ipangalandakan sa mga bisita?

Malinis na nga ang mga kalsada ng Quiapo. Mawawala ang kariton, milo shake stand, lugawan at inihaw na baga. Pero hindi ito tagumpay ng lungsod, ito’y pagkatalo ng mahihirap sa isang patakarang hindi para sa kanila.

“‘Pag sinabing bawal, hindi ibig sabihin tama,” sabi ni Melai. “Basta sa amin, laban lang. Kasi wala nang iba.” /May ulat mula kay Andrea Pauline Naig