Rebyu

Sa sampaga ng pagkakaisa


Itinala ng mga tula sa antolohiya ang iba’t ibang paglalantad ng karahasan na hinaharap ng sambayanang Palestino.

Paano ba natin mapag-uusapan ang pagmamapa ng ating bansa sa daigdig ng panitikan, sa panahong binubura mismo sa daigdig ng panitikan ang mga akda kagaya ng “Minor Detail” ni Adania Shibli? 

Kung sisipatin, hindi lang ito ang etikal na anomalya ng paglahok sa Frankfurt Bookfair. Tayo rin mismo, bilang mga Pilipino, ay dapat pamilyar sa politika ng teritoryal na pagbubura, ng dahas ng kartograpiya, lalo pa’t minsan nang ginawang “howling wilderness” ang ating bayan sa ilalim ng imperyalismo.

Sa gayon, mababasa ang “‘Pagkat Tayo Man ay May Sampaga” bilang pagpupunyaging tuligsain ang pagbubura ng mga kultural na imprastrukturang gaya ng Frankfurt Bookfair sa panitikan at danas ng sambayanang Palestino.

Sa aklat na ito, naaaktuwalisa ang posibilidad ng solidarity work mula sa malayo, kung saan nakikilala natin ang Palestina bilang lunduyan ng kabagsikan ng imperyalistang pag-iral at punlaan din ng praktika ng pakikibaka at paglaya.

Larawan mula sa Gantala Press

Kung may ibinukas ang mga kaganapan ng Operasyong Al-Aqsa noong Okt. 7, 2023, ito ay ang ating mga kamalayan hinggil sa Nakba, sa Intifada, sa paggigiit ng mga Palestino na tutulan ang sapilitang pagbubura sa kanilang lupa at dignidad.

Higit na makabuluhan ang paglitaw ng antolohiyang ito, lalo pa’t kakatapos ng Pandaigdigang Araw ng Pagsasalin nitong Set. 30. Ang praktika ng pagsasalin ay praktika ng pagtatawid ng danas, ng pakikipagdiyalogo, ng pagpapaabot ng pag-unawa at pakikiisa sa isang lipunang tila hiwalay ngunit kaisa natin sa karanasan ng imperyalistang dahas.

Ang pagsasalin ay praktika ng empathy—ng pagbubukas ng ating isip at damdamin sa karanasang kaiba ngunit kapareho rin, na malayo ngunit malapit din.

Sa gayon, nabibigyan ng bagong rehistro ng paghihinagpis at galit ang saloobing Palestino, sa rendisyon ni Kris Lacaba ng tulang “Imbestigasyon” ni Mahmoud Darwish: “Ninakaw mo ang taniman ng mga ninuno ko/ pati ang lupaing binungkal namin/ ng mga anak ko./ Wala kang itinira kundi itong mga bato.”

Sa isang tula ni Emmanuel Dumlao, sinisipat ang tagpong ito ng personang nakikiisa habang “nakatungtong ako sa talaksan ng kalansay/ ng mga kababayang tinokhang; inaaninag,/ inaaninaw ang mga matang nakasilip sa siwang/ ng guho, mga matang humahagilap ng buwan/ sa balumbon ng pulburang nakalambong”

Posible nga ba ang panulaan pagkatapos ng Gaza? Sa pagsasatitik sa mga karanasang ito, umiiral ang mga tula sa Sampaga bilang ekspresyon ng pakikiisa na tuligsain ang marahas na panulaang Zionista, isang panulaan ng hasbara—ang marahas na pagdiriwang ng pagkamkam ng lupa kung saan tuloy-tuloy na ipinupunla ang mapa ng kolonya sa ibabaw ng mga puntod ng mga pamayanan.

Itinala ng mga tula sa antolohiya ang iba’t ibang paglalantad ng karahasan na hinaharap ng sambayanang Palestino mula sa punto-de-bista ng mga kagaya nating malayo ngunit saksi sa mga tagpo ng pagguho at pagwasak.

Larawan mula sa Gantala Press

Para kay Luchie Maranan, tayo ay nakapaloob sa “karaniwang umaga. Nagluluto ako ng agahan/ Para sa mga malayo pa/ Ang nilalakbay sa kani-kanilang Panaginip./ Kay payapa ng umaga.” Ngunit may karahasan ang pagiging karaniwan: “‘Pagka’t karaniwan lamang/ Ang digmaan para sa/ Imperyalistang gahaman.”

O ayon kay Francine Medina, ito ay pagtanaw mula sa malayo: “I can only gaze from afar in silence and in prayer with the hope that the mothers who lost their children will find solace in their dreams and memories.”

Ang pagtanaw sa malayo ay pagkilala pa rin na tayo ay nakapaloob sa isang daigdig—kabahagi natin sila sa pagtanaw sa langit na nakatanghod sa pinakamalaking open-air prison sa buong mundo. At mula sa ganitong kamalayan na tayo ay bahagi ng iisang daigdig, nauunawaan natin ang ating mga pinagsasaluhang karanasan at pakikibaka. Napalalalim natin ang pagkilala sa kahulugan ng kalayaan mula sa karanasan ng Palestina. 

Pagkakataon din ito ng pag-uusisa sa pagbuo ng ating pagpupunyagi sa paglaya sa gitna ng guho. Sa pag-uusisa ni Bliss Cua Lim: “Where amid this planet of rubble/ — these shredded lives/ on our dying nonstar — /Might we find the will to deimperialize?”

Mula sa pagkilalang ito sa ating pinagsasaluhang karanasan, nabubuo natin ang pakikiisa lampas sa pagtanghod sa nagpapatuloy na dahas ng kaayusang settler-kolonyal, ng pagkamkam sa mga lupain, ng marahas na pagmamapa ng daigdig ayon sa interes ng industriya ng digmaan, ng negosyo ng heopolitikal na papapartisyon ng mga sinasakop at ginugunaw na bayan. 

At dito — “bumubulwak ang pagtanggap, isang pag-angkin — /Ako ay Filipino, isang Palestino.”

Sa danas ng Palestina, naipahihiraya sa atin ang dystopia ng imperyalismo at ang utopia ng pagpupunyaging lumaya at magpalaya.