Repleksiyon

Mental health at ang hamon ng pananampalataya


Ang mental health ay isang multi-faceted issue na nangangailangan ng komprehensibong solusyon. Kailangan ng integrated approach na kinikilala ang mga dimensiyong biyolohikal, sikolohikal, panlipunan at espiritwal.

Sa aking pagdalo sa interest group discussion tungkol sa mental health at ang Bibliya, maraming tanong ang umiral sa aking isip: Bakit patuloy na dumarami ang mga Pilipinong dumaranas ng mental health challenges?

Sa pagninilay, napagtanto kong ang mga sanhi ay hindi lang personal kundi systemic. Ang indibidwalismo na nagtuturo sa atin na “kaya mo ‘yan nang mag-isa” ay nagpapalala ng pakiramdam ng pag-iisa at kahihiyan. Ang consumerism na nagbabadya ng kasiyahan sa materyal na bagay ay nag-iiwan ng kawalan ng kabuluhan. Ang imperyalismo ay nagdudulot ng pagkawala ng identidad. Lahat ng ito’y nakapaloob sa isang lipunang puno ng kompetisyon at kawalan ng katarungan.

Ang mental health ay hindi lang usaping pananampalataya. Bagaman ang pananampalataya ay maaaring maging bahagi ng solusyon o coping mechanism para sa ilan, ang mental health ay isang komplikadong isyu na may maraming dimensyon:

Biyolohikal: May mga kondisyon sa mental health na maaaring dulot ng genetic factors, chemical imbalances sa utak o neurological disorders. Ang mga ito’y nangangailangan ng medikal na interbensyon.

Sikolohikal: Ang trauma, stress, patterns ng pag-iisip at coping mechanisms ay malaki ang epekto sa mental health. Ang psychotherapy at counseling ay nakakatulong sa pagproseso ng mga ito.

Panlipunan: Ang kahirapan, diskriminasyon, kawalan ng oportunidad at societal pressures ay nagpapalala ng mental health issues. Kailangan ng systemic change para matugunan ang mga ito. Ito ang nakita kong kakapusan, kung paano ang kalagayan ng lipunan na puno ng kahirapan ay dahilan kung bakit marami ang kumakaharap ng mental health challenges. Sabi ng isang pastor na nakaupo sa likuran ko, “Ikaw ba’y walang trabaho, walang makain, walang tiyak na tirahan, hirap sa pagpapaaral sa mga anak, lalo na kung may magkakasakit, [mawiwindang] ka talaga.”

Espiritwal: Para sa ilan, ang pananampalataya ay nagbibigay ng comfort, sense of purpose, at community. Ngunit hindi ito sapat para tugunan ang lahat ng aspekto ng mental health.

Pagkakaiba ng mahirap at mayaman: Ang may kaya sa buhay ay may access sa therapy at serbisyo na sabi pa sa mga participant ay kakaunti lang at napakamahal pa. Ang mahihirap naman ay nababaon sa hirap, gutom, kawalan ng trabaho at limitadong serbisyong pangkalusugan. Para sa marami sa kanila, ang mental health ay luho—mas pipiliin nilang tiisin ang sakit kaysa mabuhay nang walang makain. Parehong nagdurusa, ngunit iba ang anyo ng kalagayan.

Integrasyon: Kailangan ng holistic approach na pinagsasama ang medikal, sikolohikal, panlipunan at espiritwal na interbensiyon. Hindi panalangin o ipasa-Diyos na lang.

Akses: Dapat magkaroon ng pantay na akses sa mental health services, anuman ang socio-economic status, gender o background.

Edukasyon: Kailangan ang malawakang edukasyon para labanan ang stigma at magbigay ng kaalaman tungkol sa mental health.

Adbokasiya: Kailangan ang advocacy para sa mga polisiya na sumusuporta sa mental health at well-being. Gayundin ang pagsuporta sa mga panawagan ng mga batayang sektor sa lipunan na siyang naglagay sa marami sa kanila sa traumatic na kalagayan dahil sa militarisasyon at karahasan na mas lalong nagpapahirap sa kanila. 

Intersectionality: Dapat isaalang-alang ang intersectionality ng iba’t ibang identidad at karanasan sa pagtugon sa mental health.

Ang mental health ay isang multi-faceted issue na nangangailangan ng komprehensibong solusyon. Ang pananampalataya ay maaaring mahalagang bahagi ng pagpapagaling, ngunit hindi ito dapat maging tanging tugon. Kailangan ng integrated approach na kinikilala ang mga dimensiyong biyolohikal, sikolohikal, panlipunan at espiritwal.

Oo, mahalaga ang panalangin, pahinga, at suporta ng pamilya at komunidad tulad ng binanggit ng resource person ng talakayan.

Ngunit hindi sapat ang indibidwal na solusyon sa sistemang siyang nagpapahirap sa tao. Dapat kumilos ang simbahan bilang tinig ng pag-asa at katarungan—tumindig laban sa mga polisiya at kultura na nagpapahirap sa mental health (Hal. kawalan ng universal healthcare, stigma at karahasan).

Ang Bibliya ay puno ng kuwento ng holistic na pagtugon sa ganitong usapin: pinagaling ni Hesus ang pisikal na sakit, tinapos ang pagtataboy sa ketongin at kinastigo ang mapang-aping sistema.

Sa Jeremias 22:3, sinabi ng Panginoon: “Igalang ninyo ang karapatan ng mahirap at ng ulila, at bigyan ng katarungan ang mga inaapi.”

Ang mental health ay isyung panlipunan at kailangan itong tugunan nang may pag-unawa sa ekonomiya, politika at kultura.

Hangga’t hindi binabago ang lipunang naglilikha ng anxiety at trauma, patuloy na mabibiyak ang pag-asa at reyalidad.

Ang hamon sa mga taong simbahan, maging ligtas na espasyo para sa mga nagdurusa, ngunit maging aktibo rin sa pagbabago ng sistema.

Tulad ng sinabi sa Santiago 2:16, “Kung may nangangailangan at sinabi ninyo, ‘Sige, umalis ka na’ ngunit hindi ninyo binigyan ng kailangan niya, ano ang silbi nito?”

Dapat nating itanong: Saan tayo nagkukulang? Paano natin isasabuhay ang pagmamahal na hindi lang hanggang espiritwal kundi maging obhetibo at makatarungan sa pagharap sa ganitong mga kalagayan?

Diyos na aming Magulang, gabayan Mo kaming makita ang sakit ng mundo nang may habag at katapangan.

Tulungan Mo kaming maging tahanan para sa mga may mental health challanges at magsilbing tinig para sa mga walang boses.

Ituro Mo sa amin ang landas ng paggaling, hindi lang sa panalangin kundi sa pagtindig laban sa inhustisya.

Sa Iyong biyaya, baguhin Mo ang aming puso at lipunan. Amen.

Pagninilay sa talakayang bahagi ng Church Worker’s Convocation sa Silliman University Divinity School sa Dumaguete City, Negros Oriental noong Ago. 29, 2025.