Musika ng kultura’t kalikasan ni Susie Ibarra


Higit pa bilang musika at obra, panawagan para sa agarang aksiyon ang mensahe ng komposisyon ni Susie Ibarra.

Sa mapuno, mataas, masukal na kagubatang puno ng saribuhay, ilan dito ay natatangi lang sa buong mundo at matatagpuan lang sa kanayunan ng Luzon. Ito ang naging inspirasyon ni Susie Ibarra sa paggawa ng “Sky Islands,” piyesang nagpapanalo sa kanya ng Pulitzer Prize.

Si Ibarra ay isang Filipino-American composer, percussionist at sound artist. Bata pa lang, pagtugtog na ng mga instrumento ang hilig niya.

Tatlong taong gulang naman siya nang matutong tumugtog ng piano. Sa edad na 16, napukaw ng percussion ang kanyang interes, mula sa tambol naging kulintang, gong, pati na rin ang mga instrumento mula Indonesia, Thailand at Burma.

Ang “Sky Islands” ay isang eight-piece ensemble tungkol sa saribuhay ng kagubatan ng Luzon at ang “rich and fragile ecosystem” nito.

Ang iba’t ibang hayop at halaman sa mga kabundukan sa Luzon ang nagpalalim sa relasyon ng musika at kalikasan sa mga obra ni Ibarra.

Larawan mula sa susieibarra.com

Sa paglalakbay niya sa Pilipinas, nakilala at nakatrabaho rin niya sa kanyang musika ang mga katutubong Ifugao, Kalinga, Bontoc at Aeta na siyang malaking impluwensiya sa kanya at sa kanyang sining.

Dito rin niya mararanasan at makikita ang relasyon ng mga komunidad at ang dibuho ng mga kabundukan at katubigan na lalong nagbibigay saysay sa kanyang buhay at paggawa ng mga obra.

Kung papanoorin ang piyesa niya, mahihinuha ang ilang taong inilaan upang matutuhan ang bawat instrumento. Makikitang tunay na niyakap, minahal at isinapuso ni Ibarra ang katutubong kultura. Makikita sa pagtatanghal ang kanilang pagtugtog gamit ang mga tradisyonal na instrumentong Pilipino, katulad ng kulintang, bamboo flute at tongatong. 

Bawat hampas at ihip sa mga instrumento’y hangin ng pagsalba sa naghihingalong katutubong kultura at mga kabundukan sa kanayunan. Ang paggamit niya ng kulintang ay nakaugat sa maraming taong pag-aaral kay Danongan Kalanduyan na kilala bilang “kulintang master” mula sa Mindanao.

Walang duda at kapantay ang naging dedikasyon at pagmamahal ni Ibarra sa kulturang mayroon siya. Hindi man siya lumaki sa Pilipinas, nananatiling buhay sa kanya ang halaga ng pagkilala sa kung sino siya at saan siya nagmula.

Larawan mula sa susieibarra.com

Kaya naman kinilala ng komite ng Pulitzer ang komposisyon ni Ibarra bilang “mapanghamon sa nosyon sa boses ng komposisyon” dahil sa angking talento sa pag-improvise at ang pusong malapit sa kapwa musikero at kalikasan na ibinibida sa kanyang mga gawa.

Higit pa bilang musika at obra ang “Sky Islands,” panawagan para sa agarang aksiyon ang mensahe ng komposisyon. Sa unti-unting paglaho ng kultura ng katutubong musika, paggamit sa mga instrumentong katutubo at mga gawaing mapanira ng kalikasan, pumapatay sa mga nilalang may buhay na naninirahan dito. 

Makasaysayan para sa bansa ang kanyang pagkapanalo. Hindi lang kasaysayan ang bitbit ng kanyang tagumpay kundi pati na rin inspirasyon. Hindi lang sa talento at galing niya sa musika, gayon na rin ang mga adbokasiyang bitbit biya, sa muling pagbibigay-buhay sa katutubong kultura’t musika at kamalayan sa nakababahalang kalagayan ng kalikasan.

“Sana’y magsilbi itong inspirasyon sa maraming manlilikha o maski hindi, na ang pangangalaga sa ating kultura at kapaligiran ay maaaring ibahagi sa iba’t ibang paraan,” pahayag ni Ibarra sa wikang Ingles sa panayam sa Vogue Philippines.