Sports

Laban ng anakpawis sa World Cup


Katulad ng anumang isports, ang inaabangan ng sambayanan ay ang kuwento, ang naratibo at pag-asang sinuman sa mga team ang maaaring tumayo sa tuktok ng mundo ng football.

Sadyang hindi popular ang football sa Pilipinas. Pero kada apat na taon, tuwing nagkakaroon ng World Cup, unti-unting nadadagdagan ang mga manonood at fans ng isports na ito sa bansa at maging sa buong mundo.

Football ang pinakasikat na laro sa buong mundo at ang World Cup ang rurok ng kompetisyon na ito. Pumalo sa 5 bilyon ang nanood noong nakaraang 2022 finals nang magtagumpay si Lionel Messi at ang Argentina laban sa France.

Ngayong 2026, lalahukan ito ng 48 na bansa, mas malaki sa dating 32. Palipat-lipat ng host ang bawat World Cup. Ngayong taon, pagtutulungan ito ng Canada, Mexico at United States (US).

Madalas maririnig na inaabangan ang mahuhusay na skills ng mga atleta, mga kakaiba at matatalinong taktika sa laro o mga panibagong pangalan na gagamitin ang pinakaenggrandeng entablado para itanim sa isip ng madla ang kanilang mga pangalan.

Pero katulad ng anumang isports, ang inaabangan ng sambayanan ay ang kuwento, ang naratibo at pag-asang sinuman sa mga team ang maaaring tumayo sa tuktok ng mundo ng football.

Kaya hindi nakakagulat na ang isang matagal nang naratibo na kinakapitan ng marami ay ang pagtatagumpay ng maliliit na tao sa makapangyarihan at mapang-api, ng dukha laban sa tirano at ng paghihiganti ng mga kolonya sa mga mananakop. 

Nakita ito noong 1986 World Cup sa Mexico. Si Diego Maradona, tubo sa mga maralitang komunidad ng Buenos Aires, Argentina, lumaki sa bahay na walang linya ng tubig habang naghahanapbuhay ang ama sa pagawaan ng barko para buhayin silang walong magkakapatid, ang ‘di matitinag na bida ng kanyang bansa.

Sa laban ng Argentina at England, naka-score ng dalawang pambihira at nakakamanghang goal si Maradona na kalaunan ay tinawag na “hand of God” at “Goal of the Century.” Hinirang bilang tagumpay ng karaniwang tao laban sa imperyalistang Inglatera ang pagkapanalo nila.

Sa France 1998 naman, nagwagi ang team ng host na bansa sa pangunguna ni Zinedine Zidane, lumaki sa maralitang komunidad ng Paris at anak ng dalawang migrante mula sa Algeria na dating kolonya ng France.

Anak ng mga migranteng natulak tumungo sa Europa para magtamo ng mas maayos na kabuhayan ang karamihan sa mga mahuhusay na player ng France, noon man at hanggang ngayon. Pero patuloy pa rin silang inaapi ng mga pulitiko at iba pang matapobre ng France dahil sa pinagmulan nilang mga mahihirap na bansa.  

“Nagpipinta” raw si Zidane gamit ang bola kapag siya’y nasa field. Elegante ang kilos at humihiwa sa damo ang matulin niyang pagdadala ng bola. No’ng nakuha nila ang tropeo sa huli, para bang naghatid ng malaking bigwas sa lahat ng matabore at isang mahigpit na yakap sa lahat ng kapwa mula sa migranteng pamilya.

Nababalot sa politika ang bawat World Cup. At walang duda na tutok ang mata ng buong mundo sa team ng Iran na isa sa mga nag-qualify mula sa Asya. Sa darating na Hunyo 16 ang unang laban ng Iran, katapat ang New Zealand na gaganapin sa SoFi Stadium sa California, US.

Buhat ng tumitinding agresyon ng US at Israel sa Iran at iba pang bansa sa Kanlurang Asya, maaaring hindi makapanood ang mga fans ng Iran sa mismong stadium. Malala pa, maaaring dala ng tindi ng sitwasyon, maaaring umatras ang Iran sa buong tournament.

Aminado ang Sport and Youth Minister ng Iran na “hindi posible” na tumungo pa ang team at mga fans nila sa US dahil sa tiyak na panganib nito sa kanilang mga kababayan.

Kamakailan, inutusan ni US President Donald Trump na harangan pa ng mga barkong pandigma nila ang Strait of Hormuz. Tahasang pagpapatindi ng tensiyon at agresyon ito sa gitna ng negosasyon ng dalawa para sa ceasefire.

Umapela naman ang Iran sa FIFA, namumunong organo sa football, na ilipat na lang ang kanilang mga laro sa Mexico o sa Canada para maiwasan ang trobol. Pero tumanggi ang FIFA at mahirap daw maglipatan gayong napakalapit na ng unang match.

May wastong kamalayan na inuudyok ang sitwasyon sa panonood ng World Cup. Maaaring mag-enjoy kasama ng mamamayan ng daigdig, lalo na ang kapwa tagasuporta sa pag-abante ng mga mahihirap na bansa at atleta.

Pero sa kabila nito, kailangang manatiling kritikal, bago at hanggang sa pagtatapos ng World Cup. Kilala ang football bilang larong makamasa, pero kagaya ng marami pang ibang bagay sa mundo, inaangkin ito ng makapangyarihan at mapang-aping mga imperyalistang bayan.

Nakakapanghinayang talaga sakaling hindi matuloy ang Iran. At maaaring humantong ito sa panawagan ng boykot sa lahat ng games. Pero anuman ang mangyari, may kahalagahan ang pagtangkilik sa isports bilang pandayan at simbolo ng mithiin ng mamamayan.

Kung makalahok man ang Iran at hindi umabot sa finals, okay lang. Ang mahalaga, may pagkakataong itambol at itindig ang dangal ng isang bansang umaalma sa pinakamalaking berdugo ng daigdig.