Nakababahalang sintomas ng malubhang sakit ng pamahalaan
Isang damage-control measure ang pinalaking pondo sa kalusugan upang muling ibalik ang tiwala ng publiko at ipakita ang imahen ng isang mapagkalingang pamahalaan.
Makamamayan, malinis at malinaw. Ganito inilarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong pambansang badyet, ang 2026 General Appropriations Act (GAA). Ngunit makikita sa malapitang pagsusuri ang nakaaalarmang sintomas ng malubhang karamdaman ng pamahalaan.
Sinabi ni Marcos Jr. na masusustentuhan ng 2026 GAA ang momentum sa pambansang kaunalaran kapag ginawang priyoridad ang mga batayang serbisyong panlipunan kagaya ng edukasyon, kalusugan, seguridad sa pagkain, panlipunang proteksiyon at paglikha ng trabaho.
Baliwala na ang bahaging may kinalaman sa “momentum.” Ang ekonomiya ay nasa pinakamabagal na paglago nito, ngunit wala ring katotohanan kahit ang pahayag na inuuna ang mga serbisyong panlipunan.
Pinakamataas sa kasaysayan ng sektor ng kalusugan ang P448.125 bilyon na pondo na ipinagmamalaki ni Marcos Jr., ngunit 1.45% lang ito ng gross domestic product (GDP), malayong-malayo sa pamantayang 5% ng World Health Organization (WHO).
Ibinibida ng gobyerno ang dagdag-pondo na patunay sa pangako nito na gawing abot-kamay ang mga serbisyong pangkalusugan. Ngunit ang “pangako” na ito’y mula sa malawakang galit ng mamamayan sa eskanadalo ng korupsiyon sa mga proyektong flood control na bumalam sa deliberasyon ng badyet sa Kongreso.
Lumilitaw ang mga seryosong tanong. Isang damage-control measure ang pinalaking pondo sa kalusugan upang muling ibalik ang tiwala ng publiko at ipakita ang imahen ng isang mapagkalingang pamahalaan.
Maraming red flag sa mga programa sa ilalim ng 2026 health budget na bunga ng mga budget realignment ngunit hindi nito mapapabuti ang direktang pagbibigay ng mga serbisyo. Ang 2026 national budget, kasama na ang kalusugan, ay nananatiling nakasandig sa pamamadrino at korupsiyon.
Soft pork
Maaaring ang 2026 health budget ang pinakamalaki sa kasaysayan, ngunit hindi ito nangangahulugang awtomatikong magiging mas maganda ang serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.
Malaking bahagi ng taas-pondo ang mapupunta sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP). May P51.6 bilyon pondo ang MAIFIP, higit doble sa orihinal na panukalang P24.2 bilyon. Kumpara sa alokasyon noong 2025, mataas ng P10 bilyon o 25% ang pondo nito ngayong taon.
Matagal nang pinupuna ang MAIFIP bilang isang programang “soft pork barrel.” Nakadisenyo ito para sa pamamadrino ng mga lokal at pambansang politiko dahil kailangan ng mga benepisyaryo na makakuha ng guarantee letter mula sa politiko na patunay na wala silang kakayahang magbayad ng serbisyong medikal.
Walang legal na batayan ang rekisitong ito, pero nananatili ito sa mahabang panahon dahil nagsisilbi ito sa mga interes ng mga politiko imbis na ng mamamayang nangangailangan ng tulong.
Paulit-ulit na ring nakita ng Commission on Audit (COA) na ang mga isyu sa pagpapatupad nito. Sa 2024 audit report sa Department of Health (DOH), sinabi ng COA na may kabagalan sa paglabas ng pondo, hindi naiulat na fund transfer at hindi maayos na proseso ng aplikasyon.
Inulat di ng COA na may P3.013 bilyon pondo ang MAIFIP na hindi nagamit, kabilang sa dahilan ang napakaraming rekisito at komplikadong proseso. Para sa mga nangangailangang pasyente, ipinagkakait sa kanila ng burukratikong proseso ang agarang atensiyong medikal.
