Balitang Global

Lider-simbahan ng Jerusalem, hinarang ng pulisya ng Israel


“Unang beses sa maraming siglo” na pinigilan ang mga pinuno ng simbahan na makapagmisa para sa Linggo ng Palaspas sa pinakabanal na lugar para sa mga Kristiyano.

Pinigilan ng pulisya ng Israel si Latin Patriarch of Jerusalem Cardinal Pierbattista Pizzaballa na makapunta sa Church of the Holy Sepulchre para magdaos ng misa para sa Linggo ng Palaspas nitong Marso 29, simula ng Semana Santa sa Simbahang Katolika.

Kasama ni Pizzaballa na hinarang at pinabalik ang Custos of the Holy Land na si Fr. Francesco Ielpo, isang Franciscanong pari na opisyal na tagapangalaga ng nasabing simbahan sa Jerusalem. Dahil sa insidente, kanselado ang prusisyon para sa Linggo ng Palaspas. 

Ayon sa magkasamang pahayag ng Latin Patriarchate of Jerusalem at Custody of the Holy Land, “unang beses sa maraming siglo” na pinigilan ang mga pinuno ng simbahan na makapagdaos ng misa para sa Linggo ng Palaspas sa pinakabanal na lugar para sa mga Kristiyano kung saan pinaniniwalaang ipinako, inilibing at muling nabuhay si Hesukristo.

“Ang pagpigil sa pagpasok ng Cardinal at ng Custos, na may pinakamataas na eklesiyastikong responsibilidad sa Simbahang Katolika at mga banal na lugar, ay isang lubhang hindi makatuwiran at labis-labis na hakbang,” ayon sa pahayag sa wikang Ingles.

Pinuna rin ng mga lider-simbahan ang anila’y “padalos-dalos at baluktot” na desisyon ng pulisyang Israeli na hindi wasto at paglabag sa “mga batayang prinsipyo ng katuwiran, kalayaan sa pananampalataya at paggalang sa Status Quo.”

Ang Status Quo ay mga kasunduan ng mga Kristiyanong komunidad sa Palestine mula pa noong panahon ng Ottoman Empire hinggil sa pagmamay-ari, pangangalaga at paggamit ng mga banal na lugar, kasama na ang Church of the Holy Sepulchre.

Tumatalima sa Status Quo ang mga lider ng mga Romano Katoliko, Greek Orthodox, Armenian Orthodox at iba pang Kristiyanong komunidad na may makasaysayang presensiya sa Palestine.

Sa isa pang magkasamang pahayag nitong Lunes Santo, ibinahagi ng mga lider-simbahan ang kanilang pagkikipag-usap sa mga awtoridad ng Israel upang pahintulutan ang pagdaraos ng mga liturhiya para sa mga Mahal na Araw sa Church of the Holy Sepulchre.

Tiniyak nila na magkakaroon ng livestream ang mga misa at aktibidad sa Holy Land para sa milyon-milyong mananampalataya sa buong mundo sa kabila ng mga limitasyon sa pagkilos dahil sa nangyayaring giyera.

Kasalukuyang nasa ilalim ng okupasyon at kontrol ng Zionistang Israel ang bahagi ng Jerusalem na tinatawag na Old City kung nasaan ang nabanggit na simbahan. Patuloy din ang mga atake ng United States at Israel sa Iran na lalong inilalagay sa panganib ang mga mamamayan sa mga bansa sa Kanlurang Asya.