Pocket miners sa Benguet, dinahas ng tauhan ni Razon
Isang marahas na komprontasyon sa pagitan ng mga armadong security guard ng Sangilo Mines ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. at ng mga small-scale miner ang naganap ‘di umano sa Barangay Poblacion, Itogon, Benguet nitong Okt. 1.
Isang marahas na komprontasyon sa pagitan ng mga armadong security guard ng Sangilo Mines at ng mga small-scale miner ang naganap ‘di umano sa Barangay Poblacion, Itogon, Benguet nitong Okt. 1.
Ayon sa mga ulat at pahayag ng grupong Itogon Inter-Barangay Alliance (IIB-A), pinasok at sinira ng mga guwardiya ng minahan ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. (ISRI), ang mga tunnel ng mga lokal na pocket miner. Ilang minero ang sinasabing binugbog at nagtamo ng malubhang pinsala.
Nakunan ng bidyo ang insidente ni Ramon Palingpingan Fianza, isang residente at nagmamay-ari ng isang maliit na minahan sa lugar.
Ayon kay Fianza, agresibong pinalayas ng mga guwardiya ang mga minero mula sa kanilang pinagtatrabahuhan. Dagdag pa niya, isang minero ang tinutukan ng baril, sinuntok at pinadapa sa lupa.
Nagsimula aniya uminit ang sitwasyon nang magtanong ang isang minero kung may maipapakitang legal na kautusan o dokumento ang mga security personnel. Sa halip na sumagot nang maayos, nagalit ang mga guwardiya na nauwi sa pananakit.

Giit ni Fianza, hindi sakop ng eryang minimina ng ISRI ang kanilang small-scale mining operation.
Ang Sangilo Mines ay pinapatakbo ng ISRI, isang kompanyang may operasyon sa lugar mula pa noong 1930s at ngayo’y nasa ilalim ng Apex Mining Co. na pag-aari ng negosyanteng si Enrique Razon, Jr.
Dahil sa pangyayari, nanawagan ang IIB-A para sa isang agarang imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot sa pananakit sa mga minero.
“Anuman ang mga pangyayari, hindi dapat pahintulutan ng ISRI ang mga armadong tauhan nito na manakit ng mga lokal na residente na ang ikinabubuhay ay pocket mining,” saad sa pahayag ng alyansa.
Nangyari ang insidente sa gitna ng matinding pagtutol ng mga katutubo sa mga proyektong pagpapalawak ng ISRI sa bayan ng Itogon.
Ayon sa IIB-A, hindi na bago ang mga alitan sa pagitan ng malalaking korporasyon ng pagmimina at ng mga small-scale miner, lalo na kung sakop ng lupang ninuno ng mga katutubong Ibaloi ang inaangking lupain ng kompanya.
Para naman kina Fianza at sa mga pocket miner, pinag-iisipan nilang magsampa ng kaso laban sa ISRI dahil sa karahasang ipinakita ng kanilang tauhan. Nananatiling walang imik ang ISRI sa naturang insidente.