Sa kabila ng pagbabawal ng 2026 GAA sa paggamit ng mga guarantee letter para sa mga cash at non-cash assistance program, kasama ang MAIFIP, para umano maiwasan ang pamumulitika, may parehong probisyon sa mga nagdaang taon na hindi nasusunod. Sa kawalan ng matibay na mekanismo sa pagpapatupad, nanganganib ang bagong probisyon na muling mabaliwala.
Mas pundamental, nananatiling kuwesityonable ang bisa ng MAIFIP sa pagpapababa ng gastusin sa kalusugan ng mga mahihirap at marhinadong Pilipino. Mula pa rin sa bulsa ng mga pasyente ang malaking bahagi ng gastusin sa kalusugan, habang naging karaniwan na ang napakatagal ng proseso at napakaraming dokumento na dagdag pahirap sa mga nangangailangan ng tulong ng MAIFIP.
Kaya imbis na maglaan ng pondo sa pagpapatibay ng sistema ng pampublikong kalusugan, ibinubuhos ng pambansang gobyerno ang salapi sa mga programang ayuda na batbat ng problema para sa pamamadrino.
Pribadong negosyo sa imprastruktura
Isa pang pangunahing red flag sa 2026 health budget ang malaking dagdag-pondo sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP). Orihinal na ipinanukala ng DOH ang P14.47 bilyon pondo sa HFEP na tumaas sa P22.23 bilyon sa inaprubahang GAA. Ipinatutupad ng mga DOH Regional Office at pamahalaang lokal ang mga pagawain ng HFEP at kadalasang mga pribadong kontratista ang nakakakuha ng proyekto.
Para sa pagpapatayo ng mga bagong Barangay Health Station (BHS) na zero funding sa orihinal na panukala, mayroon itong P50 bilyon sa inaprubahang badyet. May inisyal na panukalang zero funding din sa regular na suporta sa mga DOH-retained hospital na binigyan ng P1.18 bilyon.
Tumaas naman mula P6.9 bilyon tungong P10.9 bilyon ang pondo ng mga ospital ng pamahalaang lokal pangunahin para sa imprastruktura at kagamitan. May malaking dagdag din ang mga government-owned and -controlled corporation hospital, tulad ng National Kidney and Transplant Institute na may P300 milyon, Philippine Children’s Medical Center na may P400 milyon at Philippine Heart Center na may P200 milyon.
Hindi maipagkakaila na may agarang pangangailangan para sa mga bagong pasilidad, may maayos na imprastruktura at modernong kagamitang medikal. Kaya lang, may mahabang kasaysayan ng kapalpakan ang HFEP na nagbibigay duda kung magagamit ang karagdagang pondo sa makabuluhang pagsasaayos ng mga pasilidad.
Tungkulin ng HFEP ang sentralisadong mekanismo sa pamamahala ng pondo ng DOH para sa imprastruktura, kagamitan at sasakyan ng mga pampublikong ospital at pasilidad. Noong unang ipinatupad ito, priyoridad ng programa ang mga primary care facility kagaya ng mga BHS at Rural Health Unit (RHU). Makalipas ang isang dekada, kumakaharap pa rin ang bansa sa matinding kakulangan sa mga batayan pasilidad, lalo na sa kanayunan at lugar na ‘di naaabot ng serbisyo ng pamahalaan.
Sagad sa buto ang mga problema ng sistemang pangkalusugan ng Pilipinas kung saan binibigyan ang pribadong sektor ng mas malaking papel sa pagpapatakbo ng mga pasilidad at serbisyo at kung saan ang pamamahala sa kalusugan ay inilipat sa mga pamahalaang lokal.
Ang burukrasya sa loob ng DOH at ang pagpapasa ng responsibilidad sa mga pamahalaang lokal at ang mga pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lokal sa mga pribadong kontratista ang nagpapakumplikado sa pagpapatupad ng HFEP. Laging naisasama sa mga audit report ang mabagal na paglabas ng pondo, hindi paggamit ng pondo at pagkabalam ng mga proyekto.
