Rebyu

Kung ano ang nananatili sa gitna ng mga sugat ng unos


Bibigyang-pansin ang tatlong maikling pelikula sa kurasyon bilang lunsaran ng kawalang katiyakang hatid ng dagat, maging mismo ng lupa.

Bilang daluyan ng kalakal, mahalaga ang ginagampanan ng dagat, o pagiging maritime ng Asya-Pasipiko. Kasama na ang pagkakaroon ng mga tunggalian hinggil sa teritoryo, lalo na sa usapin ng West Philippine Sea. Idagdag pa ang pagtanggi ng Estado Unidos sa ikalabing-apat na Sustainable Development Goals ng United Nations.

Samakatuwid kung titingnan, parehong lulan ng tensiyon at kabuhayan ang pagiging maritime ng Asya-Pasipiko. At bagaman malinaw na mayroon itong malaking bahagi sa ekonomiya dahil sa daloy ng kalakalan, ginagamit ng ilang makapangyarihang estado ang kanilang ekonomikong lakas upang gipitin ang mga mangingisda sa karatig-dagat.

At ang Pilipinas bilang arkipelago, makikita na hindi salat sa yamang-dagat at isla ang bansa. Idagdag pa ang masagana ring pagkakaroon ng mga sakahan at lupang taniman na siyang pangunahing hanapbuhay ng maraming Pilipino na wala sa siyudad. Higit sa dala nitong kabuhayan, mahigpit din ang ugnayan ng dagat sa ating kultura mula na rin sa iba-ibang pista kagaya ng Sinulog, Wata-wata at iba pa. 

Noong Dis. 10, 2025, inilunsad ng Cinemata, isang video platform na nagtatampok ng mga pelikulang tumatalakay sa panlipunang isyu sa Asya-pasipiko, ang Rising Waters, Raising Rights: Human Rights Through the Lens of Water, isang kurasyon ng mga pelikulang binabaybay ang naratibo sa koneksiyon nito sa dagat habang isinisiwalat ang antas politikal na suliranin.

Higit pa rito, binibigyang-diin ng kurasyon ang pagiging lawas ng tunggalian ng dagat na siyang humuhubog sa pag-iral ng mga karakter sa naratibo at maging sa labas ng mundo ng mga pelikula.

Mahihimigan sa ganang ito kung paano hinuhubog ng dagat ang talaban ng personal at politikal na kamalayan ng mga karakter, maging ang pakikipagsapalaran sa espasyong mayroong banta ng mga pagpapaalis, pagtanggal ng kabuhayan, at maging ang dalang lamyos ng pananahan.

Mula rito, bibigyang-pansin ang tatlong maikling pelikula bilang lunsaran ng kawalang katiyakang hatid ng dagat, maging mismo ng lupa. Ang tatlong pelikula ay mula sa kurasyon, isa mula sa Tide of Silence: Queer Currents & Mermaid Longings, isa mula sa Sinking Grounds: Climate, Flood, Survival, at ang panghuli nama’y mula sa pelikulang naipalabas sa natapos na CineMaralita ng Sikad.

At mula sa tatlong maikling pelikula na ito, kapansin-pansin kung paanong ang pananahan ay palagiang may kaakibat na kawalang katiyakan, ang mabuhay sa rehiyon ay may dagok ng espasyong puno ng panganib sanhi ng mga reklamasyon, demolisyon, at maging kultura ng konserbatismo hinggil sa kasarian.

Ngunit, sa gitna ng kawalang katiyakan, patuloy ang pagkakaroon ng pagbalikwas at pananatili upang bigyang-diin ang pag-iral. Tumututol sa dikta ng lipunan, tinutunggali ang puwersang mapang-api at gumigipit sa kanila. Sa isang mundong hawak ng mga ganid ang kapangyarihan, ang mismong pananatili ay isang akto ng paggiit ng pag-iral.

Binabaybay ng tatlong na naratibo ang iniiwan ng mga proyektong ‘di nakaugat sa pangangailangan ng komunidad. Higit pa rito, ang koneksiyon ng dagat sa identidad na siyang nagpapahintulot sa mga kwir na karakter na bigyang ahensiya ang kanilang sarili sa isang lipunang nagtatanggal sa kanila nito.

Nakasentro ang naratibo ng maikling pelikula sa paghihintay ng mag-ina sa amang nadisgrasya sa minahan. At bagaman wala ang pisikal na presensiya ng ama ni Koi (Kael Vilar) sa kanilang bahay, ramdam at buhay pa rin ito mula sa kanilang pag-uusap at maging sa kanyang mga haraya.

Sa kanilang paghihintay, sa una’y hindi malinaw kung buhay pa ba ang ama ni Koi, ngunit sa dulo bubuoin ng maikling pelikula ang eksena kung saan maaaring maging depiksiyon na hindi na makababalik pa ang ama nito.

Kasabay nito ang problema ni Koi sa kaniyang pandinig. Ang bara sa kanyang tainga ay nagsilbi upang maging interogasyon sa nangyayaring balanse sa kanyang sarili at paghihintay sa kanyang ama. Kung titingnan, ang baradong tainga ang naging imahen ng koneksiyon niya sa kanyang ama, nagmistulang minahan ang kaniyang baradong tainga at binabaybay ang dilim sa pag-asang mahanap ang nadisgrasyang ama.

