Unyon sa DHL, sinabotahe ng manedsment
Nakawelga ngayon ang mga manggagawa ng DHL Supply Chain dahil sa union busting at planong pagpapasara sa warehouse sa Muntinlupa City.
Umabot na sa 10 araw nitong Ago. 26 ang welga ng mga manggagawa sa DHL Supply Chain Philippines Inc. laban sa planong pagpapasara sa warehouse sa Sucat, Muntinlupa City sa katapusan ng buwan.
Sabi ng DHL United Workers Union (DUWU), inaantala din ng manedsment ang negosasyon sa collective bargaining agreement ng unyon dahil sa hindi pagbibigay ng kaukulang tugon ng kompanya.
Mayo nitong taon nang sinertipikahan ng Department of Labor and Employment ang DUWU bilang sole and exclusive bargaining agent ng mga manggagawa ng DHL sa Muntinlupa City.
May 20 pasilidad ng kompanyang German na DHL Supply Chain sa Pilipinas na may mahigit 3,000 na empleyado.
Dalawang buwan matapos nito, namahagi ang manedsment ng mga redundancy letter na may kasamang pre-computed severance packages sa 473 na manggagawa.
“Ang banta na tanggalin ang 473 na manggagawa ay nagpapakita na hindi pinapahalagahan ng DHL ang karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa at bumuo ng unyon,” ani ni Center for Trade Union and Human Rights executive director Kamz Deligente.
Ayon sa DUWU, sinabi ng manedsment na tapos na ang tatlong taong kontrata sa pagitan ng ng DHL Supply Chain at Robinsons Supermarket na pinirmahan noong 2025 kaya hindi na kailangan ang warehouse sa Muntinlupa City na pangunahing imbakan ng mga produkto ng supermarket.
Ngunit patuloy anila na pumapasok ang mga produkto ng Robinsons at nalipat na ang mga ito mula sa kanilang pasilidad papuntang Laguna at Pampanga nitong Ago. 16.
Nitong Ago. 26, sumugod ang mga nagwewelgang manggagawa sa Muntinlupa City sa warehouse ng DHL sa Sta. Rosa City, Laguna upang komprontahin ang anila’y “runaway shop” para takasan ang pananagutan ng kompanya sa unyon.
Ikinagalit din ng DUWU ang ‘di pagtalima ng kompanya sa pinirmahang Global Framework Agreement kasama ang International Transport Workers’ Federation at UNI Global Union sa paggalang sa mga karapatan sa freedom of association, collective bargaining at constructive industrial relations.