2 abogadong kontra-minahan sa Nueva Vizcaya, kinasuhan ng cyber libel


Ayon sa dalawang abogadong tutol sa pagmimina sa Kasibu, Nueva Vizcaya, hindi sumunod sa legal at makatuwirang proseso ang North Luzon Mineral Resources Corp. para sa exploration permit.

Pinadalhan ng subpoena ng Office of the Provincial Prosecutor of Isabela sina Fidel Santos at Edgardo Balgos, mga kontra-minang abogado sa Kasibu, Nueva Vizcaya, matapos sila kasuhan ng cyber libel ng North Luzon Mineral Resources Corp. (NLMRC).

Sa isang Facebook post, giniit ni Santos na hindi tumalima ang NLMRC sa prosesong legal para sa exploration permit. Ayon sa mga residente, attendance sheet ng mushroom-growing seminar ang community consultation requirement na ginamit ng NLMRC para sa exploration permit. Sa isang panayam naman sa DWRV Radyo Veritas Bayombong, sinabi ni Balgos na “unlawful and dishonest conduct” ang ginagawa ng NLMRC.

Ito ang mga batayan ng mga kasong cyber libel ng NLMRC laban kina Santos at Balgos dahil umano sa paninira sa reputasyon ng kompanya. Inatasan ng piskalya ng Isabela ang dalawang abogado na magpasa ng counter-affidavit 10 araw matapos matanggap ang subpoena.

Nagdulot ng pangamba sa komunidad ang eksplorasyon ng kompanyang mina sa kanilang lugar. Maaari umanong masira ang kanilang kabuhayan, katutubong kultura at kalikasan sa oras na matuloy ang pagmimina sa kanilang lokalidad.

Tulad ng nangyari sa Woggle Mining Corporation sa Dupax del Norte, kinondena rin ng mga residente ng Kasibu ang exploration permit ng NLMRC. Saklaw ng proyekto ang 4,456 ektarya na sakop ang walong barangay na Pao, Kakiduguen, Paquet, Dine, Catarawan, Siguem, Muta at Biyoy. Nais ring palawakin pa ng NLMRC ang eksplorasyon nila sa mga lalawigan ng Quirino at Isabela. 

Ayon kay Santos, ang mga kasong ito ay isang “SLAPP (strategic lawsuits against public participation) meant to prevent me from choosing the difficult path of defending the poor and the environment.”

Madalas gamitin ng makapangyarihan ang pagsasampa ng mga kaso upang manakot ng mga tanggol-karapatan at tanggol-kalikasan na ipaglaban ang mga komunidad na naaapi.

Nitong Hunyo 16, nagsampa ng kasong forcible entry ang isang Rosario Camma laban kina Bayombong Bishop Elmer Mangalinao, Fr. Christian Dumangang at mga residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya na nagbarikada kontra-mina ng NLMRC noong Mayo. Ibinasura ng Kasibu Municipal Trial Court ang kaso noong Hunyo 24.