P7M trust fund ng PDLs sa CIW, itinakbo, pinapalikom ulit


Napag-alaman ng mga person deprived of liberty sa Correctional Institution for Women na nawawala ang P7 milyon na “trust fund” na nasa pangangalaga ng pamunuan ng bilangguan.

Nitong Hulyo 30, napag-alaman ng mga person deprived of liberty (PDL) sa Correctional Institution for Women (CIW) na nawawala ang P7 milyon mula sa pera nilang nasa pangangalagan ng mga awtoridad na kilala bilang “trust fund.” 

May passbook system sa loob ng CIW para sa mga magpapadala ng pera sa mga nakapiit. Nitong huli, umabot na umano sa P13 milyon ang kabuuang halaga ayon sa anunsiyo ng kulungan sa mahigit 3,000 na PDL.

Ngunit, sa proseso daw ng audit, nakitang P6 milyon lang ang natira. Labas pa ito sa mga alahas at iba pang trust fund accounts na hindi kabilang sa sistema. 

Sa ilalim ng Inmate Post Exchange cashless system, hindi hihigit P2,000 kada linggo ang allowance ng isang PDL. Ayon sa isang bilanggong politikal, tinanggalan ng Good Conduct Time Allowance at ang pagtawag ang isang bilanggo ng nahuli mayroong humigit P2,000.

Bagaman hindi pa klaro ang detalye sa nawawalang salapi, itinuturo ang trust fund officer na si Bianca Ramos, na agad daw tinanggal sa trabaho at kinasuhan ayon sa anunsiyo ng kulungan. 

Humingi ng tugon ang Pinoy Weekly pamunuan ng CIW ngunit hindi sumagot ang tanggapan. 

Naniniwala ang mga bilanggong politikal na posibleng resulta ito ng korupsiyon. Dapat anilang imbestigahan ang insidente at maging transparent ang CIW sa lahat ng PDL.

“Walang opisyal na dokumento o audit na ipinakita sa amin. Basta na lang itinakbo raw ang pera,” kuwento ng isang bilanggong politikal. 

Anila, wala paring aksiyon na ibalik ang nawawalang pera. Lilikumin pa raw ng presinto ang bayad mula sa dagdag-singil sa mga tawag ng mga PDL, ang dating P3 sa limang minuto ay naging piso kada minuto, upang ipampuno ang nawawalang P7 milyon.

“PDL ang ninakawan ngunit PDL pa rin ang magbabayad,” kuwento ng mga bilanggo. 

Kinondena din ng Gabriela ang mga anomalyang nagdulot sa pagkawala ng pondo ng mga PDL. 

“Ninanakawan ang mga nakakulong habang malaya ang pinakamalalaking magnanakaw,” ani Cora Agovida ng Gabriela. 

Pansamantalang tinatangal ang hati ng PDL mula sa telephone fund hanggang mabayaran ang nawawalang pondo. Dagdag pa dito ang biglaang pagtaas ng presyo ng tawag.

Nitong nagdaang linggo, walang padalang pera mula sa mga pamilya ng mga PDL. Walang klarong sagot ang mga tauhan ng CIW.

Panawagan ng PDL sa CIW na ibalik ang pera, buwagin na ang trust fund at imbestigahan ng Commission on Human Rights at Department of Justice ang pangyayari sa institusyon.