Sumayaw, sumunod ang mga pinalaki ng SexBomb Girls


Kabilang si Lynfel sa mga henerasyong pinalaki ng SexBomb Girls. Humanga siya dahil sa kanilang pormahan at galing sa pagkanta’t pagsayaw.

Makukulay at masisikip na damit, unat na buhok, masiglang paggalaw. 

Sa ganitong imahen nakilala ni Lynfel Toling, 35, ang iconic girl group na SexBomb Girls. Bilang tagasubaybay ng noontime show na Eat Bulaga noong 2000s, nasaksihan ni Lynfel ang pag-usbong ng karera ng grupo bilang mga backup dancers sa programa hanggang sa sumikat na ang mga ito.

Kabilang si Lynfel sa henerasyong pinalaki ng SexBomb. Kuwento niya, 11 taong gulang pa lang siya nang magsimulang hangaan ang grupo dahil sa kanilang pormahan at galing sa pagkanta’t pagsayaw.

“[Noong] may mga lumalabas silang mga album, talagang bumibili ako. Simula sa una na ‘Unang Putok,’ hanggang sa [lumabas ang] ‘Round 2,’” sabi ni Lynfel.

Mabilis na nakahanap ng koneksiyon si Lynfel sa SexBomb Girls dahil mananayaw na siya mula pagkabata. Sa bawat indak ng grupo, mabilis siyang nakasasabay. 

Si Lynfel Toling habang nasa Get Get Aw! concert ng SexBomb Girls noong Dis. 4, 2025. Larawan mula kay Lynfel Toling

Sa katunayan, dahil sa lubos ng paghanga sa grupo, bumuo si Lynfel at ang kanyang mga kaibigan mula sa Pinagmisahan sa Antipolo City, Rizal ng grupong mala-SexBomb Girls. Mula sa mga kanta, sayaw at pormahan, ginagaya nila ang iniidolong grupo.

Si Lynfel ang naging lider nito kaya sa lahat ng miyembro ng SexBomb Girls, si Rochelle Pangilinan ang kanyang paborito dahil nakikita niya ang sarili niya rito.

Sa mga puntong kinukulang sa badyet, gumagawa na lang sila ng paraan para kahit papaano magaya pa rin ang estilo ng pananamit ng mga iniidolo. 

“Tawag sa amin dito, ‘SexBomb Dancers ng Pinagmisahan.’ Tapos dumadayo kami ng iba’t ibang lugar tapos sasayaw,” sabi ni Lynfel. 

Unang nakilala ang SexBomb Girls bilang mga backup dancers sa segment na Laban o Bawi ng Eat Bulaga. Taong 1999, pormal silang binuo noong ng choreographer na si Joy Cancio at ipinangalan sa kantang “Sex Bomb” ni Tom Jones na dating laging kinakanta at sinasayaw ng grupo. Kinalaunan, mabilis na lumago ang kanilang karera.  

Naging laman ng tugtugan ng mga Pilipino ang kanilang mga kanta. Limang album nila ang nakatanggap ng platinum certification na nangangahulugang sampu-sampung libong kopya ang nabenta rito.

Ilan sa mga naging tampok nilang kanta ang “The Spageti Song,” “Bakit Papa?” at “Halukay Ube.” Mula rito, mabilis na bumenta ang kanilang mga isinagawang concert.

Bumida rin sila sa “Daisy Siete” na isang anthology series na ipinalabas sa GMA Network pagkatapos ng Eat Bulaga. Tumagal ito nang pitong taon, mula 2003 hanggang 2010, at nagkaroon ng 26 seasons.

Title card ng isa sa mga season ng “Daisy Siete” na pinagbidahan ng SexBomb Girls. Tape Inc.

Ipinamalas ng mga SexBomb Girls ang kanilang kakayahan sa pagganap ng iba’t ibang karakter. Naging daan ang tagal ng “Daisy Siete” para mas makilala pa ng masa ang SexBomb Girls, lagpas sa kanilang imahen bilang mga dancer sa Eat Bulaga. 