Sa mga deliberasyon ng panukalang pondo ng DOH para sa 2026, nalantad na 297 sa 406 na pasilidad na pinondohan ng HFEP mula 2023 hanggang 2024 ay hindi nagagamit.
Nasa 82 pasilidad na pinondohan ng HFEP, na tinatawag na mga Super Health Center, ang naplano at karamihan ng naitayo ay dahil sa mga isiningit ng mga mambabatas. Kahit si Health Secretary Teodoro Herbosa ay tinawag ang mga pasilidad ng HFEP na bersiyon ng ahensiya ng mga proyektong flood control na itinayo ngunit walang pakinabang.
Marami sa mga pasilidad ang nakatiwangwang dahil walang mga manggagawang pangkalusugan. Para lang sa pagtatayo ng mga pasilidad at pagbili ng mga kagamitan ang pondo ng HFEP, habang ang gastos para sa pagpapatakbo at pagpapasuweldo sa mga manggagawang pangkalusugan nama’y nasa kamay ng pamahalaang lokal.
Walang pondo para dito ang mahihirap na pamahalaang lokal. Sa kabila ng mga dokumentadong usaping paulit-ulit na tinalakay sa mga deliberasyon ng badyet, pinili pa rin ng bicameral committee na taasan ang pondo ng HFEP.
PhilHealth, bulnerable sa korupsiyon
Ang DOH at mga karugtong na ahensiya nito’y nakatanggap ng pinakamalaking parte ng pondo sa kalusugan na 66% on P297.5 bilyon na 20% pagtaas mula sa badyet noong 2025. Ngunit ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) may pinakamalaking bahagi na may nakalaan na P129.8 bilyon o 29% ng kabuuang badyet sa kalusugan mula sa zero na alokasyon sa 2025.
Nasa P53 bilyon lang ang orihinal na panukalang badyet para sa PhilHealth na naglalayon subsidyohan ang premium ng mga indirect contributor, ang mga indigent na pamilya na nasa National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR), mga senior citizen at mga benepisyaryo ng Payapa at Masaganang Pamayanan (Pamana) program.
Sa kabila ng palpak na pamamahala sa pondo at korupsiyon, dumoble ang pondo ng PhilHealth.
Noong 2025, walang natanggap na subsidyo ang PhilHealth dahil sa “dambuhala” na savings nito. Naiulat din na may sobrang pondo ang ahensiya na nasa P89.9 bilyon. Iniutos ng Department of Finance (DOF) sa PhilHealth na isauli ang bahagi ng mga pondo nito sa national treasury upang magamit sa ibang programa ng pamahalaan. Inilipat ng PhilHealth ang P60 bilyon na naging mitsa ng paghahain ng mga civil society group at maraming mambabatas ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang legalidad ng paglilipat ng pondo.
Sa mga pagdinig, ipinagtanggol ng PhilHealth at DOF ang pagsasauli ng pondo na ginamit umano para sa mga layuning pangkalusugan. Kabilang umano dito ang Covid-19 Emergency Health Allowance ng mga manggagawang pangkalusugan at pagbili ng mga kagamitang medikal.
Kalauna’y napag-alaman na ginamit ang P13 bilyon para pondohan ang bahagi ng gobyerno sa mga foreign-assisted na proyektong imprastruktura katulad ng Panay-Guimaras-Negros Island Bridges, Davao City Bypass, Metro Manila Subway at Bataan-Cavite Interlink Bridge.
Noong Disyembre 2025, inatas ng Korte Suprema na isauli ang pondo sa PhilHealth at nagpasya na ang espesyal na probisyon ng 2024 GAA na nagpapahintulot ng paglilipat ng pondo ay isang grave abuse of discretion. Ngunit tumanggi ang Korte Suprema na panagutin si dating Finance Secretary Ralph Recto at nagsabing nasa umakto si Marcos Jr. ayon sa kanyang kapangyarihan.
Muli, sa kabila ng malinaw na abuso sa kabang bayan, walang napanagot.
