Tanggalan sa plantasyon ng pamilya Consunji sa Negros, kinastigo ng KMU
Ito na ang ikaapat at pinakamalaking tanggalan ngayong taon matapos ang mga naunang pagtanggal ng 125 manggagawa. Sa kabuuan, hindi bababa sa 218 manggagawa na ang natanggal.
Kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang ilegal na pagtanggal ng Hacienda Asia Plantations Inc. (HAPI) sa 93 manggagawa nito sa Candoni, Negros Occidental noong Okt. 24.
Sa datos ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), ito na ang ikaapat at pinakamalaking tanggalan ngayong taon matapos ang mga naunang pagtanggal ng 125 manggagawa. Sa kabuuan, hindi bababa sa 218 manggagawa na ang natanggal mula pa noong Enero.
Ayon sa KMU, malinaw na pag-atake laban sa uring manggagawa ang ginawang tanggalan ng HAPI na pagmamay-ari ng pamilya Consunji at ng kasosyong si Alfred Joseph Araneta. Pangunahing pananim ng HAPI ang oil palm.
Dagdag pa ng sentrong unyon, karamihan sa mga tinanggal ay dalawa hanggang tatlong taon nang nagtatrabaho sa kompanya, ngunit tinanggal nang walang malinaw na batayan at hindi dumaan sa tamang proseso. Pinapirma lang umano sila ng resignation letter na walang nakasaad na petsa ng bisa.
Wala rin anilang natanggap na anumang kompensasyon ang mga manggagawa sa biglaang tanggalan at pinagbawalan pa silang dumulog sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang magreklamo.
Ayon sa ulat ng NSFW, talamak ang panggigipit ng kompanya sa mga manggagawa. Isa na dito ang pagkaltas sa kanilang sahod para sa mga mandatory contribution nang walang maipakitang patunay na naihuhulog ang mga ito.
Pinagkakaitan din sila ng 13th month pay, service incentive leave at iba pang benepisyo. Dagdag pa nila na marami sa mga manggagawa ang hinikayat ng HAPI na isuko ang kanilang mga lupain kapalit ng pangakong permanenteng trabaho.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa isyu ang HAPI. Patuloy pa ring hinaharap ang usapin ng land grabbing matapos kamkamin ang mahigit 6,652 ektaryang lupain sa Negros Occidental na bahagi ng kanilang P2 bilyon plantation project.
Nitong Hun. 11, pansamantalang sinuspinde ng kompanya ang earth-moving operations kasunod ng isang multisectoral dialogue kasama ang Department of Environment and Natural Resources, Provincial Environment Management Office at iba pang grupo.
Lumabas sa naturang pagpupulong na walang hawak na Environmental Compliance Certificate ang HAPI at may ilang paglabag sa mga environmental regulation.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ukol sa naganap na tanggalan.
“Dapat imbestigahan ng DOLE ang mga tanggalan at iba pang paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa HAPI. Ang pagbibigay ng maayos na separation package ay pinakamaliit na maaaring gawin ng gobyerno para sa mga mahihirap na manggagawang nasa industriya ng palm oil,” pahayag ng CTUHR.
Dagdag ng grupo, dapat panagutin ang may-ari ng HAPI kung mapatutunayang totoo ang mga paratang.
Panawagan ng KMU, patuloy na suportahan ang mga manggagawa ng HAPI sa laban nila para sa karapatan sa trabaho, sahod at pigilan ang pananamantalang dulot ng mga ganid na kapitalista.