Kabataang peryodista ng PUP, patong-patong ang kaso sa protesta sa Mendiola
Sinampahan ng kasong sedition at inciting to sedition ang mamamahayag pangkampus na si Jacob Baluyot hinggil sa karahasan sa protesta sa Mendiola, Maynila noong Set. 21, 2025.
Muling nahaharap sa matinding legal na panggigipit si Jacob Baluyot, associate editor ng The Catalyst ng Polytechnic University of the Philippines, matapos hainan ng subpoena ng Department of Justice (DOJ) para sa mga kasong sedition at inciting to sedition. Kaugnay pa rin ito ng kilos-protesta kontra korupsiyon noong Set. 21, 2025.
Dinaluhan ng iba’t ibang sektor ang nasabing protesta upang gunitain ang deklarasyon ng batas militar at kondenahin ang malaganap na korupsiyon. Naroon si Baluyot upang mag-ulat para sa kanilang pahayagang pangkampus. Ito ang ginamit na basehan ng pulisya upang idawit si Baluyot sa imbestigasyon.
Dahil sa patuloy na panggigipit, nasa tatlong kaso ang kinakaharap ni Baluyot. Nag-ugat ang patung-patong na reklamo sa kanyang naging pagtanggi sa imbitasyon ng pulisya. Ayon sa kanyang abogado, karapatan ng sinuman na tumanggi sa imbestigasyon nang walang kaukulang warrant o matibay na basehan.
Sa isang Facebook post, naglabas ng saloobin si Baluyot, Aniya, wala naman siyang ninakaw sa kaban ng bayan pero nahaharap siya sa tatlong kaso samantalang usad-pagong ang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga maanomalyang proyekto sa flood control.
“Marahil takot sila, sapagkat ang organisadong pagkilos at ahitasyon ng masa ang pinakamabisang sandata upang yugyugin at baguhin ang bulok na sistemang kanilang pinapangalagaan,” dagdag niya.
Inaatasan ng DOJ si Baluyot na humarap sa preliminary investigation na nakatakda sa Ene. 15 at 29. Dumating ang subpeona ng DOJ dalawang buwan matapos siyang patawan ng indirect contempt ng Quezon City Regional Trial Court noong Nob. 20, 2025.
Ipinetisyon ito ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group matapos umanong mabigo si Baluyot na sumipot sa kanilang tanggapan para sa imbestigasyon sa karahasan sa protesta sa Mendiola, Maynila.
Mariing kinondena ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang pagsasampa ng mga kaso laban mga lider-estudyanteng tulad ni Baluyot. Sa kanilang pahayag, tinawag nila itong bahagi ng mas malawak na crackdown o panunupil ng estado laban sa mga estudyante at mamamahayag pangkampus.
Binatikos ng NUPL ang tila paghihiganti ng mga awtoridad sa pagsasampa ng patong-patong na kaso para sa simpleng pagigiit ng isang mamamayan sa karapatang huwag sumailalim sa imbestigasyon na walang malinaw na batayan.
Kinasuhan din ng mga awtoridad ang iba pang lider-estudyante sa University of the Philippines Diliman at De La Salle-College of St. Benilde.
Nanawagan ang NUPL na agarang ibasura ng DOJ ang mga gawa-gawa at walang basehang reklamong ito. Hinimok din nila ang publiko at mga miyembro ng legal na propesyon na huwag hayaang maging normal ang panunupil at ipagtanggol ang karapatang magpahayag o karapatang tumutol.
Sa paparating na mga pagdinig, inaasahang dadagsa ang suporta mula sa iba’t ibang organisasyon upang ipanawagan ang pagbasura sa tatlong kaso kay Baluyot at ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag.