May bayad ang zero-balance billing
Sa kabila ng ipinagmalaking zero-balance billing ng administrasyong Marcos Jr., lalabas na tumaas pa ang ginastos ng bawat Pilipino para sa kanilang kalusugan noong 2025 ayon mismo sa Philippine Statistics Authority.
“Dito sa atin, mahal magkasakit. Mahal ang gamot. Kulang ang pagamutan. Walang doktor, lalo na sa mga liblib na mga bayan,” ito ang mga eskasktong paglalarawan ni President Ferdinand Marcos Jr. sa estado ng serbisyong pangkalusugan sa bansa sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA).
Iba’t ibang pangako rin ang binitawan niya para sa aniya’y pagsasaayos ng serbisyong pangkalusugan sa bansa. Nariyan ang pangakong padadamihin ang pampublikong ospital at specialty centers, pagdaragdag ng mga doktor at nars, pagdaragdag ng pondo sa sektor at maging pagpapalawak ng tulong pinansiyal para sa mga maysakit.
Pero ayon kay Health Alliance for Democracy (HEAD) chairperson Dr. Delen dela Paz, pinanatili lang ng administrasyon ang parehong mga polisiya, mula pa dekada ‘80, na bumubulok sa serbisyong pangkalusugan sa bansa. Aniya, ito’y mga patakarang nakasentro sa pagbabawas ng pondo para sa kalusugan at pagkiling sa pribatisasyon ng serbisyong pangkulusugan.
Ang resulta nito, sa halos limang taon sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., ginto pa rin ang magkasakit sa Pilipinas, kulang pa rin ang mga ospital at wala pa ring doktor sa mga liblib na bayan.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), aabot ng mahigit P700 bilyon ang ginastos ng mga Pilipino mula sa sariling bulsa para sa serbisyong pangkalusugan noong 2025. Ito’y katumbas ng 41.2% ng Current Healthcare Expenditure ng bansa at hindi nalalayo sa 46.5% na ambag mula sa gobyerno.
Sa kabila ng ipinagmalaking zero-balance billing ng administrasyong Marcos Jr., sa tala ng PSA, lalabas na tumaas pa ang ginastos ng bawat Pilipino para sa kanilang kalusugan noong 2025. Mula P13,356 noong 2024, naging P15,223 ito, katumbas ng 14% na pagtaas.
Ang hindi binanggit ni Marcos Jr. sa kanyang talumpati, ang programang zero-balance billing ay napakalimitado pala at may malaking kapalit na hindi kailanman kayang tumbasan.
Limitadong serbisyo

Hindi lahat ng ospital sa bansa ay nagpapatupad ng zero-balance billing. Sa katunayan, makukuha lang ang programang ito sa 87 na mga ospital na pinapatakbo ng Department of Health at limang ospital ng mga pamahalaang lokal. Katumbas lang ito ng humigit-kumulang 7% ng kabuuang 1,312 ng mga ospital sa Pilipinas, na mayorya ay mga pribado pa.
Isa si Pearlyn (hindi niya totoong pangalan), 31, sa mga napilitang pumunta ng pribadong ospital sa Batangas para magpatingin sa doktor.
“Sa Batangas kasi ang work ko dati tapos ang pinakamalapit nang ospital doon na kayang lakarin ay ‘yong private,” kuwento ni Pearlyn. Madaling araw daw kasi nang mamilipit sa sakit ang kanyang tiyan at kailangang isugod sa ospital. Doon niya na rin nalaman na siya pala’y may gallstones o bato sa gallbladder.
Nangangailangan ng operasyon ang ganitong klaseng sakit. Pero dahil pribado ang ospital, hindi na pinili ni Pearlyn na magpagamot pa rito. Lumipat na siya sa Quezon City General Hospital (QCGH) dahil ito na ang malapit sa bahay ng pamilya niya.
Naisip niya raw na mas mainam nang ilapit sa kanyang pamilya para hindi na rin mahirapan sa pag-aalaga sa kanya.
Isang pampublikong ospital ang QCGH ngunit hindi ito kasama sa listahan ng mga ospital na nagpapatupad ng zero-balance billing. Imbis na isipin na lang ang pagpapagaling, nadagdagan pa ang problema ni Pearlyn nang malamang hindi sapat ang kagamitan ng ospital para sa kanyang operasyon
“Nang makausap ko ang doktor, wala raw aparato ang ospital na kinakailangan para sa operasyon ko. Binibili pa raw nila ito sa ahente nila,” kuwento ni Pearlyn.
Wala mang bayad ang professional fee ng doktor, namroblema naman si Pearlyn sa iba pang gastusin para sa kanyang operasyon. Kung susumahin, aabutin daw ito ng P25,000 hanggang P30,000. Wala pa rito ang gastusin pagkatapos ng operasyon. Hindi pa rin kasama rito ang pamasahe niya papunta at pabalik ng ospital.
“P13 sa jeep at P70 sa tricycle ang [nagiging] pamasahe ko papunta pa lang. Kailangan [ko] pang kumain ng lunch at merienda dahil magugutom sa pila,” sabi ni Pearlyn.
Abril nitong taon nang malaman ni Pearlyn na mayroon siyang gallstones. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin siya nakakapagpaopera. Kailangan niya pa kasing sumailalim sa mga checkup at lab tests na pinipilahan din ng maraming pasyente sa ospital.
