Balik-Tanaw

Kasinungalingan ng ‘Red October’


Para bigyang katuwiran ang militarisasyon at red-tagging, gumawa ang rehimen ni Rodrigo Duterte ng “Red October” plot noong 2018.

Noong Set. 24, 2018, naglabas ng babala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Malacañang tungkol sa “Red October” plot o ang plano umano ng mga komunistang grupo na pabagsakin ang administrasyon ni Rodrigo Duterte.

Hindi na bago ang mga imbentong paratang at naratibo laban sa mga kritiko ng gobyerno. Nagiging hudyat ito ng mas agresibong kampanya ng gobyerno laban sa progresibong mga organisasyon, mamamahayag at aktibista sa pamamagitan ng red-tagging.

Ayon kay dating AFP deputy chief of staff for operations Brig. Gen. Antonio Parlade, isang masugid na pasistang red-tagger, ang planong “Red October” ay mula sa kulay pulang simbolo ng komunismo at sa buwan ng Oktubre na siyang buwan umano ng selebrasyon ng Marxismo, komunismo at indigenous people. May nabuong plano umano ang mga militanteng grupo upang patalsikin ang rehimeng Duterte, ayon sa isang foreign intelligence report.

Kalahok daw sa naturang plano ang Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines. Maging ilang miyembro ng oposisyon at mga estudyante galing sa malalaking unibersidad, kasali ‘di umano sa mga hinihikayat ng CPP na sumali sa sinasabing pagkilos.

Natapos ang Oktubre 2018 na may iilang protesta tungkol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngunit walang napatunayang destabilisasyon. Nobyembre 2018 nang ianunsiyo ng AFP na “na-neutralize” o tuluyang napigilan ang “Red October” at sinasabing may mga panibagong plano ang mga rebeldeng grupo sa Disyembre. Natapos ang 2018 pero walang napatunayan sa mga ito.

Sa kabila ng kawalan ng pruweba, tuloy-tuloy ang mga hakbang ng pamahalaan upang labanan ang gawa-gawang banta. Binuo ni Duterte ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict  at naipasa ang Anti-Terrorism Act sa kabila ng sunod-sunod na protesta at pagtutol dito.

Ang tunay na agenda ng pag-anunsiyo sa “Red October” ay ang para bigyang katuwiran ang militarisasyon ng sibilyang komunidad at ang normalisasyon ng pagbabansag sa mga kritikal na boses bilang terorista. Ang totoong banta ay ang hayagang pananakot at panggigipit ng estado sa malayang pagpapahayag at pag-oorganisa ng mamamayan.