Palestine-themed Barong Tagalog, tampok ang adbokasiya at suporta sa mga nanay
Barong Tagalog na may disenyo ng pakwan ang simbolo ng pakikiisa sa Palestine at suporta sa kabuhayan ng mga nanay mananahi sa Quezon.
Agaw-pansin ang isang Barong Tagalog. Imbis na tradisyonal na burda, pinalamutian ito ng mga hiwa ng pakwan—isang malikhaing pamamaraan para ipakita ang pakikiisa at itaas ang kamalayan ukol sa kasalukuyang sitwasyon sa Palestine.
Tampok sa polo jacket na barong na ito ang sikat na watermelon concept. Sumisimbolo ito sa mga kulay ng watawat ng Palestine: pula, itim, puti at berde. Nagmula pa ang orihinal na sining na ito mula sa isang artist sa Philippine-Palestine Friendship Association.
Simple at magaan sa paningin ang disenyo. Sadya itong ginawang madaling isuot ninuman bilang pagpapakita ng suporta. Isinasalaysay ng bawat tahi ang kasaysayan, kultura at katatagan ng isang bayang lumalaban.
Bukod sa adbokasiya, tinutulungan din nito ang lokal na komunidad. Yari ang barong sa telang pinyang jusilyn na mula sa lalawigan ng Quezon. Dito rin mismong tinahi ng mga nanay ang mga palamuti bilang kanilang kabuhayan.

Sa halagang P2,000, sulit ang barong na ito. De-kalidad at may double-lining ang tela na kaya swak ito sa mga pormal na okasyon. Pangunahing target market nito ang mga government employee at BPO worker.
Ang House of Cali, isang fashion house na sumusuporta sa mga Filipino advocate sa Palestine, ay ang tatak sa likod ng inisiyatibang ito. Dahil full-time organizer ang may-ari, pangunahing idinidaaan online ang bentahan, ngunit minsan ay may mga random pop-up booth.
Mabibili rin ito sa Kriselda Freedom Merch at Kusina sa Balangay sa Quezon City.
Tumatanggap ang House of Cali ng online payment. Ipinapadala naman ang mga produkto gamit ang courier service na sagot ng mamimili ang shipping fee.
Para sa mga nais umorder i-message lamang ang kanilang account, Megan Khalil Guiapal sa Facebook, @calidawarrior sa Instagram, @cali@2010 sa TikTok at guiapalandy@gmail.com ang email address.