Suspensiyon ng VAT sa e-books, hiniling
Ikinatuwiran ni Eldrige Marvin Aceron, executive publisher ng San Anselmo Press, na ang pagpataw ng buwis sa mga digital book ay “unconstitutional, regressive, and a direct assault on the Filipinos’ right to read.”
Naghain ng isang pormal na kahilingan ang isang abogado at publisher upang himukin ang Department of Finance (DOF) na agad suspindihin ang pagpataw ng 12% value-added tax (VAT) sa mga e-book.
Ikinatuwiran ni Eldrige Marvin Aceron, executive publisher ng San Anselmo Press, na ang pagpataw ng buwis sa mga digital book ay “unconstitutional, regressive, and a direct assault on the Filipinos’ right to read.”
Nagsumite si Aceron ng komprehensibong liham kina Acting DOF Secretary Frederick Go at Executive Secretary Ralph Recto noong Nob. 28 at tinawag ang VAT sa ilalim ng Republic Act (RA) 12023 na “tax on knowledge” na nagpepenalisa sa mga Pilipino para sa akses ng literatura, iskolarsyip at demokratikong kaisipan.
Binanggit ni Aceron ang kamakailang pagbili niya ng “How to Stand Up to a Dictator” ni Maria Ressa, kung saan sinisingil siya ng P67.20 na VAT, bilang isang kongkretong pagpapakita umano ng panganib ng batas na ito.
“When a Filipino is taxed for reading a Nobel laureate’s book about resisting authoritarianism, the constitutional alarm bells should be deafening,” aniya.
Binigyang-diin din ni Aceron na sa ilalim ng mga simpleng tuntunin ng RA 12023, ang buwis ay ipapataw din sa mga digital na edisyon ng “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” ni Jose Rizal.
“The Spanish colonial regime executed Rizal for his writings. The Republic now taxes them. This is constitutionally obscene,” pagpapatuloy niya.
Labag sa Konstitusyon
Aniya, tinutukoy ng kahilingan ang maraming constitutional defects:
- Prior Restraint on Expression – Ang VAT ay gumaganap bilang isang pinansyal na hadlang sa sirkulasyon ng protected speech na lumalabag sa Art. III, Sec. 4 of the Constitution and the doctrine established in Grosjean v. American Press Co. (1936), na nagtatanggal ng “taxes on knowledge.”
- Violation of the Right to Education – Ang Article XIV ay nag-uutos sa Estado na gawing “accessible to all” ang edukasyon at hikayatin ang “self-learning” at “independent study programs.”
Ang mga aklat ay mahalagang kasangkapan para sa pag-aaral; ang pagbubuwis sa kanila ay isang hakbang paatras mula sa pagiging accessible nito.
- Equal Protection Issues – Ang digital books na ginagamit ng mga estudyante at low-income readers ay binubuwisan ng 12%, habang ang physical books na kadalasang tax-free ay nagdidiskrimina laban sa mas abot-kayang midyum na ang mga mambabasa ay karaniwang matatagpuan sa masa.
- Due Process, Vagueness and Blocking Powers – Ang awtoridad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para i-block ang noncompliant platforms nang walang judicial review ay sumasalamin sa mga probisyong labag sa Constitution na ipinagsawalangbisa na sa Disini v. Secretary of Justice (2014).
Mga Pinoy, isa sa pinaka-heavily taxed readers?
Binigyang-diin din ni Aceron ang pangako ng Pilipinas sa ilalim ng Unesco Florence Agreement—kung saan signatory ang bansa mula noon pa 1952—na panatilihing walang taripa at mga katulad na singil ang mga aklat at iba pang mga educational material.
“For more than seven decades, the Philippines honored its treaty obligation to keep books tax-free. RA 12023 reverses this commitment without any legislative finding addressing our international obligations,” sabi ni Aceron.
Ipinunto rin ni Aceron na kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinaka-heavily taxed na digital readers. Bagaman binubuwisan ng European Union ang mga e-book, ito ay nasa 0% hanggang 5% lang.
Samantala, ang mga libro sa Canada ay zero-rate, habang exempted naman pati mga educational material sa pagbubuwis sa Australia.
“At a time when we face a reading and functional literacy crisis, we should be encouraging Filipinos to read—not taxing them for it,” dagdag niya.
Dahil dito, hiniling ni Aceron sa DOF na suspindihin ang pangongolekta ng VAT sa digital books sa pamamagitan ng Revenue Memorandum Circular at idirekta ang BIR na ihinto ang enforcement na ito sa mga e-book.
Binigyan ni Aceron ng 15 araw ang DOF para aksiyonan ang kanyang liham bago siya magsampa umamo ng kaso sa Korte Suprema.