Interesante ring sipatin kung paano ginamit ng maikling pelikula ang sugat bilang metapora sa patuloy na pagkalbo ng kabundukan. Nagsilbi ang sugat bilang palatandaan at patunay ng abusong dinanas ng lupa sa kamay ng mga korporasyon, higit lalo ang ugnayan ng mga karakter sa espasyong kanilang ginagalawan.

Sa salimbayang pagpapakita ng sugat at ginagawang pagkalbo sa kabundukan habang inilalahad ng kaibigan ni Koi ang kasaysayan kung bakit nito nakuha ang kanyang sugat naisisiwalat ang sanhi na siyang gumagambala sa kanilang pag-iral.

Sa kabuuan, binibigyang-diin ng maikling pelikula ang epekto ng pagkasira ng kabundukan dala ng pagmimina. Higit lalo, ang nakaambang mawala sa mga katulad ni Koi sa oras na hindi tumigil ang ‘di makatwirang pagkalbo ng kalikasan.

Subalit sa kabila ng mga ito, hinuhubog nito ang isang bukas kung saan nananatili ang mga karakter sa kabila ng kawalang katiyakan. Patuloy na naghahanap at naghihintay ng isang makatarungang kaunlaran.

Binabaybay naman sa punto-de-bista ng dalawang batang sina Kulas (Don Rishmond Cerbito) at Gabo (Arkin Torres) ang naratibo ng pagpapaalis dala ng demolisyon. Gamit ang larong pambata, mahusay na hinahabi ng maikling pelikula ang epekto ng demolisyon sa relasyon ng dalawang bata at kung paano nito kinokompronta ang kaakibat na paglaban.

Ipinoposisyon ng maikling pelikula ang mga karakter sa isang espasyong hindi sila ang may hawak, ginagamit ang mga serye ng pagkawala upang itanghal ang nangyari at mangyayaring pagbabago sa lugar.

Nawawala dahil umaalis, nawawala dahil napipilitan, nawawala dahil ninakawan. At sa mga pagkawalang ito, itinuturol ng maikling pelikula ang obhetong pasimuno ng pagnanakaw ng tirahan na tinatago ang komersalisasyon sa huwad na mga pabahay. 

Sa kabilang banda, makikita rin na hindi lang bahay ang sinisira ng demolisyon, pati na rin ang mga relasyong nabuo sa komunidad. Mga relasyong humubog at kumalinga upang bigyang buhay ang lugar at gawin itong ligtas na espasyo para sa mga batang kagaya nina Kulas at Gabo.

At kahit na patuloy ang ganid na mga proyekto, nagsisilbi ang akto ng pananatili bilang anyo ng pagbalikwas laban sa agos ng ‘di makatarungang pagpapaalis. Tulad ni Kulas, binibigyang-diin ng maikling pelikula ang isang makapangyarihang kilos ng sama-samang pagtutol laban sa demolisyon.

Kung nakasasakal ang isang espasyo, marapat ang umalis. Taliwas sa palaging nosyon ng dagat bilang mapagkalinga, ginagamit ng maikling pelikula ang dagat bilang lunan ng hindi mapagtanggap ng kaibhan.

Dahil sa mga restriksiyon at hindi naaayon sa prinsipyo, napilitang lumisan ng dagat ang sirenang si Daloy (Burn Flores). Para sa kanya hindi siya maaaring mabuhay sa isang espasyong pinipigilang mamukadkad ang tunay niyang pagkatao. Kaiba naman si Ragat (Serena Magiliw) pilit niyang pababalikin ang kanyang inang si Daloy, bibigyan ng mga pagbabagong nangyari sa kanilang lugar.

“Our worlds, it wasn’t designed for us. Let’s change it,” ani Ragat.

Ngunit, sa ragasa ng mga alon at sa mga pagbabagong nangyari sa minsang pinaglagian ni Daloy, malaki pa ring bahagi ng kanyang sarili ang kagustuhang hindi bumalik dito.

Sa isang banda, binibigyang halaga ng pagpapasiyang ito ang ahensiya at pagbawi ng kapangyarihan sa isang espasyong nagtatanggal sa kanya nito. Ang dagat, sa malalim at malawak nitong imahen ay nagsilbi din bilang depiksiyon ng pagkakakulong sa isang lipunang malay lamang sa binaryong pumapabor sa mga umaayon dito.

Sa kabuuan, mahihinuha na saksi ang dagat sa pagtitiis, maging sa pagtindig sa pagtutol sa mga tradisyong nagkukulong sa isang indibidwal.

At hindi man muling maibabalik ang koneksiyon ni Daloy sa dagat, patuloy pa rin siyang naghahangad na muling makapiling ang kanyang pamilya sa isang espasyong mas bukas at mas malaya. At ang maging kawangis ng dagat ay gumalaw nang ‘di kinakailangan ng pahintulot nang hindi naisasantabi ang pagiging buo.

Maaaring mapanood ang “Here, here”, “Tambayo na Dayat” at iba pang mga maikling pelikula ng kurasyon sa cinemata.org.