Matuwid na galit
Kasakiman at pagkahumaling sa kayamanan—iyan ang ugat ng maraming katiwaliang ikinagagalit ng taumbayan ngayon.
Matapos mag-scroll sa social media, napabuntong-hininga ang isang kaibigan ko at nagsabi, “Ang tawag nila rito ay ‘highlight reel,’ pero kung tutuusin, parang paligsahan na lang kung sino ang makakapagpakita ng pinakamahal na bakasyon, pinakagarbong kainan, o pinakabagong designer brand. At sa proseso, nakakalimutan ng marami na ang tunay na halaga ay hindi sa ipinapakita mo, kundi sa kung sino ka sa harap ng Diyos.”
At bigla siyang nagtanong, “Bakit kaya mas pinipili ng mga tao na sukatin ang kanilang sarili ayon sa palakpak ng mundo, sa halip na hayaang lumiwanag sa kanila ang larawan at wangis ng Diyos?”
Totoo nga naman. Ito ang hamon ng mga pagbasa ngayong Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon. Tahasan na kinokondena ni Propeta Amos sa unang pagbasa ang mga yumayapak at yumuyurak sa dangal at karapatan ng mahihirap para sa sariling pakinabang. Kasabay nito, binabalaan tayo ni Hesus sa ebanghelyo, “Hindi ninyo mapaglilingkuran ang Diyos at ang kayamanan.”
Dahil kapag ang kasakiman ang humuhubog sa ating mga pagnanasa at gawain, natatakpan at lubos na nawawala sa ating paningin ang presensiya ng Diyos. At ito mismo ang nagtutulak sa atin na paglingkuran ang kayamanan at huwad na kapangyarihan sa halip na ang Diyos na buhay.
Kasakiman at pagkahumaling sa kayamanan—iyan ang ugat ng maraming katiwaliang ikinagagalit ng taumbayan ngayon. Bilyon-bilyong piso ang inilalabas, ngunit baha pa rin ang kalsada, sira pa rin ang tulay, siksikan pa rin ang mga silid-aralan, at ang mahihirap pa rin ang pinaka-naghihirap.
Isang napakalaking inhustisya ang hayagang nagpapakita sa ating bayan: hindi pa rin makabili ng sapat na bigas ang mga magsasakang nagtatanim nito; ang mga manggagawa’y hindi makapamuhay nang disente dahil sa sobrang baba ng sahod; at ang mga maralitang maysakit ay pumipila nang matagal sa mga ospital ng gobyerno, ngunit hindi naaabutan ng tamang atensiyon o gamot sapagkat ang pondong para rito’y ninanakaw. Samantala, yaong nasa kapangyarihan ay namumuhay sa luho at kasaganahan.
Kung tunay ang ating pagsamba, dapat itong dumaloy tungo sa katarungan. Kung nais nating maging kaaya-aya ang ating awit at dasal, dapat na naamoy sa ating buhay ang halimuyak ng katarungan at pananagutan.
Ito mismo ang tinutuligsa ni Propeta Amos—ngunit mahalagang paalalahanan: ang usaping ito ay hindi lamang panlipunan o pampolitika. Isa itong usaping espirituwal.
Si Hesus mismo ang nagsabi: “Whatever you did to the least of my brothers and sisters, you did to me.” Kaya’t kapag may batang nagugutom at hindi nakapag-aaral, kapag may manggagawang inaapi at dinadaya, kapag may pamilyang lalong naghihirap dahil sa korapsyon—ang Panginoong Hesukristo mismo ang pinababayaan, pinagsasamantalahan at inaapi.
Dito pumapasok ang tinatawag nating “righteous indignation” o matuwid at banal na pagkagalit. Hindi ito galit na nagdadala ng pagkapoot—na kasalanan. Sa halip, ito ang galit na nagmumula sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Ito ang sigaw ng konsensiyang hindi maaaring magbulag-bulagan, hindi puwedeng manahimik, at lalong hindi maaaring makisawsaw sa sistemang puno ng kabulukan, kabuktutan, at kasalanan.
Kaya mahalagang tanungin natin ang ating sarili: Ano ang nakikitang larawan ng mundo sa atin? Ang wangis ba ni Kristo o ang anino ng pagkamakasarili at kagahaman?
Huwag tayong magsawa sa pagsusuri dahil dito nakasalalay ang pagiging totoo ng ating pananampalataya. Ang hamon ng Salita ng Diyos ngayon ay hayaan natin na ang matuwid na galit ang magtulak sa atin—hindi sa walang saysay na pagkapoot, kundi sa makabuluhang pagkilos para sa katotohanan, katarungan at pananagutan—at higit sa lahat, para sa Panginoong Diyos na ating sinasamba at pinaglilingkuran.
Kung tunay ang ating pagsamba, dapat itong dumaloy tungo sa katarungan. Kung nais nating maging kaaya-aya ang ating awit at dasal, dapat na naamoy sa ating buhay ang halimuyak ng katarungan at pananagutan. Kung hindi, ang ating awit ay nagiging ingay lamang, ang ating dasal hungkag at ang ating relihiyon ay nagiging pagkukunwari.
Huwag nating hayaang matabunan ang presensiya ng Diyos—sa ating personal na buhay at sa ating lipunan. Hayaan nating magningning ang larawan ng Diyos sa pamamagitan ng paraan ng ating pagsasalita, sa paraan ng ating pamumuhay, at sa paraan ng ating pakikibaka para sa katotohanan at katarungan. Sa ganitong paraan, ang wangis ng Panginoon mismo ang makikita sa atin, at hindi ang anino ng ganid at kasakiman.
*Homiliya para sa Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon