‘Political prisoners’ ang tawag sa amin
Sa pinakamadaling salita, upang ipaunawa sa maraming nag-iisip, nagtataka o nakakarinig, ang bilanggong politikal ay nabilanggo dahil sa politikal na paniniwala at prinsipyo.
“Bakit n’yo ba bina-brand ang sarili n’yong political prisoners?”
Madalas na tanong sa amin dahil, bukod sa curiosity, may pagdududa sa pagkilala. Tanong na siguro’y itinanong sapagkat wala silang ideya kung bakit ganito ang tawag at hindi naman kami mukhang mga politiko. Parang ganito—“Pulitiko [ba] ‘yan, kaya political prisoners?” Medyo nakakatawa, ‘di ba?
Sa kabilang banda, isa itong seryosong bagay at responsibilidad na ipaliwanag. Sa pinakamadaling salita, upang ipaunawa sa maraming nag-iisip, nagtataka o nakakarinig, ang bilanggong politikal ay nabilanggo dahil sa politikal na paniniwala at prinsipyo.
Ang PPs (kung paiikliin) ay nasa mahigit 700 na sa buong Pilipinas; at sa buong mundo’y napakarami rin. Ito’y sapagkat masalimuot na ang mundo, pinasasalimuot pa ng reaksiyonaryong gobyerno. Talamak ang pang-aapi’t pagsasamantala sa mamamayan ng mga naghaharing-uri. Dahilan ito upang, noon at hanggang ngayon, laging may tumindig at lumaban para sa karapatan at hustisya.
Subalit kaakibat ng paninindigan ay red-tagging at pagsugpo sa masang kumikilos para sa tunay na katiwasayan at kalayaan. Kaya naman minsan o madalas, ang resulta’t sakripisyo ay, kung hindi kamatayan, kulungan.
Nariyan pang tila binhi na itinatanim ng militar at pulisya ang ebidensiya at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga makabayang organisasyon at aktibista. At pagkatapos ng matagal na paglilitis, hahatulan ng habambuhay na pagkakakulong, tulad namin.
Hindi natatapos ang pagsagot sa tanong at pagpapaunawa, katulad ng buhay namin na hindi natatapos sa kulungan. Sapagkat, sa kabila ng lahat, bagaman bilanggo, katawan lang ang nakakulong ngunit malaya ang isip at puso. Ika nga, habang may buhay, may pag-asa. At hangga’t may pag-asa may buhay, para sa sarili, sa pamilya at sa kapwa.
Paulit-ulit ngunit iba-iba
Sa bawat araw, paulit-ulit ang oras ng gising, ng siesta at ng tulog sa gabi. Paulit-ulit at maraming beses ding binibilang ang mga bilanggo. Sinisigurado ng mga bantay na walang nawawala o tumakas. Paulit-ulit ang rancho o pagkain. Iisa lang din ang nakikita at napupuntahang lugar.
At higit sa lahat, paulit-ulit at taon-taon mong nakikita ang mukha ng kasama mo sa dorm (selda). Ang pinagkaiba, kung natanggap na ang pagkakakulong, maraming puwedeng mapagtanto depende sa perspektiba sa paulit-ulit na gawain sa bilangguan.
Iba’t iba ang klase ng mga tao at ng mga kaso, kaya’t magkakaiba ang pagtingin sa bawat araw na nalilikha. Maraming positibo, may negatibo at may ibang sumasabay lang sa agos.
Kahit may espesyal na tawag sa’min, bukod sa inmates o prisoners, kami’y simpleng indibidwal lang din na sumusunod sa mga patakaran, nakikilahok sa mga aktibidad at nananatiling nagmamatyag para sa karapatan at hustisya.
Nariyang nag-aaral kami’t lahat ay nasa top ng klase. Ang iba’y nadidiskubre ang talento sa sining kasabay na nagagamit ito upang magkaroon ng pagkakakitaan. Aktibo rin sa mga spiritual activity na nakakatulong sa pagiging kalma ng aming pagkatao. Lahat ng ito’y paraan upang mawala ang inip at kahit na sa bilangguan ay nagiging produktibo pa rin ang bawat isa.
Paulit-ulit ngunit iba-iba ang buhay ng mga nakapiit, ngunit sa mga pagkakaibang ito’y lumulundo sa pinakamahalagang pagkakaparehas—ang pagnanais na umunlad, magbago at lumaya.
Sa kabila ng hirap ng pagkakakulong sa krimeng ‘di naman ginawa, tulad ng marami sa mga political prisoner, hindi kami sumusuko na balang araw ay mauunawaan ng marami kung bakit may katulad namin; at balang araw ay magkakaroon din ng tunay na kalayaan.