Panitikan sa kamay ng bagong henerasyon 


Sa mga akda ng mga kabataang manunulat na ito, nagsisilbing daluyan ang panitikan ng pakikibaka, identidad at kultura.

May mga tinig na sumisibol sa bawat henerasyon ng mga manunulat. Sa kanilang pagdaan, pinatutunayan nilang kayang bitbitin ng panitikan ang mga salaysay ng lipunan. At mula noon hanggang ngayon, aktibo ang mga kabataan sa gampaning ito. 

Isa si Amanda Echanis sa mga kabataang manunulat ng kasalukuyang henerasyon. Anak siya nina Randall Echanis, isang peace consultant na pinatay ng estado noong 2020, at ni Linda Lacaba-Echanis na nagsilbi bilang lider ng kilusang magbubukid at beteranong aktibista noong panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Si Amanda Echanis, isang aktibista at kabataang manunulat. Larawan mula sa Free Amanda Echanis Movement

Dahil lumaki sa pamilyang dala-dala ang prinsipyo ng pakikipaglaban sa inhustisya, nakasentro sa pakikibaka ang mga akda ni Echanis. Karaniwang umiikot ang mga ito sa usapin ng mga sektor ng magsasaka at kababaihan.

Bukod sa konteksto ng kanyang pamilya, nakatulong din sa mas pagpapalalim ng kanyang pagsulat ang pagiging bahagi mismo ng mga organisasyon ng masa. 

Nagsilbi siya bilang mananaliksik sa isang lokal na organisasyon para sa mga maralita. Mula dito, nabuo niya ang “Nanay Mameng” noong 2015, isang dula tungkol sa buhay ng lider ng mga maralita na si Carmen Deunida. 

Naging organisador din si Echanis ng Amihan National Federation of Peasant Women sa Cagayan. 

Noong 2020, inaresto siya sa kanyang bahay at sinampahan ng kasong illegal possession of firearms, ammunition and explosives na ayon sa mga tanggol-karapatan ay gawa-gawa lang at bahagi ng crackdown laban sa mga aktibista. 

Hindi naging hadlang sa pagsusulat ni Echanis ang pagkakapiit niya. Nailimbag niya habang nakakulong ang “Binhi ng Paglaya,” isang koleksiyon ng mga tula at sanaysay na inilathala ng Gantala Press at Free Amanda Echanis Movement noong 2023.

Anim na taon din ang kanyang tinagal sa piitan. Noong Enero 2026, tuluyan na siyang inabsuwelto ng korte sa Tuguegarao matapos hindi mapatunayan ng prosekusyon ang mga paratang laban sa kanya.

Bilang manunulat, nakatanggap si Echanis ng iba’t ibang mga pagkilala. Isa na rito ang pagiging awardee ng 2023 Southeast Asian Translation Mentorship. Naging fellow din siya ng prestihiyosong Palihang Rogelio Sicat na nagsisilbing taunang workshop sa malikhaing pagsulat. 

Kasalukuyan siyang nag-aaral sa University of the Philippines (UP) Diliman ng Malikhaing Pagsulat sa Filipino. Bahagi rin siya ng University Student Council bilang councilor.

Iniuugnay naman ni Klara Espedido, manunulat na tubong Sorsogon, ang pagsusulat at usapin ng identidad. Bilang isang transgender woman, naniniwala siyang ang paglikha ay makakapagbigay espasyo sa mga tinig ng mga pinatatahimik. Hinihiling niyang darating ang araw na wala nang batang transgender na manunulat ang matatakot magsulat para isulong ang kanilang karapatan.

Si Klara Espedido na kinilala bilang Mananaysay ng Taon noong 2025. Larawan mula sa BicoldotPH

Karaniwang nakasentro ang kanyang mga akdang pampanitikan sa usapin ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer (LGBTQ+) community. Noong 2024, tinanghal niya ang spoken word poetry piece na “Walang Bakla sa Langit” na tumatalakay sa identidad, diskriminasyon at karanasan ng komunidad. 

Taong 2025 naman, inilathala niya ang akdang “Ang Metanaratibo ng Paglabag Bílang Saligang Paretyeya at Penahrang sa Preserbasyon ng mga Wikang Katutubo” na nagpanalo sa kanya bilang Mananaysay ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino. Nakatuon ito sa paggamit ng mga alamat at metanaratibo sa pagprotekta ng katutubong wika. 

Nakuha niya rin ang ikatlong gantimpala sa Palanca Memorial Awards para sa kategoryang Kabataan Sanaysay noong 2023.  

Naging finalist din siya ng kabi-kabilang pambansa at rehiyonal na patimpalak tulad ng Premyo Gualberto Manlagnit ng Ateneo de Naga University, For You Pilipinas Essay Writing Contest ng Sibika.ph at THE USI Façade’s Essay Writing Contest ng Universidad de Santa Isabel de Naga.

Siya ang naging pinakabatang fellow sa Ikalawang Palihang Rene O. Villanueva noong 2024.

Sa kasalukuyan, nag-aaral siya ng Associate in Arts sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa UP Diliman.

Sa probinsiya ng Isabela, mayroon ding umusbong na kabataang manunulat. Si Charles Palma Gollayan ay manunulat ng mga kuwentong bayan, katutubong paniniwala at pati na rin sa mga karanasan ng mamamayan sa Lambak Cagayan. 

Si Charles Gollayan, kabataang manunulat mula sa Isabela. Larawan mula sa PanitikanPH

Bilang anak ng isang Ibanag at Hiligaynon, ninanais niyang mapalago pa ang kultura ng mga ito.

Nagsilbi siya bilang fellow sa Palihang Rogelio Sicat noong 2024 at nagkamit din ng mga karangalan sa iba’t ibang patimpalak gaya ng Hiraya National Conference noong 2023 at UP KAISA: ISAW Pagsulat ng Sanaysay noong 2022. 

Nailathala naman ang kanyang akda na “Urang ta Cabagan, Ulan sa Maynila sa Agos Tomo V” ng Sentro ng Wikang Filipino na tumatalakay sa ugnayan ng karanasan sa lalawigan at sa lungsod.

Ang mga iba niyang akda ay nakasulat sa Ibanag, Filipino at Ingles at mababasa sa Kinaiya Journal at Katitikan Journal.

Gaya nina Echanis at Espedido, siya ay isang mag-aaral sa UP Diliman na kumukuha naman ng kursong Malikhaing Pagsulat sa Filipino. 

Sa mga akda ng mga kabataang manunulat na ito, nagsisilbing daluyan ang panitikan ng pakikibaka, identidad at kultura. Buhay pa rin ang panitikan at ang kinabukasan nito ay napapayabong ng bagong tinig ng kasalukuyang henerasyon.