Pamilya ng aktibista sa Kalinga, hinaras ng pulisya

,

Ayon sa ulat, sapilitang pinasok ng tinatayang 20 pulis, kabilang ang pitong nakasuot ng bonnet o mask, ang compound nina Elma Awingan-Tuazon sa Barangay Cawagayan noong hapon ng Nob. 30 habang wala si Awingan-Tuazon sa bahay.

Kinondena ng pamilya at iba’t ibang grupo ang ginawang panloloob at paghahalughog ng Philippine National Police (PNP) sa bahay ng isang lider-katutubo at tanggol-karapatan sa Pinukpuk, Kalinga kamakailan.

Ayon sa ulat, sapilitang pinasok ng tinatayang 20 pulis, kabilang ang pitong nakasuot ng bonnet o mask, ang compound nina Elma Awingan-Tuazon sa Barangay Cawagayan noong hapon ng Nob. 30.

Si Awingan-Tuazon ay kilalang lider ng Justice and Peace Advocates of Kalinga (JPAK) at SUMKADD, isang network na tumututol sa mga mapanirang proyekto tulad ng pagmimina at dambuhalang dam sa Ilog Saltan.

Sa salaysay ng pamilya, nangyari ang insidente habang wala si Awingan-Tuazon sa bahay. Pinalibutan at hinalughog ng mga pulis ang dalawang bahay sa loob ng compound nang walang ipinakitang search warrant.

Katuwiran umano ng mga pulis, may impormasyon silang may itinatagong sugatang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa loob ng bahay. Wala silang nakuha o napatunayan matapos ang paghahalughog.

Labis na takot ang idinulot nito sa pamilya, lalo na sa anak ni Awingan-Tuazon na may sakit sa puso. Nang dumating si Awingan-Tuazon galing sa Tabuk City, naabutan niya ang kaguluhan at ang mga armadong kalalakihan.

Sa isang Facebook video, naglabas ng matapang na pahayag ang asawa ni Awingan-Tuazon na si Chester Mark Tuazon, isang overseas Filipino worker (OFW).

Emosyonal na kinondena ni Chester ang PNP at mga elemento ng intelligence unit sa ginawang panggigipit sa kanyang mag-iina. Aniya, sa halip na protektahan ang mga mamamayan, ang pulisya pa ang nagdudulot ng takot.

“Wala kayong hiya. Nagpapakahirap kami rito [sa abroad], nagbabayad kami ng tax, tapos kayo na pulis na dapat poprotekta sa pamilya namin, kayo pa ang mangha-harass,” ani Tuazon sa pinaghalong Ingles, Ilokano at Filipino.

Binigyang-diin niyang hindi krimen ang pagkakaroon ng prinsipyo at ang paglaban sa korupsiyon na mga adbokasiyang isinusulong ng kanyang asawa.

“Ang gobyerno, corrupt mula taas hanggang baba. Ngayon na may mga gaya ng pamilya ko na lumalaban sa korupsiyon, sila pa ang haharasin ninyo?” dagdag pa niya.

Nanawagan din si Tuazon sa kanyang mga kamag-anak sa Mountain Province at Kalinga na magkaisa at huwag palampasin ang ganitong mga paglabag.

Naniniwala ang Cordillera Peoples Alliance (CPA) at Innabuyog Kalinga na ang insidente ay bahagi ng sistematikong atake sa mga kababaihang tanggol-karapatan na humaharang sa mga proyektong mapanira sa kalikasan at komunidad ng mga katutubo.

Ayon sa CPA, ang harassment ay pinangunahan ng isang Police Col. Gilbert Fati-ig. Nangyari ito sa gitna ng matinding militarisasyon sa Pinukpuk dulot ng mga engkuwentro sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at NPA.

Mariing pinabulaanan ng pamilya Tuazon ang paratang na may kinukupkop silang rebelde. Giit nila, ang pag-target kay Awingan-Tuazon ay dahil sa kanyang aktibong pangunguna sa mga kampanya laban sa Chico River Pump Irrigation Project at mga itatayong dam ng JBD Water Power Inc.

“Ang pag-atake kay Elma ay hindi lang sa kanya, kundi pag-atake sa lahat ng kababaihang matapang na nagtatanggol sa karapatang pantao,” pahayag ng Innabuyog-Kalinga.

Sa ngayon, nanawagan ang mga grupo ng agarang imbestigasyon at pagpapatigil sa operasyong militar sa lugar na naglalagay sa panganib sa mga sibilyan. Naghahanda na rin ang pamilya na magsampa ng kaso laban sa mga nasabing pulis.

Wala pang inilalabas na opisyal na sagot ang pamunuan ng pulisya sa Kalinga hinggil sa mga alegasyon ng warrantless search at pananakot.