Mas maagang deteksiyon, mas ligtas na katawan
Sa mga bansa sa Asya-Pasipiko, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng pagkamatay dahil sa breast cancer.
Sa panahon ngayon, mahalaga ang usapin ng kalusugan. Bahagi nito ang pagtalakay sa mga sakit na patuloy na nakakaapekto sa mga kababaihan tulad ng breast cancer.
Ang breast cancer ay isang sakit na kung saan hindi na makontrol ang paglaki ng mga abnormal na breast cells na nagreresulta ng pagbuo ng mga bukol.
Ayon sa pag-aaral ng The Lancet Oncology nitong taon, inaasahang tataas ng one-third ang taunang kaso ng breast cancer sa mundo at aabot na sa 3.5 milyong kaso sa 2050. Nananatili itong isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkakasakit at pagkamatay ng kababaihan sa mundo.
Sa mga bansa sa Asya-Pasipiko, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng pagkamatay dahil sa breast cancer.
Gayunpaman, hindi katapusan ang pagkakaroon ng ganitong sakit dahil may gamot para rito. Iba’t iba ang klase ng paggamot base sa uri ng sakit at kung gaano na kalawak ang pagkalat nito. Kaya naman, mahalaga ang maagang deteksyon ng breast cancer para mas maging mataas din ang tiyansa ng paggaling.
Narito ang ilang mga hakbang para sa maagang deteksiyon ng sakit:
Breast exam
Sa yugtong ito, susuriin ng doktor kung may bukol ba sa suso o kung may kakaiba pang problema rito. Inirerekomenda na sumailalim sa ganito ang mga babae na nasa edad 25-39 kada isa o tatlong taon.
Breast ultrasound
Sa pamamaraang ito, malalaman kung ang bukol ba sa suso ay fluid-filled cyst o isang solid mass. Kung ito ay fluid-filled, hindi ito cancer. Samantalang kapag solid mass naman ito, kinakailangan pa ng dagdag na pagsusuri kung ito ay cancerous.
Mammogram
May kakayahan ang mammogram na matukoy ang breast cancer kahit na nasa unang yugto pa lamang ang sakit. Sa paraang ito, kinakailangang tumayo ng isang babae sa isang special x-ray machine na kukuha ng larawan ng suso mula sa iba’t ibang anggulo.
Breast Magnetic Resonance Imaging (MRI)
Gumagamit ng magnetic field at radio waves sa parteng ito para makakuha ng larawan ng suso. Inirerekomenda ito, kasabay ng mammogram, sa mga babaeng may high risk na ng breast cancer.
Biopsy
Sa pamamagitan nito, inaalis ang maliliit na tissue sa suso ng babae at idinadala sa laboratory para suriin. Pagkatapos, malalaman na kung mayroon ditong cancer cells. Iba’t ibang klase ng biopsy ang ginagawa depende sa uri ng bukol na nakita sa suso.
Maraming iba’t ibang pamamaraan para magawa ang maagang deteksiyon sa breast cancer. Higit na kailangang isaisip ang mga ito para maiwasan ang paglala ng sakit at magkaroon ng malaking tiyansa ng paggaling.