Panukala sa serbisyo sa mag-aaral, aprubado na sa Kamara
Inaprubahan ng komite sa Kamara nitong Dis. 3 ang House Bill 212 o Delivery of Adequate and Accessible Services in Universities (Dasurv) Bill sa inihain ng Kabataan Partylist para tiyakin ang pagtamasa sa dekalidad at aksisbleng edukasyon.
Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education nitong Dis. 3 ang House Bill 212 o Delivery of Adequate and Accessible Services in Universities (Dasurv) Bill sa inihain ng Kabataan Partylist.
Layon ng panukalang batas magbigay ng komprehensibong serbisyong tutugon sa kapakanan at pangangailangan ng mga mag-aaral sa state universities at colleges (SUCs).
“Hindi matututo ang gutom na estudyante. Hindi makakapag-aral ang may sakit. Hindi makakapokus ang walang tirahan. Kabilang sa edukasyon ang pagkain, kalusugan at tirahan,” pahayag ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co sa wikang Ingles.
Matapos nito, isasalang na sa plenaryo ng Kamara para sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na layuning isulong ang libreng tirahan, pagkain at serbisyong pangkalusugan para sa mga estudyante, pati na ang abot-kaya at dekalidad na pagkain para sa guro at kawani.
Laman din ng Dasurv Bill ang pagpapatupad ng No Collection Policy o pagbabawal sa anumang karagdagang bayarin o singil sa estudyante bukod sa pondo na inilaan na ng pamahalaan sa mga paaralan.
Sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nasa 39% ang drop-out rate sa buong bansa. Sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao nasa 93.4% ang hindi nakakapagtapos.
Samantala umaabot naman ang drop-out rate sa 60.7% sa Central Visayas, 59.5% sa Zamboanga Peninsula at 54.9% sa Cordillera ang porsyento ng mga drop-outs.
Sa ulat ng Philippine Institute for Development Studies, karamihan sa mga estudyante na nagda-drop out sa kolehiyo ay dahil kailangan nilang maghanapbuhay (44%), hindi sila gaanong nakikilahok o interesado sa mga gawain sa paaralan (25%) at suliraning pinansiyal (20%).
Ayon sa Kabataan Partylist, tumutugon ang Dasurv Bill sa mga puwang at kakulangan ng umiiral na libreng edukasyon sa mga pamantasan.
Diin ni Co, marapat lang mapunta ang pondo ng bayan sa dekalidad at aksesibleng edukasyon para sa kabataan, hindi sa korupsiyon.
“The youth is the future of our nation. Sila dapat ang number one investment natin” ani Co.