Paglilitis kay Jose Rizal
Nilitis noong Dis. 6, 1896 sa Kastilang hukumang militar si Jose Rizal sa kasong rebelyon at pagtataksil sa pamahalaan ng Espanya.
Nilitis noong Dis. 6, 1896 sa Kastilang hukumang militar si Jose Rizal sa kasong rebelyon at pagtataksil sa pamahalaan ng Espanya. Agosto ng parehong taon, sumiklab ang Himagsikang 1896 na pinamunuan ni Andres Bonifacio ng Katipunan.
Naging malaking inspirasyon para sa Katipunan ang mga nobela ni Rizal na “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo.” Pinaratangan siyang “subersibo” at utak ng rebolusyon dahil sa kanyang mga akda at pagtatatag sa La Liga Filipina.
Kahit na katatapos pa lang ng distiyero ni Rizal sa Dapitan, Zamboanga, tumungo siya sa Cuba para maging doktor ng hukbong Kastila noong panahon ng Digmaang Pangkasarinlan sa Cuba.
Kumakaharap din ang Cuba noon sa digmang bayan para sa kanilang kalayaan laban sa mga Kastila. Sa kabila nito, pinayagan ni noo’y Gobernador-Heneral Ramon Blanco ang kanyang pagpunta sa Cuba.
Lulan ng barkong Isla de Panay, huminto ito sa Barcelona, Espanya, kung saan agad siyang hinuli ng mga Kastila at ipiniit sa Castillo de Montjuïc noong Okt. 8, 1896. Agad siyang pinabalik sa Maynila kinagabihan sa parehong araw at ipiniit sa Fort Santiago noong Nob. 3, 1896.
Nagsimula ang paunang imbestigasyon sa kaso ni Rizal noong Nob. 20, 1896 at sa araw ng kanyang paglilitis, kasama niya ang kapatid ng kanyang kaibigan na si Luis Taviel de Andrade bilang abogado.
Sa paglilitis, iginiit ni Rizal na inosente siya sa mga paratang at idiniin na nais niyang matigil ang rebolusyon upang bigyang-pansin ng mga Pilipino ang pambansang pagkikilanlan at pagbibigay importansya sa edukasyon.
Sa kabila nito, hinatulan siyang maysala bilang traydor sa pamahalaan ng Espanya at pinatawan ng parusang kamatayan. Binitay si Rizal sa pamamagitan ng firing squad noong Dis. 30, 1896 sa Bagumbayan (Rizal Park ngayon) na taon-taong ginugunita.