Tuition moratorium, iginiit ng NUSP
Kinalampag ng National Union of Students of the Philippines ang Commission on Higher Education para sa moratorium sa taas-bayarin sa mga pribadong paaralan na dagdag pasanin sa mga mag-aaral at magulang sa gitna ng krisis.
Kinondena ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang panukalang 15% tuition and other fees increase sa Philippine Christian University (PCU) sa campus nito sa Maynila at 47.5% naman sa Dasmariñas City, Cavite dahil magiging dagdag pasanin ito para sa mga pamilya.
Tinawag ng grupo na mistulang “rubber stamp” lang ang isinagawa ng administrasyon na konsultasyon sa mga estudyante noong Abril 13 upang pormalisahin ang taas-matrikula.
Binatikos ng grupo ang paggamit sa implasyon at 12-year freeze sa matrikula bilang dahilan, dahil lalo lang nitong itutulak ang mga estudyante sa matinding kahirapang pinansiyal.
Giit pa ng NUSP, hindi katanggap-tanggap ang pangako ng pamantasan na mas magandang serbisyo kung wala namang ipinapakitang malinaw na breakdown ng mga bayarin.
“Affordability cannot be claimed while students are pushed deeper into financial strain,” pahayag ng NUSP.
Hindi naman daw nasosolusyonan niyo ang mga problema sa pasilidad at palpak na hybrid setup.
Nilinaw ng mga lider-estudyante na hindi sila kumukontra sa pagpapaunlad ng paaralan, subalit hindi ito dapat ipataw nang walang tunay na transparency at konsultasyon sa mga mag-aaral.
Tinawag na “mapaniil” ang anumang dagdag-singil sa panahong sumisirit ang cost of living dahil hinahadlangan nito ang karapatan ng kabataan na matamasa ang edukasyon.
Dahil dito, kinalampag ng grupo ang Commission on Higher Education (CHED) para magpatupad ng moratorium sa lahat ng tuition and other fee increases.
Sa huli, nanindigan ang grupo na isang batayang karapatan ang edukasyon na hindi dapat ituring na negosyong pagkakakitaan sa gitna ng krisis.