Tangkang pag-aresto sa 2 lider-obrero, tinuligsa


Kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at ng Gabriela ang tangkang pag-aresto sa dalawang lider-manggagawa nitong Ago. 13.

Kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at ng Gabriela ang tangkang pag-aresto kay KMU chairperson Jerome Adonis at Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) spokesperson Jacqueline Ruiz nitong Ago. 13.

“Pambihira nga naman, talagang itinaon ng gubyerno ang paglalabas ng warrant kung kailan lumalakas ang pagkilos ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod,” sabi ni Adonis sa isang video sa Facebook.

Ayon sa pulisya, hinainan ng mandamyento de aresto ang dalawa dahil sa umano’y paglabag nila sa Article 153 ng Revised Penal Code at Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985 na may kaugnayan sa kilos-protesta noong Araw ng Paggawa sa Maynila nitong Mayo 1. Ito ang pangalawang kasong kinakaharap ni Adonis na may kinalaman sa nasabing protesta.

“Ang atake kay Jerome Adonis ay atake laban sa buong kilusang manggagawa. Isa itong atake sa batayang karapatan ng mamamayan na magpahayag at magprotesta laban sa pagsasamantala at pang-aapi,” pahayag ng KMU.

Buwelta naman ng Gabriela, “Ang kasong isinampa kontra sa mga sangkot na lider-aktibista ay walang batayang akusasyon at gawa-gawa lamang ng Manila Police District na basta-basta inapurubahan nang walang paunang imbestigasyon.”

Patuloy na nanawagan ang KMU at Gabriela na ibasura ang mga gawa-gawang kaso sa dalawang lider-manggagawa.

“Hindi n’yo ako mapapatahimik, tuloy-tuloy tayong lalaban para sa interes ng mga manggagawa. Lalong-lalo na noong inilaban natin noong Mayo Uno yung mga patakaran na kontra-Pilipino,” wika ni Adonis.