Ang tatlong ‘M’ bago mag-makeup
Ang pagme-makeup ay hindi lang tungkol sa pagpapaganda. Malaki ang naitutulong nito sa pagtaas ng kumpiyansa at pagdiskubre sa sarili.
Maraming hakbang bago magsimula sa pagme-makeup. Hindi ito madaling simulan dahil nangangailangan ito ng mahabang pasensiya, dedikasyon at patuloy na pagsasanay. Hindi ito madali sa una, karamihan sa magagaling ay ilang taon nagpraktis bago makuha ang makeup style na ayon sa kanyang mukha.
Halos limang taon na ring bahagi ng aking araw-araw na rutina ang pagme-makeup. Marami na akong sinubukang iba’t ibang makeup style tulad ng Douyin, Clean Girl, Latina at marami pang iba. Halos lahat ng mauuso na makeup style ay sinubukan kong gayahin.
Kaya para sa mga nagsisimula pa lang sa makeup, mayroon akong ilang paalala.
Mag-makeup para sa sarili
Bago ka humawak ng brush, kailangan klaro na ito’y para sa iyong sarili. Dahil kapag ginawa mo ito para makasabay sa uso o kaya sa style na gusto ng ibang tao, malaki ang posibilidad madismaya na hindi makuha ang itsura na hinahangad. Ngunit kung ginagawa mo ito para sa iyong sarili, tiyak mas magiging masaya at makabuluhan ang bawat proseso.
Mahalin ang sarili
Hindi kailangang baguhin ang makeup ang iyong mukha para masabing maganda ka. Ang layunin nito pagandahin at bigyang diin ang mga katangiang mayroon ka. Kapag natutuhan mong tanggapin at mahalin ang natural, mas magiging masaya kang maglaro sa iba’t ibang makeup looks nang walang takot. Ang tunay na kagandahan ay nagsisimula sa pagtanggap sa sarili.
Maging kumpiyansa sa sarili
Pinalabas lang ng makeup ang kumpiyansa ng matagal nang nasa iyo. Huwag matakot magkamali at sumubok. Hindi kailangang perpekto. Sa bawat pagkakamali at pagsubok, mas makilala mo ang iyong sarili at mas matutuhan mong ipagmalaki ang iyong kagandahan.
Pagkatapos ihanda ang sarili, maaari na mag simula sa pag make-up. Narito ang ilang praktikal na tips sa pagme-makeup:
Tip 1. I-prep nang maayos ang mukha para kumapit ang produkto nang maayos at maiiwasan magka breakout.
Tip 2. Alamin ang iyong color palette para hindi mahirapan sa pagpili ng shade na bagay sayo.
Tip 3. Iwasang hawakan ng madalas ang mukha.
Tip 4. Pumili ng long-lasting o waterproof na produkto para kahit maulan o mainit na panahon ay maiwasang mahulas.
Tip 5. Gumamit ng setting spray at setting powder para mas tumagal ang makeup.
Tip 6. Laging magdala ng oil blotting paper o facial tissue upang hindi masira ng pawis ang makeup.
Tip 7. Laging magbaon ng mini touch-up kit para sa mabilisang pag-ayos bago pumasok sa klase, trabaho o dumalo sa pagtitipon.
Ang pagme-makeup ay hindi lang tungkol sa pagpapaganda. Malaki ang naitutulong nito sa pagtaas ng kumpiyansa at pagdiskubre sa sarili.
Sa bawat hakbang na iyong ginagawa, unti-unting mong mahuhubog ang bersiyon ng sarili na matagal mo nang hinahanap. At higit sa lahat, laging tatandaan lahat ito’y magsisimula sa sarili. Hindi lang ito naaangkop sa makeup, isa itong paalala na sa lahat ng bagay, matutuhan nating mahalin, pahalagahan at unahin ang sarili.