Pagpabor ng Netherlands sa employer ng inabusong OFWs, binatikos ng Migrante
Kinastigo ng Migrante Netherlands at Migrante Europe ang desisyon ng Openbaar Ministrie ng Netherlands na wala umanong abuso sa mga Pilipinong manggagawa ang isang gym sa Amsterdam.
Kinondena ng Migrante Netherlands ang bagong labas na desisyon ang Openbaar Ministerie (OM), ang state prosecutor ng gobyerno ng Netherlands, na hindi umano nilabag ang mga karapatan ng mga Pilipinong empleyado sa Saints & Stars Gym.
Noong Hulyo, lumantad na kinakawawa pala ng gym sa Amsterdam ang mga empleyado nitong Pilipino. Naghain ng reklamo ang 11 overseas Filipino worker dahil anila umaabot sa 17 oras ang kada shift, binabarat ang kanilang suweldo, kinumpiska ang mga pasaporte at pinagsisiksikan sila sa mga maliliit na tulugan.
“Insulto at atake sa karapatan ng manggagawa ang desisyon ng OM, lalo na sa ating mga kababayan na dating empleyado ng Saints & Stars Gym,” ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante Europe.
Sa desisyon ng OM, sinabing walang nangyaring pang-aabuso o human trafficking sa mga umaalmang Pilipino. Isa raw dahilan ang kawalan ng opisyal na reklamo na isinampa sa kanilang employer. Pero giit ng mga dating empleyado, walang puwang para magsalita dahil tanggalan at pagpapauwi ang banta sa sinumang hindi sumunod.
Sa panig ng Saints & Stars Gym, tila nag-imbento lang ang mga inabusong Pilipino at pawang walang katotohanan ang dinanas ng mga kababayan. “Sa tala namin, bawat oras ng paggawa ay binayaran,” ayon sa pahayag ng manedsment.
Pero pinabulaanan ito ni Lynette Cruz, dating empleyado sa gym. “Puwedeng i-deny ng Saints & Stars, pero hindi nila mabubura ang dinanas namin. Wala kaming natanggap na night shift differential o overtime. Ang iba sa amin, walang kahit anong sahod na natanggap,” buwelta ni Cruz.
“At kahit pa sinahuran kami, wala silang karapatan na mang-abuso,” dagdag niya.
Ayon kay Cruz, kinuha ang kanilang mga pasaporte para umano i-photocopy. Pero hindi na ibinalik sa kanila. Ipinagbabawal sa anumang bansa ang pangunguha ng pasaporte.
Nangako ang Migrante Netherlands at Migrante Europe na patuloy na suportahan ang mga inaabusong kababayan na naghahanap-buhay sa ibayong dagat.
“Ang laban na ito ay higit sa isang kompanya o kaso lamang,” ani Martinez. “Ito’y patungkol sa proteksiyon at dangal ng lahat ng migranteng manggagawa na nagpapatakbo ng bansang ito, pero patuloy na pinapabayaan at binabalewala.”