“Kahit pumila ka ng 7 a.m., matatapos ka pa rin ng 3 to 6 p.m. depende sa dami ng pasyente,” sabi ni Pearlyn. “Kailangan kong magpabalik-balik nang ilang araw dahil bago ka makapagpa-schedule ng operasyon, kailangan mo munang ma-clear sa lahat ng lab results,” dagdag pa niya.
Mapalad si Pearlyn na hindi emergency operation ang kinakailangang gawin sa kanya. Sa ibang karanasan, may mas mabigat na suliraning nakaabang.
Buhay kapalit ng zero-balance billing

“Nakamit ko naman ‘yong zero-balance [pero] patay naman ang pasyente ko,” ito ang mapait na sinapit ni Jo Peñamante, 65, sa paghahangad niya ng zero-balance noong isugod sa opital ang kanyang 20 anyos na dalagang apo.
“Nahirapan lang siyang huminga tapos nagsusuka,” sabi ni Peñamante. Unang dinala ni Peñamante ang apo sa isang pribadong klinika sa Novaliches. “May bayad [doon]. Noong dinala ko doon, hirap na hirap nang huminga [ang apo ko]. Wala silang nakitang ano, problema ba. Lahat ng [test] e parang clear.”
Sa kabila ng mga ibinigay na gamot, napansin niyang hindi bumubuti ang lagay ng kanyang apo. Muli siyang dumulog sa panibagong doktor, pero, ani Peñamante, pareho lang din ang gamot na inireseta sa kanila.
“Pagkatapos noon, kinabukasan, pumunta ako ng [East Avenue Medical Center]. Pagdating ng East Avenue, gano’n din pina-laboratory [ulit] lahat, hindi pinansin ‘yong laboratory doon sa isang ospital,” ani Peñamante.
Dahil walang pambayad si Peñamante para sa panibagong mga laboratory test, inuna niyang pumila sa Malasakit Center ng ospital para makakuha ng tulong pinansyal kaysa sa kanyang apo. Aniya, hindi rin daw kasi sila aasikasuhin kung hindi pa naiayos ang mga papeles.
“Wala naman akong binayad. Wala. Pati laboratory, x-ray, ECG, wala. Kaso napakahirap. Kasi pila ka. Iwan mo ‘yong pasyente mo. ‘Yon nga eh, doon nga ako nagkamali, naasikaso ko agad ‘yong Malasakit [Center], kasi kung ‘di mo aasikasuhin ‘yon, magbabayad ka. Kung wala sana ganoong [proseso], dapat [unahin] na muna nila ‘yong pasyente,” kuwento ni Peñamante.
Malaki ang pagsisisi ni Peñamante na hindi niya natutukan ang kanyang apo sa mga huling oras nito sa mundo. Humigit-kumulang walong oras umano ang ginugol ni Peñamante sa pagpila at pagproseso sa Malasakit Center sa pag-asang makatamasa ng zero-balance billing. Aniya, maraming proseso ang pagdadaanan bago makabenepisyo sa programa.
Ngunit hindi matutumbasan ang naging kabayaran ni Peñamante sa pagpuntang iyon sa ospital. Zero man ang nakalagay sa kanilang bill, umuwi si Peñamante kasama ang malamig nang katawan ng apo.
“Hindi ko iniisip ‘yong pasyente ko, kasi hindi ko iniisip na mamamatay e. Tapos dahil napabayaan ko, hinangad ko ‘yung zero-balance, kaya gano’n,” ani Peñamante.
Ayuda kaysa serbisyo
Sa pag-aaral ni Maricar Piedad ng Ibon Foundation sa badyet ng sektor ng kalusugan ngayong 2026, tampok pa rin umano ang maliit na pondong nakalaan para sa kalusugan ng mamamayan. Sa P448.12 bilyong nakalaan para dito, malaking bahagi pa nito ang inilagay sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).
Bagama’t may mga nakakabenepisyo mula sa programang ito, matuturing na soft pork barrel ito. Ayon kay Piedad, simula nang buuin ang programa, nakadikit na ito sa mga lokal at pambansang politiko. Bago makakuha ng serbisyong medikal, kailangan muna ng guarantee letter na pirmado ng politiko.
Nabalot din ng mga alegasyon ang mismong programa. Ilang beses rin kasing inalerto ng Commission on Audit ang pagpapatupad ng MAIFIP dahil sa mga hindi nailalabas na pondo, mga hindi liquidated na mga paglilipat ng pondo at paiba-ibang proseso para makakuha ng tulong.
Inalis man ang rekisito ng guarantee letter mula sa isang politiko, mabigat pa rin ang burukrasya para makakuha ng tulong pinansyal ang mga nangangailangan. Kagaya na lang ng naranasan nina Pearlyn at Peñamante, ang pag-aasikaso ng papeles para lang malibre ay nag-aantala ng atensiyong medikal o kaya naman ay bumabawi ng buhay.
“Sana kung gano’/n din lang ang proyekto na zero-balance, once na nagpunta ka sa ospital, ‘wag nang ganoon [na] pila-pila, automatic na [sana] ‘yon. At saka i-provide nila [pati] ‘yong gamot,” ani Peñamante.
Ayon kay Piedad, “Out-of-pocket spending continues to account for a large share of health expenses, while long processing time and excessive documentation requirements have become normalized burdens for those seeking MAIFIP assistance.”
Sa huli, ang pagpapagamot at pananatiling malusog sa isang bansang mahirap at gutom ay nagiging pribilehiyo ng iilan. Imbes sanang ayuda na dapat pang pilahan at paghirapan ng kababayang Pilipino, mas mainam pang ilaan ang pondo sa totoong libreng serbisyong pangkalusugan.