Balik-laro sa 5 libangang ‘90s na buhay muli


Nawili rin ba kayo dati sa mga nagbabalik na laruan at libangan na nauso noong ’90s?

Sa pagbukas ng isang lumang kahon ng laruan, posibleng hindi na lang alikabok ang matagpuan. Ang mga kotseng de-baterya, trumpo, tagabaril ng holen, baraha at birtuwal na alagang kinahumalingan noong dekada ‘90 ay muling lumilitaw sa mga tindahan at paligsahan.

Minsang naisantabi ang mga ito kasabay ng pagtanda ng mga batang naglaro sa kanila. Ngunit sa paglabas ng mga bagong bersiyon, muling nagtatagpo ang mga matagal na kolektor at mga batang unang beses pa lamang humahawak sa mga laruang mas matanda sa kanila.

Sa unang tingin, simpleng nostalhiya lang ito. Ngunit kuwento rin ito ng negosyong nagbebenta ng alaala at ng mga manlalarong naghahanap ng aktuwal na komunidad sa panahong malaking bahagi ng paglilibang ay nakaharap sa iskrin.

Nakahilera ang mga Mini 4WD na gagamitin ng mga manlalaro para sa kanilang karera. The Brickyard/Facebook

Bagaman nakasanayan nang tawaging “Tamiya” ang maliliit na kotseng pangkarera sa plastik na track, Mini 4WD ang pangalan ng mismong linya. Unang inilabas ito noong 1982, ngunit sa Pilipinas ay sumikat ito sa huling bahagi noong dekada ‘90.

Hindi sapat na buuin lang ang kotse. Pinag-aaralan ng mga manlalaro ang motor, gulong, gear, roller, bigat at balanse nito. Dahil dito, pinagdurugtong ng Mini 4WD ang paglalaro, simpleng inhenyeriya at kompetisyon.

Malinaw ang patuloy na buhay ng libangan sa bansa. Daan-daang kalahok ang dumalo sa pagbubukas ng 2025 Mini 4WD Philippine Cup, habang naglabas din ang Tamiya ng espesyal na Philippine Cup kit.

Hindi natatapos sa finish line ang saya nito. Bahagi rin ng laro ang paghahanap ng piyesa, pagkukumpuni ng kotse at pakikipagpalitan ng kaalaman sa ibang manlalaro.

Hindi lang matatanda ang mga napalapit muli sa Beyblade sa pagbabalik nito, kundi mga bata rin. Robmanilaofficial/Instagram

Mula sa sigaw na “Let it rip!” hanggang sa tunog ng nagbabanggaang metal at plastik, ginawa ng Beyblade na paligsahan ang pagpapaikot ng trumpo. Inilunsad ang unang henerasyon nito noong 1999.

Umabot na ito sa ikaapat na henerasyon sa Beyblade X na gumagamit ng bagong stadium at gear system upang pabilisin ang banggaan. Pamilyar pa rin ang paghila sa launcher, ngunit nagbago na ang bilis, mga piyesa at estratehiya ng laro.

Hindi lang muling inilagay sa estante ang lumang produkto. Binuo rin ng Takara Tomy ang Beyblade X World Championship noong 2025. Sa Pilipinas, ginaganap sa mga mall at hobby shop ang mga torneo, kabilang ang Philippine Beyblade Battle League.

B-Daman na may accessories na nauso noong 1993 at nabalik sa kasalukuyang panahon. Shawn Caparas/Facebook

Kakaiba ang B-Daman sa listahan. Isa itong laruang robot na marble shooter upang patumbahin o tamaan ang target. Unang inilabas ng Takara ang B-Daman noong 1993. Naging pamilyar naman ito sa mas batang henerasyon sa pamamagitan ng seryeng B-Daman Crossfire.

May malinaw na muling pagbuhay sa laruan. Sa ilalim ng Legacy Soul, patuloy na naglalabas ang B-Daman ng mga classic na mga karakter matapos ang halos 30 taon. Hindi lang binubuhay ang B-Daman sa mga nostalgic na produkto, kundi mayroon ding mga casual play events ang lokal na komunidad sa mga mall.

Kung ang Tamiya ay nakasentro sa pagkakalikot at ang Beyblade sa banggaan, katumpakan naman ang hamon ng B-Daman. Sa larong ito, bumabalik hindi lang ang laruan kundi pati ang paraan ng paglalarong nakasalalay sa sariling kamay at mata.

Halos magsiksikan na sa pagkapuno ang mga manlalaro ng Magic: The Gathering sa isang tindahan. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Hindi talaga nawala ang Magic: The Gathering. Mula nang ilabas ang unang Alpha set noong Agosto 1993, patuloy itong naglabas ng mga bagong baraha, kuwento at paraan ng paglalaro. Mas lantad ngayon ang lawak ng mga lugar at pagkakataong makahanap ng kalaro.

Hindi sapat ang pagkakaroon ng malalakas na card. Kailangang bumuo ng deck, basahin ang galaw ng kalaban at makibagay sa patuloy na nagbabagong laro. Ang tindahan ay hindi lang bentahan ng baraha kundi lugar din ng mga paligsahan at regular na pagtitipon.

Hile-hilerang mga Tamagotchi ang makikitang ibinebenta sa publiko ng mga resellers, dahil sa pagiging uso muli nito. Y Hobby Store/Facebook

Bago naging karaniwan ang mga laro sa smartphone, may alagang nabubuhay sa maliit na hugis-itlog na aparato. Inilabas ang Tamagotchi noong Nobyembre 1996. Kailangang pakainin, paliguan at makipaglaro sa birtuwal na alaga, kaya may pananagutang kasabay ang simpleng pagpindot sa tatlong button.

Noong Hulyo 2025, inilunsad sa buong mundo ang Tamagotchi Paradise. May zoom dial ito at maaaring mag-alaga ng mga nilalang mula antas-selula hanggang antas-kalawakan.

Sa halip na gayahin lang ang orihinal, pinalawak ng Paradise ang mundong maaaring pag-alagaan na mga hayop. Ngunit nananatili ang pinakapayak na dahilan kung bakit madaling balikan ang Tamagotchi, isang munting alaga na naghihintay ng oras at atensiyon ng manlalaro.

Daang-daang manlalaro ng Magic: The Gathering ang dumayo sa isang palaro sa Pasig City nitong nakaraang taon. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

May presyo ang nostalhiya. Sa mga bagong piyesa, booster pack, launcher at aparato, muling ibinebenta ng malalaking kompanya ang mga alaalang minsang naging bahagi ng pagkabata. Hindi rin pare-pareho ang kakayahan ng bawat manlalarong makasabay sa gastos ng pangongolekta at kompetisyon.

Ngunit hindi lang pagbili ang dahilan ng pagbabalik. Natuklasan sa isang pag-aaral tungkol sa pagkonsumong inuudyukan ng nostalhiya na may kaugnayan dito ang pangangailangang mapabilang.

Makikita iyon sa limang laruang ito. Ang kotse, trumpo, holen, baraha at birtuwal na alaga ay nagiging daan upang muling makipaglaro, makipagkuwentuhan at bumuo ng komunidad.