Paano magpalakas sa bahay?


Sa gitna ng taas-presyo ng bilihin at kakulangan sa oras, puwedeng makamit ang tibay at lakas kahit nasa bahay lang. 

Hindi kailangan ng mamahaling gamit para magpalakas ng katawan. Sa gitna ng taas-presyo ng bilihin at kakulangan sa oras, puwedeng makamit ang tibay at lakas kahit nasa bahay lang. 

Kailangan lang ng kaunting disiplina, tiyaga at isang banig o sahig na hindi madulas.

Ang strength training ay paraan ng pagpapalakas ng kalamnan gamit ang sariling bigat ng katawan o mga bagay na matatagpuan sa paligid. Hindi lang ito para sa mga gustong magpa-muscle. Malaki ang naitutulong nito sa pang-araw-araw na gawain lalo na sa mga kailangang magbuhat, maglakad o magtrabaho nang matagal.

Unang hakbang, pagpapakondisyon ng katawan. Mag-stretching o maglakad-lakad ng limang minuto upang maiwasan ang pilay. Pagkatapos ay subukan ang mga pangunahing galaw.

Ang push-up ay nagpapalakas ng dibdib, braso at balikat. Kahit limang ulit lang sa umpisa ay sapat na. 

Push-ups. Mula sa Training.fit

Ang squat ay para sa hita at puwet. Puwedeng gawin ng tatlong set ng tig-sampu.  

Squats. Mula sa Training.fit

Ang plank ay nagpapalakas sa tiyan at likod. Panatilihin ang posisyon nang tatlumpung segundo.

Plank. Mula sa Fitness Programmer

Sa lunges naman, palitan ang kaliwa at kanang binti habang nakaluhod at bumabalik sa tayong posisyon.

Lunges. Mula sa Training.fit

Kapag nasanay na, puwedeng unti-unting dagdagan ang bigat ng ehersisyo. Gumamit ng bote ng tubig, tabo o sako ng bigas bilang pabigat habang nagpu-push-up o nag-squat. 

Sa paglipas ng panahon, puwedeng dagdagan ang laman ng bote o palitan ng mas mabigat na bagay. Ang bahay ay puwedeng maging sariling gym.

Bukod sa mas matibay na katawan, nakatutulong ang regular na strength training sa maayos na pagdaloy ng dugo at pagpapababa ng stress. Pinatitibay nito ang mga buto, binabawasan ang pananakit ng likod at nagpapaganda ng postura. 

Kapag mas malakas ang katawan, mas handa rin ito sa trabaho at sa araw-araw na hamon ng buhay.

Nakakatulong din ito sa kalusugang pang-kaisipan. Sa bawat pag-angat ng katawan mula sa sahig, parang umaangat din ang loob. Ang bawat patak ng pawis ay paalala na may kakayahan kang alagaan ang sarili kahit limitado ang pagkakataon.

Ang tunay na lakas ay nasa sipag at determinasyon. Kaya ilatag ang banig, huminga nang malalim at simulan na! Ang bahay ay puwedeng maging lugar ng paglakas, pagbangon at pag-asa.