Dahil sa impluwensiyang dala ng SexBomb Girls sa industriya ng entertainment, tinagurian silang best selling girl group sa Asya noong 2000s. Itinanghal din sila bilang bahagi ng Hall of Fame of the Box Office Entertainment Awards matapos magwagi bilang Most Popular Dance Group nang limang magkakasunod na taon. 

Umukit ng espasyo ang grupo sa mundo ng entertainment. Dahil sa kanilang kasikatan na sumibol sa pagiging simple, ipinakita nilang kayang marating ng kahit sino mang nangangarap ang maginhawang buhay. 

Noong 2013, tumigil sa pagtatanghal ang SexBomb Girls matapos hindi i-renew ng ilang miyembro ang kanilang kontrata. Naghiwa-hiwalay sila ng kanilang landas at tinahak ang kani-kanilang karera at buhay. 

Sa pagitan ng laban o bawi, laban ang pinili ng SexBomb Girls. Pagkaraan ng ilang taong pagkaka-disband, muling naging matunog ang kanilang pangalan nang bumalik sila sa entablado nitong 2025 para sa reunion performance nilang Get Get Aw! The SexBomb Concert. 

Muling nabuhay ang loob ng mga pinalaki ng SexBomb Girls nang ianunsiyo ng grupo ang kanilang reunion concert. Dahil sa mabilis na pagkaubos ng ticket sa unang concert, nadagdagan ang araw ng kanilang pagtatanghal hanggang sa umabot na ito sa lima.

Sa kanyang social media post, ibinahagi ng lider ng SexBomb Girls na si Rochelle ang pagdedesisyon sa kanilang concert. 

“When we decided to do this concert, aminado kami—sumugal kami. Walang gustong mag-produce. Walang kasiguraduhan. Pero tinuloy namin kasi hindi naman pera ang hangad namin,” sabi ng lider ng SexBomb. 

Isa sa mga mapalad na nakanood ng concert si Lynfel. Dahil itinuturing niya ang sarili bilang isa sa mga pinalaki ng SexBomb Girls, sinabi niyang mangiyak-ngiyak siya nang mapanuod muli ang grupo matapos ang ilang taon.

Dagdag niya, sinubukan na niya at ng kanyang mga kaibigan na makakuha ng ticket noong unang concert pa lang, kaso naubusan agad sila. Kaya naman laking pasasalamat niya nang matagumpay na makakuha ng ticket sa pangalawang concert. 

“[Talagang] 100% ang saya. Umiiyak ako. Noong nanonood pa lang ako ng round 1 sa Facebook, umiiyak ko. Sabi ko, paano pa kaya kung nandoon [na] ako?” sabi ni Lynfel. 

Si Lynfel Toling kasama ang kanyang mga kaibigan sa Get Get Aw! concert ng SexBomb Girls noong Dis. 4, 2025. Larawan mula kay Lynfel Toling

Kuwento niya, tumatak sa kanya ang parteng kinanta ng SexBomb Girls ang “Tahanan” na isa sa mga nagsilbing theme song ng Daisy Siete.

“Parang throwback talaga, malala. Parang bumalik ako sa 15 years old, 11, gano’n,” sabi niya. 

Lalong naging makabuluhan ang pagpunta niya sa concert dahil kasama niyang dumalo ang dalawang kaibigang niyang kasama rin sa binuo nilang grupong mala-SexBomb dati.

Bukod sa mga kanta at sayaw na pinasikat ng SexBomb Girls, bumalik din sa alaala ni Lynfel ang minsan nilang binuong pangarap magkakaibigan dala ng paghanga sa kanila. 

“[Noong] mga bata pa kami, nag-iisip kami, nangarap na [magpapatayo rin] ng sariling bahay tapos doon kami [sama-samang] titira, [tulad ng] Daisy Siete,” pag-alala ni Lynfel. 

Matagal mang nawala sa industriya, hindi nakalimutan ng mga Pilipino ang SexBomb Girls. Napatunayan ng reunion concert ng grupo na hindi kumupas ang paghanga sa kanila ng mga tao. 

Higit pa sa mga kanta at sayaw na kanilang pinasikat, nagsilbi silang inspirasyon ng mga taong nakikita ang repleksiyon nila sa grupo—mga babaeng lumalaban, sumasayaw at sumusunod sa agos ng buhay.