Pagbabalik ng kampana ng Balangiga
Pitong taon na mula nang maibalik sa Pilipinas ang tatlong makasaysayang batingaw ng Balangiga, Eastern Samar noong Dis. 11, 2018.
Pitong taon na mula nang maibalik sa Pilipinas ang tatlong makasaysayang batingaw ng Balangiga, Eastern Samar noong Dis. 11, 2018.
Lulan ng eroplanong C-130 mula Warren Air Base sa Wyoming, United States (US) ang tatlong kampana, kung saan dalawa rito ay mula mismo sa Amerika habang mula naman sa base-militar ng US sa South Korea ang isa.
Malaki ang naging papel ng mga kampanang ito sa naging Digmaang Pilipino-Amerikano. Nagsisilbi itong simbolo ng katapangan sa pagtuligsa ng mga Pilipino sa imperyalistang Amerika.
Nakaukit na sa kasaysayan ang ginawang sorpresang atake ng mga Pilipino noong Set. 28, 1901 sa 9th Infantry Battalion ng US. Ang pagpapatunog sa mga kampanang ito sa Parokya ni San Lorenzo de Martir sa Balangiga, Eastern Samar ang naging hudyat ng pag-atake. Nagresulta sa kamatayan ng 48 sundalong Amerikano, isang hambalos sa US sa digmaan noong panahong iyon.
Agad na gumanti ng atake ang Amerika kaya naman ipinadala nito ang 11th Infantry Battalion nito na ikinamatay ng halos 10,000 Pilipino. Matapos ng paghihiganting ito, kinuha ng mga Amerikanong sundalo ang mga kampana bilang “war trophies.”
Mula pa 1957 sinisikap ng Pilipinas na maibalik sa ating bansa ang mga batingaw sa pangunguna ng Heswitang si Fr. Horacio de la Costa, ngunit walang naging pagdinig ukol rito.
Naghain naman ng petisyon ang Balangiga Historical Society noong 1989 matapos ring bigong maibalik ito ng mga dating opisyal ng National Historical Institute at ng Department of Foreign Affairs.
Noong 1998 naman nang muling itinayo ng mga residente ng Balangiga ang kampanaryo ng kanilang simbahan sa pag-asang maibabalik sa kanila ang makasaysayang mga batingaw. Ngunit mariing tinutulan ng mga Amerikanong beterano at ng Kongreso ng Wyoming ang hiling na ito.
Hanggang sa dumating ang Ago. 9, 2018, nakatanggap ng liham ang Kongreso sa Pilipinas mula kay noo’y US Defense SecretaryJames Mattis at nagsabing handa na itong ibalik ang mga kampana sa ating bansa.
Patunay ang mga batingaw ng Balangiga na mahaba man ang panahong ilaan sa pakikibaka, mananaig pa rin ang hustisya.