Ang kakayahan ng PhilHealth na makakamal ng napakalaking savings ay nagpapakita ng mas malalim na problema. Patuloy na nakasandig ang sistema ng pampublikong kalusugan sa insurance imbis na ituon ang pondo sa direktang serbisyo, lalo na sa primary health care. At sa kabila ng pagkahumaling sa insurance, may malubhang hindi paggamit ng pondo para sa benepisyong pangkalusugan ng mamamayan.
Sa datos ng Philippine National Health Accounts (PNHA) mula 2020 hanggang 2023, nasa 12.8% lang ang parte ng PhilHealth sa current health expenditure (CHE) ng bansa habang pinapasan ng mga pamilya ang nasa 43.7% na gastos.
Para sa 2024, inulat ng DOH na nasa 14% ng CHE ang mula sa PhilHealth na malayong-malayo pa rin sa target ng Health Care Financing Strategy (PCFS) na 19.1%. Pero hindi nakalagay sa PCFS ang mga eskema ng pagtitilad-tilad ng pagpinansiya ng pamahalaan, isang salamin ng kawalan ng kalinawan ng gobyerno.
Paggamot sa mga estruktural na sakit
Malaon nang iginigiit ng mamamayang Pilipino ang mas mataas at pagpriyorisa sa publikong pinansiya sa kalusugan. Hindi nahagilap sa hangin ang panawagang ito, mula ito sa tunay na karanasan sa malubhang sistema ng kabiguan—nag-uumapaw na pasyente sa mga pampublikong ospital, mga pasilidad na walang tauhan at ‘di pantay na akses sa serbisyo.
Paulit-ulit ang mga panawagan pero natugunan ang mga pagkukulang at kapalpakan, hindi katiyakan ang paglobo ng badyet sa kalusugan para maayos ng mga problema habang nasa neoliberal na balangkas.
Hindi matataas na numero sa badyet na nakatuon sa pribatisasyon, pagpapaubaya at bulnerable sa abuso na sistemang pangkalusugan ang kailangan ng mamamayang Pilipino.
Nananatiling napapabayaan ang primary care kahit na ang paggugol at ang patakaran ay nakatuon curative care at insurance reimbursement. Overworked, kulang ang suweldo at kapos sa benepisyo ang mga manggagawang pangkalusugan sa kabila ng pagbubuhat sa buong sistemang patuloy silang pinagkakaitan.
Samantala, bumubuhos ang pondo sa mga programang soft pork barrel, ‘di malinaw na alokasyon at insurance na languyan ng pag-aaksaya at abuso—ang pagnanakaw ng mga rekurso mula sa mga direktang serbisyo, pampublikong ospital at klinika at isang matatag na sistema ng primary health care sa buong bansa.
Sa kabuuan, ang estruktura at priyoridad ng badyet sa kalusugan sa 2026 ay hindi lang kabiguan sa patakaran kundi tahasang paglabag sa karapatan ng mamamayan sa kalusugan.
Obligado ang estado na tiyakin ang abot-kamay, at dekalidad na serbisyong pangkalusugan at ang obligasyong ito’y hindi dapat ipaubaya sa pribadong sektor masayang sa paglilipat ng responsibilidad sa pamahalaang lokal. Bilang pinuno ng gobyerno, nasa kamay ni Marcos Jr. ang responsibilidad sa badyet na nagpapaibayo sa mga estruktural na kamalian imbis na iwasto ang mga ito.
Hanggang pagpasyahan ng administrasyong Marcos Jr. na iwaksi ang mga neoliberal na patakaran sa kalusugan at harapin ang korupsiyon at kalabuan sa pagpinansiya sa kalusugan, walang anumang buladas o numero ang makapagkukubli ng katotohanan: isa itong ‘di malusog na badyet na sumasalamin sa pampolitikang interes na dapat panagutan ng administrasyong Marcos Jr. /Unang inilathala ng Ibon Foundation noong Peb. 5, 2026. Salin ni Marc Lino J. Abila