Trauma at tapang ni Betty Belen ng Kalinga sa harap ng bagong panggigipit


Muling nahaharap sa maling paratang si Beatrice “Betty” Belen, lider-katutubo sa lalawigan ng Kalinga, para takutin ang tulad niyang nagtatanggol sa kalikasan at karaptang pantao sa Kordilyera.

“Hindi ako makatulog, umiyak ako, naalala ko ang [mga] nangyari.”

Ito ang mga salitang binitawan sa Ilokano ni Beatrice “Betty” Belen, isang lider-katutubo mula sa Kalinga, matapos muling pumasok sa kanyang buhay ang anino ng panggigipit ng militar.

Limang taon matapos siyang ikulong dahil sa gawa-gawang mga kaso, hinarap niya muli ang parehong paratang: isa umano siyang tagasuporta ng mga rebelde.

Noong Set. 28, walong sundalo mula sa 503rd Infantry Brigade ang kumatok sa kanyang pintuan sa Barangay Uma del Norte, Lubuagan, Kalinga. Pakay daw nila na tulungan siyang “malinis ang pangalan niya” mula sa isang listahan ng mga tagasuporta ng New People’s Army.

Ang insidente, na nasundan pa kinabukasan, ay muling bumuhay sa trauma ng kanyang pagkakakulong noong 2020. Halos apat na buwan siyang nawalay sa pamilya bago napatunayang walang basehan ang mga akusasyon laban sa kanya.

Ngunit sa kabila ng takot, nananaig ang tapang ni Belen. Nang igiit ng mga sundalo na isang “sumuko” o rebel surrenderee ang nagdawit sa kanya, buong tapang niya itong hinamon.

“Iharap ninyo siya sa akin para mapatunayan niya ang kanyang akusasyon,” sabi niya sa mga sundalo ayon sa ulat ng Northern Dispatch.

Taktika ng mga militar na gamitin ang mga ‘di umanong rebel surrenderee sa kanilang kontra-insurhensiya na nagdadawit sa mga inosenteng indibidwal.

Ayon kay Imelda Tabiando ng Innabuyog, ang balangay ng Gabriela sa Kordilyera, ang ginagawa kay Belen ay malinaw na red-tagging at pananakot. 

Aniya, ang insidenteng ito’y parte ng programang Kalinga Convergence for Community Resilience, Empowerment, Sustainability, and Transformation (Kcrest) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Dagdag pa ni Tabiando, isa na namang instrumento ang Kcrest upang supilin sa mga lider ng komunidad na tumututol sa mga proyektong sumisira sa kalikasan at sa kanilang lupang ninuno.

“Maituturing na ‘state-sponsored’ ang ginagawa ng militar sa pamamagitan ng red-tagging at tuloy-tuloy na intimidasyon,” sabi niya.

Matagal nang tinig ng pagtatanggol sa kalikasan si Belen. Pinamunuan niya ang pagtutol ng kanilang komunidad sa proyektong geothermal ng Chevron Energy, mga mapanirang dambuhalang dam at pang-aabuso ng militar sa kanilang lugar. Dahil dito, kinilala siya ng Center for Environmental Concerns bilang isang Bayani ng Kalikasan noong 2018.

Si Belen ang tagapangulo ng panlalawigang balangay ng Innabuyog sa Kalinga. Sinasalamin ng kaniyang kuwento ang mas malawak na kalagayan ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao sa bansa.

Para kay Tabiando, patuloy silang nananawagan na itigil ang “state terrorism” na naglalagay sa buhay ng mga aktibista sa bingit ng alanganin. 

Ayon kay Tabiando, ang “state terrorism” ay nakikita sa patuloy na harassment, red-tagging, paniniktik sa mga aktibista at walang humpay na militarisasyon ng mga katutubong komunidad. 

Paulit-ulit nang nagbabala ang Commission on Human Rights sa panganib ng red-tagging. Sa isang pahayag, sinabi ng ahensiya na ang ganitong gawain ay “lumilikha ng isang mapanganib na kapaligiran kung saan ang mga karapatan ay maaaring labagin nang walang pananagutan.”

Para naman sa mga tulad ni Belen, ang bawat araw ay isang pakikibaka—hindi lang para sa lupa at kalikasan, kundi para sa sariling kaligtasan at karapatang mabuhay nang payapa.